Ikaapatnapu't-dalawa: Ang Dalawang Magkaibigan (Los Dos Amigos)
5 Hunyo 1899
Cabanatuan
"HINDI ako naniniwalang patay na si Valenzuela," Mariin ang mga salita ng Ka Miong, "Sigurado akong nakianib na siya sa mga tulisan. Sigurado akong sinadya niyang tumiwalag sa hukbo upang malabanan ako."Umiling ako, "Hindi niya iyon magagawa sa Heneral Luna, Presidente."
Tinapunan ako ng matatalim na tingin ni Goyo, "Kung mayroon ka mang kung anong binubuo sa isip mo upang matakbuhan ang inuutos sa iyo, Teyong..."
Tumikhim ako at tumindig, "Masusunod ang inuutos ninyo, Presidente. Tutumba ang Heneral Luna bago pa man sumapit ang hapon."
Tumango siya at agad ko nang itinaas ang aking kanang kamay upang sumaludo. Tumango na lamang ako kay Goyo at lumabas na mula sa himpilan upang tipunin ang brigada ng Kawit.
Masasabi kong nawala ako sa reyalidad mula nang mamatay si Miguel, ngunit maging ako man, tulad ng Presidente ay hindi naniniwalang patay na siya. Itinuring ko na siyang aking malapit na kaibigan at kaagapay kaya't paminsan ay hindi ko pa rin ito matanggap sa aking loob.
Ni hindi nga ito kumpirmado dahil sunog ang bangkay na aming natagpuan. Tanging palatandaan noon ay ang kaniyang kwintas at uniporme.
Hindi ko ito magawang ibalita sa Senyorita Lucia, kaya't kay Mang Hilario ko na lamang ibinalita noong natagpuan ang kaniyang mga labi sa kabundukan. Ang ipinagtataka lang din namin... ay ang iilang armas na tila pag-aari ng mga espiya na dumakip kay Miguel, na naroon sa lugar kung saan namin natagpuan ang kaniyang bangkay. Mayroon pa ngang iilang piraso ng tela at patak ng dugo sa mga nangagtuyong dahon.
Ipinagsawalang-bahala iyon ng iilan, ngunit mayroong akong kaalaman na isa sa mga tulisan ay ang Tiyo ni Miguel. Maaaring nailigtas nila si Miguel at pinalabas na patay na ito upang mailayo na siya sa hukbo. Maaari ring pinaslang na rin ang mga espiyang dumakip kay Miguel.
Kung nabubuhay ngang tunay ang aking kaibigan ay hindi ko alam kung makakayanan ko bang makaharap siya dahil palagay kong ngayon ay mayroon na siyang nalalaman kung ano nga ba ang aking tunay na ginawa dalawang taon na ang nakalilipas.
"Handa na ba ang lahat?" Sinalubong ako ng Kapitan Julaton, ang pinuno ng brigada. Maayos silang nakahanay at nagtatalakayan pagdating ko sa likuran ng himpilan.
Batid ko sa aking sarili na hindi ako malinis na sundalo at mayroon akong kinalaman sa pagkawala ng mga pinuno ng Katipunan. Ngayon naman ay magiging sanhi ako ng pagkamatay ng Heneral Luna na siyang aking tinitingala, ngunit kung hindi ko dalhin sa Presidente ang kaniyang ulo ay kami ng aking Papa ang papaslangin.
Hindi na rin naman mahirap para sa akin ang pumaslang.
"Maayos na, Koronel. Hihintayin na lamang ang pagdating ng Luna na iyon. Marapat nga'y ipakalat ko na ang iilan sa aking tauhan upang sundan ang kaniyang brigada patungo rito."
Tumango ako at napatingin sa kalangitan. Napakalinis at walang kaulap-ulap. Mapula at mainit ang dugong dadanak sa lupaing ito.
"Siguraduhin niyong walang makakatakas."Lumabas ako mula sa himpilan upang makabili ng makakakain. Pinanood kong umalis ang Presidente kasama si Goyo upang maiwasan ang usapan na nandirito siya nang mamatay ang Heneral Luna. Bilib rin ako sa baling prinsipyo ng Presidenteng ito. Takot siyang mawala sa kaniyang kapangyarihan, dahil batid niyang mas mayroong kaalaman si Luna sa kaniya. Hindi ko lang rin alam kung paano siya naging pinuno ng bansa.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Ficción históricaHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...