Ikadalawampu't-isa: Ang Bugso Ng Bagyo

31 4 0
                                    

13 Agosto 1897
Kawit, Cavite

SA araw-araw na ginawa ng Diyos ay walang humpay na palitan ng bala ang aming ginawa at pilit na dinepensahan ang barikadang ito. Dahil na rin sa nangyayaring gulo ay malabo ang naging suplay ng aming pagkain at mga kagamitan para sa mga mediko. Pilit naming tinipid ang mga rasyon na hindi rin sasapat sa aming lahat, ngunit may mga bulong ng pasasalamat sa tuwing may malalagas sa amin. Hindi iyon tama, at hindi magiging tama, ngunit kailangang may mabuhay upang magpatuloy.

Sa mga nakaraang linggo ay labing-isang asintado ang nawala sa amin, at dalawampu't-isa na lamang silang natitira ngayon. Sa likod ng trintserang ito ay nasa apatnapu na lamang kami. Bawat dumaraan na araw ay nawawalan na kami ng pag-asa na kaya pa namin itong depensahan. Malapit na ring maubos ang aming mga bala, at wala nang maibubuga ang aming kanyon. Sa dinami-rami ng aming ipinadalang telegrama ay tila walang nakabasa at nakatanggap.

"Heneral, anong balita? Wala bang nakatanggap ng telegrama? Mamamatay tayo ditong dilat!" Sigaw ni Teyong kasabay ng kanyang nayuyukong paglakad patungo sa amin. Nanunuyo na ang aming mga labi sa matinding init at uhaw. Naiiling akong tumingin sa kanya at inilahad ang mga natitirang bala ng aking rebolber at karbin.

Bagsak ang mukha ni Heneral de Jesus habang patuloy na sinisilayan ang mga Kastila sa kabilang bahagi. Mababakas dito ang pagkawala ng pag-asa at pagkapagal, "Iniwan tayo dito upang mamatay, Teyong."

Nanlumo ako sa aking mga narinig at nagpakawala ng isang bala patungo sa mga Kastila. Wala itong tinamaan at napapikit ako nang mariin. Nakakabingi ang pagsikad ng mga bala sa aming paligid, at unti-unti nitong pagbakat sa mga konkreto na nasa aming harap. Matibay ang mga konkretong ito, ngunit hanggang kailan aabot ang aming mga bala at lakas?

Nabibilang na lamang ang aming mga oras rito, ngunit sila ay padagdag lamang nang padagdag. Baka mamayang hatinggabi ay aabante na sila at tuluyang kukunin ang bayan na ito. Kapag walang dumating na tulong ay ganoon ang mangyayari.

"K.. kanyon!" Nahuling babala ni Heneral de Jesus kaya't nahuli ang aming pagyuko at pag-iwas.

May iilan sa aming asintado ang tinamaan nito. Nanlulumo naming pinanood ang pagsabog ng kanilang mga ulo at mga kamay. Nagkalat ang kanilang mga laman at dugo sa alikabok. Napuno rin ng dugo ang mga katabi ng tatlong asintadong natamaan ng kanyon. Halos mabingi ako sa katahimikang naghari sa amin. Tinanggal ko ang aking gorra at sinandal ang aking likod sa konkreto, hindi masikmura ang mga nangyayari. Napapikit ako nang mariin at bumulong ng dasal.

Narinig namin ang sigawan ng mga Kastila sa kabilang bahagi, tila alam na ang aming kapalaran.

Dugo at alikabok- mga bagay na aking nalalasahan sa aking tuyong bibig. Wala sa dalawang iyon ang pumawi ng aking uhaw at mas lalo lamang itong lumala. Wala kaming tyansa rito.

Halos mahilo ako sa init na nararamdaman ngunit wala akong nagawa kung hindi magpakawala ng mga balang sana ay tama pa ang pinatutunguhan. Nagdadalawa na rin ang aking paningin sa sobrang panghihina. Doble-doble na rin ang mga boses na umaalingawngaw sa aking pandinig. Habang patagal nang patagal ay hindi ko na sila marinig at tila nawawala ang pagsikad ng mga bala mula sa kalaban.

Tumayo ako nang maayos dahil nandilim ang aking paningin at pilit inayos ang sarili. Isinuot kong muli ang aking gorra at nabigla ako sa paghatak sa akin ni Carlos, "Yumuko ka, Koronel! Mamamatay ka sa iyong ginagawa!" Pagkahatak niya ay alingawngaw ng bala ang dumaan sa aking tainga, senyales na muntikan na akong matamaan sa aking mata.

Ilang beses na itong nangyari, ngunit kapag naiisip kong ikamamatay ko iyon ay sana nangyari na lamang.

"Ayos pa ho ba kayo? Namumutla kayo! Doon ho muna kayo sa kuta." Tanong ni Carlos at nakatutok sa kanyang karbina. Inilagay ko ang huling mga bala sa aking rebolber at huminga nang malalim. Tatagan mo ang iyong loob, Miguel.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon