Ikadalawampu't-dalawa: Ang Mata ng Bagyo

28 4 0
                                    

07 Setyembre 1897
San Jose, Nueva Ecija

MABIBIGAT ang aking mga naging hakbang patungo sa himpilan ng Presidente-Heneral. Kasimbigat nito ang mga tingin na ibinato sa akin ng mga sundalong aking nadaanan, tila nagtataka sa aking pagmamadali at sa aking hitsura.

Isang linggo na ang nakalipas ay tagumpay naming nadepensahan ang Kawit, maging ang kabuuan ng Cavite. Sumuko ang mga Kastila sa dami ng brigada na dinala ni Komandante Alcazar. Tila wala na silang maibubuga pa at maraming taong malalagas sa kanila kung ipagpapatuloy nila ang pag-uusig, kaya't humingi na sila ng tigil-putukan para sa kanilang pag-atras. Balita ko ay mas pinagigting na lamang nila ang pag-uusig sa Laguna, Bataan, at Maynila. Malaki ang naitulong ng isang buwan naming pagkalap ng mga sundalo, dahil hindi kami basta-basta maubos ng mga Kastila sa mga engkwentro. Tama ang taktikang napili ni Heneral de Jesus, ngunit ang kalakip ng taktikang ito ay maayos na aksyon, at iyon ang hindi naibigay sa aming brigada.

Kung mas maaga lamang ang naging pagtugon ng Presidente-Heneral sa kanyang tungkulin bilang Komandante-Heneral rin ng hukbo ay sana hindi naubos ang mga tauhan namin sa Kawit! Kung hindi pa dumating ang Komandante ay baka hawak na ng mga Kastila ang Cavite at nakapasok na sa Laguna, at doon na magkakandaletse-letse ang Timog!

Naiwan si Heneral de Jesus at ang Komandante upang panatilihin ang aming hanay sa Kawit at masiguradong wala nang Kastila roon. Ako naman ay nagpumilit na sumama kay Teyong upang makompronta ang Presidente.

Diretso ang akiing mga mata sa kaniya na nakaupo roon sa gitna ng kanyang mesa, lumalaklak ng alak sa tabi ni Pule. Sa tabi ni Pule ay si Heneral del Pilar na nagulat sa aking hindi pagbati o pagsaludo. Inilapat ko ang aking dalawang palad sa lamesang nasa kanyang tapat. Tahimik lamang ako nitong pinanood at tila nakikiramdam. Bumaling siya kay Teyong na nasa aking likuran.

"Respeto, Koronel." Mariin na turan ni del Pilar.

"Lahat ng aking respeto ay naubos ko na sa tatlumpung telegramang aking ipinadala, Heneral Goyong," Bumaling ako sa Presidente-Heneral, "Mawalang-galang na, Presidente, ngunit kung masyadong mataas ang kinauupuan mo at hindi mo alam na ikaw ay Kapitan-Heneral ng hukbo, ay ipapaalam ko sa iyo." Panimula ko at inialis ang aking mga kamay sa kanyang lamesa.

"Maging maingat ka sa iyong mga isasaad, Koronel Valenzuela." Anang Pule at ibinaba ang kanyang baso. Bumabaling si Aguinaldo sa kaniya at pagkatapos ay tila naghintay na ito ng aking mga sasabihin.

"Pawang katotohanan lang. Ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng isang Kapitan-Heneral ay magpadala ng dagdag na mga sundalo sa isang nanganganib na kampo sa gitna ng digmaan. Alin sa tatlumpung telegrama ang hindi niyo naintindihan, Presidente?"

Bumuntong-hininga ito at gamit ang kaniyang banayad na boses ay sumagot, "Koronel, maupo ka. Ikalma ang sarili, at huwag pairalin ang galit."

Napapikit ako nang mariin at naupo sa harap ni Goyong na tahimik lamang na nanonood. Tumabi sa akin si Teyong at diniinan ang pagpisil sa aking balikat, sinasabing kumalma ako. "Ang huli mo lamang na telegrama ang nakarating sa akin."

Nakunot ang aking noo sa kaniyang isinawalat, "Ano ang inyong sinasabi, makailang beses na inihatid ni Kapitan Carlos ang mga telegrama!"

Bumaling siya kay Pule at ibinalik ang tingin sa akin saka yumuko sa kaniyang baso, "Binihag ang mga naging tagapaghatid ng mensahe bago pa man makarating sa akin. Hinarang ito ng mga Kastila. Ang huling tagapaghatid ay nakalusot sa mga gwardya sibil."

Lumibot sa ere ang aking mga mata sa pagkalito at pagkabigla. Paano nangyari iyon?

"Koronel, normal lang ang malagasan ng mga tauhan, lalo na ngayon," Kumento ni Goyong na siyang aking binalingan, "Namatay silang nagseserbisyo sa bayan. Iyon ang hindi natin kakaligtaan."

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon