Ikatatlumpu't-walo: Ang Trahedya

21 3 0
                                    

NAGULANTANG ang lahat nang umalingawngaw ang tinig ng babae sa kabuuan ng simbahan.

Ang tanging mukhang aking pinagmasdan at tanging inalala ay ang kay Lucia. Nakabuka nang bahagya ang kaniyang bibig at nanliliit ang mga matang nanatili roon sa babae. Namutla ako sa aking kinatatayuan dahil bakas sa kaniyang mukha ang pagkalito.

"Babae, ano ang iyong dahilan kung bakit mo ipinahihinto ang kasal na ito?" Tanong ng Padre Lucas na siya ring tanong naming lahat. Sino ang nagdadalang-taong babaeng iyon, at bakit siya tumututol sa aming kasal?

Dahan-dahan ay lumapit ang babae at taimtim kaming nakinig sa kaniyang mga hakbang. Siya ay pamilyar. Ito ba ay ang apo ng Inang Gracia na siyang katulong noon nina Lucia? Ano ang kaniyang ginagawa rito?

Tumigil siya sa tapat ng upuan nina Donya Teresita at tila huminto ang mundo nang ituro ako ng babaeng iyon, "Dahil siya ang ama ng aking dinadala sa aking sinapupunan! Si Koronel Miguel Valenzuela!"

Bumalot sa paligid ang matinding bulungan at halos mabingi ako sa aking mga narinig. Ako? Ama ng kaniyang anak? Anong kalokohan ito? Anong paninirang puri ito sa harap ng aking pinakamamahal?

"Sinungaling! Hindi ko ugali ang magsalita laban sa isang babae, ngunit hindi maganda ang maidudulot ng iyong mga sinasabi!" Sigaw ko at akmang lalapit sa kaniya ngunit naramdaman ko ang malalambot na kamay ni Lucia na pumigil sa akin.

Pinigilan niya ako at nanghina ako sa kaniyang mumunting mga hakbang. Iniangat niya ang kaniyang belo at sa unang pagkakataon ay nasilayan ko nang maayos ang kaniyang mukha, ang kaniyang maganda at maalong buhok, ang kaniyang mga alahas para sa araw na ito... ang mga matang aking pinakatatangi nang higit pa sa mga tala - ngunit pawang mga pangamba ang aking natanaw roon.

Narinig ko ang pagtindig at galit na mga salita ng Donya Teresita, "Disgrasyada! Maninirang puri! Sino ka upang sirain ang kasal ng aking anak at ng kaniyang nobyo?!"

Ibinaba ng babae ang kaniyang belo, "Ako ang apo ng Inang Gracia na siyang nagsilbi sa inyo! Nagkaroon kami ng relasyon ng Koronel nang mapadpad siya sa Binan noong nakaraang tatlong buwan!"

Napapapikit na lamang ako nang mariin sa kaniyang mga sinasabi.

Tingin ko ay alam ko na kung ano ito. Batid kong mayroong hindi nais ang kasal na ito at kung sino man iyon ay siya ang may pakana. Dinudurog ang aking puso sa mga sandaling ito dahil sa posibilidad na hindi ako paniniwalaan.

Dinudurog ang aking puso sa posibilidad na hindi ko na muli pang makakasama pa si Lucia.

Pulos panunuring mga mata mula sa pamilya ni Lucia ang lumipat sa akin at hindi ko alam kung paano haharapin ang mga iyon. Si Teyong naman ay hinawakan ang aking balikat at katulad ko ay naguguluhan rin. Nakakuyom na lamang ang aking kamaong bumaling kay Tatay Hilario.

"Mag-ingat ka sa iyong mga paratang, babae," Lumapit si Lucia sa babae at nais ko rin sanang nasa tabi niya ako ngunit hindi ko maigalaw ang aking mga paa, "Magtatanong akong muli, sino ka, at bakit mo sinisira ang aming kasal?"

Bumaling sa akin ang apo ni Inang Gracia na isang beses ko pa lamang nakikita nang magpunta ako ng Laguna tatlong buwan na ang nakalilipas. Malinaw para sa akin na wala kaming ugnayan, at lalong walang namamagitan sa amin!

Isa lamang ang babaeng minamahal ko, kaya't matatanggap ko sana ang kahibangang ito kung tunay kong sinasaksak sa likuran si Lucia... ngunit hindi. Nanatili akong tapat sa kaniya. Nanatili akong naghihintay sa kaniya at sa araw na ito!

"Ako si Maria Elena Carvajal y Monasterio, apo ng Inang Gracia na siyang nagsilbi sa inyong pamilya ng ilang taon ngunit itinapon niyo lamang na tila pusa noong magkagulo sa Maynila!"

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon