Ikaapatnapu't-apat: Ang Huling Takipsilim

25 3 0
                                    

Ikaapanapu't-apat na Kabanata: Ang Huling Takipsilim (El Ultimo Atardecer)

13 Setyembre 1907
Binondo, Maynila

PAYAPA ang kalangitan. Walang ibang lugar na tulad ng aking kinalakhan. Napakaraming alaala ang naiwan ko nang lisanin ko ito nang magsimula ang sigalot mula sa pagitan nating mga Pinoy at mga Amerikano. Hindi pa man ito tuluyang natatapos ay mapalad akong nakabalik ako rito sa tulong ni Francisco, ang aking asawa. Pumayag siyang dito na palakihin ang aming nag-iisang anak na si Miguelito noong isilang ko siya pitong taon na ang nakararaan.

Oo, iyon ang kaniyang pangalan.

"Donya Lucia, mayroon ho kayong panauhin," Napalingon ako sa aking kasambahay na si Maria. Bitbit pa ang pinggang pinupunasan ay tinawag niya ako mula sa bungad ng aking silid.

Tumango ako, "Sino iyan?"

"Hindi ko ho alam e. Pero sinabi niyang kilala niyo siya."

Tumindig ako at tinapik ang aking anak na mahimbing pang natutulog sa aking tabi. Pinanitili kong bukas ang bintana upang maayos na dumaloy ang hangin.

Isinuot ko ang aking panuelo at inayos ang aking buhok. Maagang umalis ang aking asawa para sa isang pulong kaya't kami lamang ni Miguelito ang naiwan sa tahanan.

Dalawang taon na ang nakararaan nang pumanaw ang abuelo. Hindi ko alam ngunit wala akong naramdaman kung hindi bahagyang kalungkutan. Ang Mama naman ay halos hindi kumain at lumabas ng kaniyang silid nang mangyari iyon. Nanatili siya sa Dagupan upang patakbuhin ang negosyo roon, at dito naman sa Binondo ay ako ang namamahala kasama si Francisco.

Hindi pa ako nakasusulat ng liham kay Mama upang makamusta siya. Masyado akong abala dahil paparating na naman ang kapaskuhan at napakaraming kliyente.

Paglabas ko ng silid ay naaninag ko ang lalaki sa sala, nakatalikod ito mula sa akin ngunit aninag ko ang kaniyang ternong amerikano. Pamilyar siya, ngunit hindi ko na matukoy kung sino.

Tumindig ito nang marinig ang aking mga hakbang at napahawak ako sa rosaryong nasa aking leeg nang siya'y lumingon.

"Senyora," Hinubad niya ang kaniyang fedora, "Nagkita tayong muli."

Pakiramdam ko'y nagbalik ang mga alaalang matagal ko nang inilibing sa aking puso. Tila ba hinukay ang lahat ng mga itong muli, maging ang mga pighati ay naging sariwang muli.

Bahagya nang tumanda ang kaniyang hitsura, ngunit naroon pa rin ang makisig na tindig ng isang ginoo ng hukbo. Batid kong wala na ang hukbong iyon ngayon. Inaamin kong hindi napapawi ang aking mga pangamba sa impormasyong pinapasuko na ng mga Amerikano ang mga tulisan na naninirahan sa kabundukan.

Hindi ko maiwasan ang isipin kung ano na ang nangyari sa lalaking tangi kong inibig.


Sa tuwing nakakalimutan ko siyang isipin ay tila isa itong kasalanan.

"Mateo," Iyon na lamang ang aking nasabi.

Huli ko siyang makita ay nang sabihin niyang hahanapin niya si Miguel, ngunit napakatagal kong naghintay. Walang Teyong na nagpakita sa akin.

Napayuko siya at dahan-dahan akong humakbang patungo sa silyang kaharap siya.

"Maaari ko bang tanungin ang iyong sadya?"

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon