02 Hulyo 1897
Bayan ng Laguna
"HENERAL Pelaez," sumaludo ako sa Heneral na tila ba kanina pa hinihintay ang aking pagdating. Sa tabi niya ay si Tinyente Gomayoso na siya ring sumaludo sa amin ni Teyong. Pinanood ko ang mga sundalong nakahanay sa gitna ng mainit na tanghali ngunit nag-iibayo pa rin ang diretsong tindig. Tumango ako sa kanila at sinabihan ang Heneral na pagpahingahin ang mga ito.
Minandohan sila na sumilong muna sa mga puno dahil sa matinding init. Maging kami ay hindi na rin kinaya ang matinding sikat ng araw at sumilong sa may telon ng kanilang kampo. "Nakakatuwa at nabigyan tayo ng oras, Koronel. Nakahinga nang maluwag ang mga manggagawa at mga sundalo."
Tumango ako at pinanood si Teyong na nakikipagusap sa mga sundalong kanyang kilala. "Oo nga ho. Ngunit inaasahan na rin namin na hindi ito palalagpasin ng mga Kastila. Kaya't samantalahin ang oras upang kumalap ng mga sundalo at magsanay."
Malayo ang tanaw ng Heneral sa mga bulubundukin na nasa aming harapan. Sa likod ng mga ito ay ang lawa ng Laguna na nagningning ang katubigan dahil sa tapat na sinag ng araw. "Koronel, dahil malapit ka sa Presidente-Heneral... may nais sana akong hingiing pabor."
"Ano iyon?" Tanong ko at uminom ng tubig. Pinanood niya akong gawin iyon at tila ayaw niyang may makarinig sa kaniyang mga sasabihin.
"Kahapon ay may nadampot kaming Katipunero mula sa Makiling... saad niya ay anim na lamang silang natitira. Nang tanungin ko kung ano ang nangyari ay hindi siya agad nagsalita," napalingon ako sa kaniyang panimula at agad inilapit ang aking tenga. "Ngunit kaninang umaga ay napakalma ko ang lalaki at sinabi kong maaari niya akong pagkatiwalaan. Ikaw ba, Koronel ay maaaring mapagkatiwalaan?"
May ideya na ako sa kaniyang mga susunod na sasabihin, ngunit ang mga ito ay pawang pagkumpirma na lamang. Sa ngayon ay si Presidente-Heneral ang pinakamataas at pinakamaimpluwensya sa bayang ito, at hindi ko alam kung saan magsisimula sa pagtatanong ng mga bagay sa kaniya. Nang huli ko siyang tanungin ay iniwasan niya ang aking mga haka-haka.
Dahan-dahan akong tumango, at narinig ko ang paghigop niya ng kanyang hininga bago nagsalita sa mababang boses. "Ang Komandante Alcazar at ang Presidente-Heneral, kasama ang brigada ng Kawit ay pinagpapatay sina Bonifacio sa Maragondon. Matagal ang naging pagtugis, ngunit naibaba nila ang bilang ng mga ito sa anim. Noon pa itong Abril nagsimula."
Hindi na ako nagulat sa aking mga narinig ngunit hindi ko alam ang mga maaaring hakbang na gawin upang makumpirma nga ito. Halos malunod rin ako sa pag-iisip na mula pa pala noong Abril nga ito nangyayari. Noong mga panahong iyon ay wala si Komandante Alcazar kasama si Teyong. Agad akong napatingala sa kaniya habang siya ay nakikipagtawanan sa isang sundalo. Maaari kayang kasabwat at nakasama siya sa pagtugis?
"Ano ang ngalan ng Katipunero?" Tanong ko.
"Juan," ani Heneral Pelaez at agad akong tumango.
"Kakausapin ko siya kapag natapos na ang lahat ng ito."
"Bakit hindi pa ngayon?"
Bumuntong-hininga ako at hindi na ito sinagot. Baka hindi pa ako handa.
Alam kong naging malaking tutol ang Magdiwang mula sa Magdalo, ngunit hindi ko kailanman naisip na ipapapatay ni Presidente-Heneral Aguinaldo ang ilang Katipunero dahil lamang sa dahilang iyon. Tingin ko ay ginawa niya rin ito dahil sa mga darating na taon ay ayaw niyang mahati ang mga papanig sa pamahalaan na nais niyang ilatag sa Pilipinas.
"Susubukan kong kumalap ng impormasyon, Heneral. Sa ngayon ay mahihirapan tayong magrebelde laban sa kaniya kung ito ang iyong nais..."
Natawa siya sa aking mga tinuran at bahagya akong pinandilatan ng kanyang mga mata. "Kami ay maaari pang magrebelde, Miguel. Ngunit kayong mga kanang kamay niya, lalo na ang Punong Heneral de Jesus, kapag nalaman niyang umaatras kayo at nakikipagsabwatan mula sa kanyang likuran ay papatayin rin nila kayo, tulad ng ginawa niya kina Bonifacio at Procopio!"
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Fiksi Sejarah[Rebolusyon Duology #1] Batid nating mayroon nang mga librong pangkasaysayan ang nabasa na natin noong elementarya, hayskul, o kahit kolehiyo. Tinukoy sa mga libro ang pananakop at rebolusyon- ngunit hindi pa kailanman nabanggit ang pighating idinul...
