TILA lumulutang pa rin ako sa mga ulap habang pabalik kami ni Lucia sa kanilang tahanan. Nakasukbit ang kaniyang braso sa akin, at siya naman ay magiliw na ngumingisi sa likod ng kaniyang abaniko.
Nanitig lamang ako sa kanya't naisip na hindi ko inakalang karapatdapat at posible ang ganitong klase ng ligaya.
Pupwede na akong mamatay kung ganito lang rin ang tanawing bubungad sa akin sa araw-araw. Siya.
"Miguel..." Tumigil ako sa paglalakad nang huminto siya sa tapat ng kanilang pwertahan. Suminag na ang ilaw ng mga kolgante sa bawat kalye at maraming tao na ang nag-uuwian mula sa kanilang mahabang araw.
Sa dagsa ng mga tao ay wala akong makita kung hindi siya. Noon ay hindi ako naniniwalang may pagtingin na hindi napapawi ng panahon, ngunit nang makita ko siyang muli ay tila kahapon lamang nang una ko siyang makita sa hapag. Posible pala ang ganitong pag-ibig. Iyong naitatago ngunit hindi nawawala.
Hinila ko siya palapit sa akin at hinawakan ang kaniyang mala-rosas na pisngi, "Tila may pag-aalinlangan ka, binibini."
"Miguel! Hindi pa tayo magkatipan," luminga-linga siya sa paligid at hinampas ang aking kamay.
"Paumanhin," marahan akong humalakhak at itinago ang aking mga kamay sa aking likuran. "Ano ba ang iyong nais sabihin?"
Pilit kong hinuli ang kaniyang mga tingin ngunit patuloy siyang umiiwas, "W-wala... Nais ko lamang na sabihin na kailangan mo ng basbas nina Ina, Ama at ng aking abuelo sa iyong... panliligaw." Inayos niya ang kaniyang lalamunan.
Hinawakan ko ang magkabila niyang balikat. "Tumingin ka sa akin."
Agad naman niyang inilipat ang kanyang tingin sa aking mga mata. Napabuntong-hininga na lamang ako dahil bakas pa rin ang mga tanong rito, ngunit hindi pa rin maitago ang mga ningning - at tila tala ang mga ito. Alam kong mayroon siyang pag-aalinlangan sa aking tungkulin sa hukbo. Batid ko na rin ang mga desisyon na aking gagawin kung sakaling pumayag siya sa aking alok.
Ganito ako ka-handang ibigin siya at tanggapin ang mga kapalit nito. Marami akong napagtanto mula noong malayo siya sa akin at marami rin akong natutunan mula sa Heneral de Jesus... at sa kaniyang mga pagsisisi.
Maaari pa rin naman akong tumulong sa rebolusyon kahit na magbitiw ako sa hukbo... Hindi ito madaling desisyon, ngunit buo na ang aking loob para kay Lucia.
"Huwag kang mag-alala, kung nais mong lisanin kong muli ang hukbo ay-"
Marahan siyang umiling nang paulit-ulit, umalog pa ang kaniyang mga hikaw kasabay nito. "Hindi, Miguel. Hindi ko iyon nais. A-alam kong... mahal mo ang iyong tungkulin, at hindi ibig sabihin na mahal mo rin ako ay hindi mo na iyon maaaring gampanan."
Nahabag ako sa kaniyang mga sinabi. Buong akala ko ay nais niyang manatili ako sa kaniyang tabi at itigil ang pag-anib sa hukbo. Nanatiling nakabuka ang aking bibig, hindi alam ang nais sabihin. Naging ngisi na lamang ito.
Siya nga ang para sa akin.
"Lucia, araw-araw akong maghihintay na makita ka, ang mapanood ka sa iyong mga kasuotan.... Ang marinig ang iyong tinig. Hindi ako siguradong hindi kita maiisip kahit ako ay nasa kalagitnaan ng digmaan. Sana ay hindi, dahil impyerno iyon." Natawa ako sa aking mga sinabi.
"Matagal ang iyong mga paghihintay, Koronel," banayad niyang sinabi at nauna nang pumanhik sa kanilang hagdanan.
Matagal rin ang aking hinintay bago kitang makitang muli. Wala nang mas tatagal pa sa mga oras na ako ay naghihirap dahil ika'y aking pinakawalan.
PAGBALIK sa piging ay hindi maialis sa kanila ang pagka-intriga sa aming mga ngiti ni Lucia. Nagtinginan na lamang kaming dalawa at pilit ikinubli ang mga nais naming sabihin. Nagkahiwalay na kami dahil sa dami ng taong nais kumausap sa amin. Tumango na lamang ako sa kaniya at hinayaan siyang hilain ng kaniyang mga dating kaibigan mula pang Maynila. Nanatili ang titig sa akin ni Maria Soledad na anak ni Rocio Tuazon. May iba sa kaniyang tingin, tila ba hindi ito komportable habang nakikipagtalakayan kay Lucia.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical Fiction[Rebolusyon Duology #1] Batid nating mayroon nang mga librong pangkasaysayan ang nabasa na natin noong elementarya, hayskul, o kahit kolehiyo. Tinukoy sa mga libro ang pananakop at rebolusyon- ngunit hindi pa kailanman nabanggit ang pighating idinul...
