Ikatatlumpu't-dalawa: Ang Noche Buena

38 4 0
                                    

24 Disyembre 1898
Tahanan ng mga Yangco

NAGNINGNING na ang aming tahimik na tahanan nang sumapit ang gabihan. Karamihan sa mga ihahain sa pagsasalo-salo ay nakalatag na sa aming mahabang lamesa sa komedor, pinailawan na rin ng Papa ang mga aranya at lampara, at nagsisimula na ring tumugtog ng kaonting saliw ang aming mga binayarang musikero: isang biyulinista at piyanista. Maayos na rin ang aking gayak at hindi mapakali ang aking mga matang malayo ang tanaw sa aming bintana.

Kaninang umaga lamang ay dumating ang aking Tiyo Angelo, ang kapatid ng aking Papa, kasama ang aking Tiya Josefina na kaniyang esposa, at ang aking nag-iisang pinsan na si Angelita na kanilang anak na halos kasing-edaran ko lamang. Sila ang orihinal na nagmamay-ari nitong mansyon ngunit nang lumisan sila para sa Tsina ay ibinenta na ito kay Papa. Pansamantala silang naninirahan sa mga Nable-Jose, ang Don Mariano na siyang malapit na kaibigan ng Tiyo Angelo.

Kaninang tanghali ay dumating na rin ang aking abuelo na nagmula pang Calasiao, dala ang iilang manok at biik na kaniyang binili. Ipinahawak niya pa sa akin ang isa sa mga biik at nanlumo ako nang katayin ito sa aking harapan.

"Aking mahal na pinsan, tila hindi ka mapakali," Halos mapatalon ako sa aking kinatatayuan sa may bintana nang ako ay lapitan ni Angelita. Suot niya ay isa aking mga idinisenyong kasuotan, isang gintong camisa at puting saya't patadyong. Itinaas ko rin ang kaniyang buhok na bumagay sa kaniyang maliit at maamong mukha.

Ibinalik ko ang aking tanaw kay Mama at Tiya Josefina na masaya ang usapan sa salas. Ang abuelo, ang Tiyo, at ang Papa ay nasa labas at kausap ang iilang tao na kanilang pinamahagian ng mumunting handog. Hindi ko lamang mabatid kung nasaan ang aking hermano.

"Iyong kinikwento ko kanina sa'yong nanunuyo sa akin, imbitado siya," Bulong ko sa likod ng aking abaniko, "Iyong balak kong tanggapin ngayong gabi!"

Nasabik ako sa pag-iisip sa kung paano ko sasabihin na tinatanggap ko na si Miguel bilang aking kasintahan. Nakapagisip na ako ukol dito at tinimbang ko nang maayos ang aking desisyon. Sinabi ko na rin ito kay Mama at Papa, at masaya sila para sa akin.

Sabik siyang lumapit sa akin, "Naku, nasasabik na akong makilala ang iyong magiging asawa, Lucia. Sana ako ay makahanap na rin," Bumuntong-hininga siya at dumungaw sa bintana, "Ayaw ko naman sa ipinipilit ng Mama sa akin."

Tumabi ako sa kaniya at sinamahan siya sa pagdungaw, "Mayroon siyang isinusundo sa iyo?"

Napuno ng pagkabahala ang kaniyang mga mata at malungkot na bumaling sa akin, "Mayroon, isang mestizong binata... Kakilala rin nila ng Papa sa Binondo. Ngunit ayaw ko sa kaniya."

"Sigurado naman akong maiintindihan ka ng Tiyo."

Ipinagpag niya ang kaniyang abaniko at magiliw na pinanood ang mga bata sa ibaba, maligayang sumasaliw ng mga awitin na para sa kapaskuhan. Kumaway kami sa iilan sa kanila. Mukhang may dala silang supot mula kayna Papa.

"Sigurado ako doon, Lucia. Ngunit si Mama? Kahit gumuho na ang mundo ay hindi niya hahayaang gumuho ang kaniyang yaman."

Hindi ko na napansin ang kaniyang mga sinabi at napako na lamang ang aking tanaw sa paparating na karwaheng tangan si Miguel at Mang Hilario. Maayos ang bihis ni Miguel at suot niya ang damit na aking idinisenyo para sa kaniya. Tama nga ang aking hinala na bagay ito sa kaniya. Halos matawa pa ako nang bumaba siya sa karwahe at mukhang hindi pa sanay sa eskudo na kaniyang suot. Ito ay karaniwang isinusuot ng mga ginoo sa pormal na handaan, at kadalasang suot rin ng mga mestizo. Bagay lamang ito sa kaniya dahil iyon naman talaga siya: isang makisig na binatang mestizong Pilipino.

"Lucia, ano ang iyong tinatawa riyan?" Sinundan ni Angelita ang aking mga mata.

"Iyan na siya, Angelita. Si Miguel!" Malakas ang aking bulong dahilan upang takpan ko ng abaniko ang aking bibig at sandali ay lumingon kina Mama.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon