22 Marso 1897
Teheros, Kavite (Tejeros, Cavite)
MAGULO ang pagtitipon para sa desisyon sa kung ano ang pamahalaang itatatag para sa Pilipinas. Sa pagitan ng Magdalo at Magdiwang ay hindi na naubos ang mga katwiran, mula sa panig ng Magdiwang na si Supremo Andres Bonifacio, at sa Magdalo na siya namang panig namin ng Heneral Aguinaldo. Noong una ay hindi ko alam na nahati na pala ang Katipunan sa dalawang bahagi. Nalaman ko na lamang ito nang lumaban ako kasama si Heneral del Pilar sa Bulacan at siyang dinala ako sa noong Kapitan-Heneral na si Emilio Aguinaldo. Buong akala ko ay si Bonifacio, Mabini, at Jacinto lamang, ngunit napakarami palang opisyal ang saklaw ng kilusan.
Nakatayo lamang kami ni Heneral de Jesus sa likuran ni Heneral Aguinaldo at pinanood ang bawat pangangatwiran nila. Paminsan ay hinihingan kami ng opinyon ng Heneral Aguinaldo ngunit sinubukan naming maging patas. Tama naman ang paninindigan ni Bonifacio at ng sa kanya, ngunit sa palagay ko ay mas kailangang magkaisa.
Mainit sa loob ng silid at nakakarindi ang walang palyang batuhan ng argumento. Hindi ako sigurado kung ito ang una at huli dahil walang kasiya-siya sa mga nangyari.
Sa dulong bahagi ng silid ay nasa gitna ang Supremo, na siyang pulang-pula sa pagkairita. Tingin niya ay hindi naayon sa kanya ang direksyon ng pulong.
"Bumuo tayo ng Rebolusyunaryong Pamahalaan, iyon ang ating kailangan," ani Heneral Aguinaldo.
"Iba ang negosasyon sa madugong rebolusyon, Heneral," tugon ni Andres. Katwiran niya'y hindi puwede magsama ang Katipunan at ang pamahalaan.
Napakagulong bagay ng pulitika na kahit noon pa'y iniwasan kong masangkot, at hanggang ngayo'y sinusubukan kong hindi masangkot. Ano man ang maging desisyon ay sisiguraduhing madadala sa tamang direksyon.
Nanahimik ang lahat nang magsalita ang matalinong si Apolinario. Bawat salita niya'y walang nais makipagargumento at siyang nirespeto ng lahat. Pagkatapos ng kanyang opinyon at katayuan sa nangyayari ay nagpatuloy ang pulong patungo sa isang Eleksyon.
"Hindi ko gusto ang direksyon kung saan ito patungo, Miguel," bulong ni Heneral de Jesus sa akin. Tama siya. Maging ako ay nararamdaman ang tensyon habang nagtatalaga ng mga taong mamumuno sa rebolusyon.
"Wala tayong magagawa, mas alam nila ang mga ganitong bagay," tugon ko at ibinalik ang tanaw kay Heneral Aguinaldo na siyang itinatag na Presidente. Hindi kaaya-aya ang reaksyon ng Supremo rito.
Natapos ang kumbensyon na walang konklusyon, at nabanggit ngang mauulit pa ito. Sumunod kami sa ngayo'y Presidente-Heneral na si Aguinaldo, na bagamat naitalagang Presidente ay marami pang katwiran na ibinubulong habang kami'y naglalakad patungong karwahe. Sumalubong ang maraming pagbati ngunit naroon rin ang pagngiwi ng iilang kasapi ng Magdiwang kay Heneral.
"Bukas ay tutungo tayo ng Eskolta, kinausap ako ng isang Don bago ang pulong kanina. Nag-aalok daw ang isang Don Theodoro Yangco ng libreng tabas at paggawa ng uniporme bilang tulong sa rebolusyon," ani Presidente pagtuntong namin sa karwahe.
"Dahil ba ito sa namumuong negosasyon sa pagitan ng mga Español at Amerikano?" tanong ko. Ang uniporme ay mabigat na bagay sa rebolusyon. Kung magkakaroon ng uniporme ay magkakaroon ng panibagong himagsikan. Sa aming unang taon ng pakikipagdigma ay pawang kamiseta, mga uniporme na kinuha namin sa mga nabihag naming kawal ng Espanya, at salakot o ang aming gorra lamang ang aming gamit na uniporme.
Naghintay ako ngunit hindi nasagot ang tanong ko ng hapong iyon.
Mula Tejeros ay dumiretso kami sa Imus upang tulungan ang kaniyang kapatid na si Heneral Crispulo. Maayos naman ang hanay ngunit masyadong agresibo ang mga Kastila sa bandang ito.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
أدب تاريخي[Rebolusyon Duology #1] Batid nating mayroon nang mga librong pangkasaysayan ang nabasa na natin noong elementarya, hayskul, o kahit kolehiyo. Tinukoy sa mga libro ang pananakop at rebolusyon- ngunit hindi pa kailanman nabanggit ang pighating idinul...
