Ikalabing-pito: Ang Kalungkutan at Galak

40 3 0
                                    

20 June 1897
Université de Paris

TAHIMIK ang aming silid pagdako ng aming ikalawang klase para sa araw na ito. Hinihintay pa rin namin ang aming guro para sa pangalawang asignatura kung saan tungkol ito sa akmang pagsusukat para sa iba't-ibang disenyo ng mga kasuotan.

Noong una akong tumuntong ng Paris ay akala kong ako lamang ang nag-iisang nagmula sa Pilipinas, ngunit halos lahat ng aking mga kasama sa klase ay mga Pilipino din na maraming koneksyon sa Europa. Noong nakalipas na limang taon ay sinigurado ng Ina at Ama na may kaalaman kami ng aking hermano sa pakikipag-usap sa mga tao sa Europa, sa pagnanais na rin na dito kami mag-aaral, ngunit ako lamang ang naiwan. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari kay Kuya Luis at sa kung ano mang kilusang sinabi niyang kanyang sasalihan.

Wala pa akong pinapadalang telegrama bukod kay Ina na nagsasaad na ako'y ligtas na nakarating sa aking unibersidad kung saan dito rin ako maninirahan sa dalawang taon. Sa aking lungkot ay hindi ko alam kung ano ang mga nais kong sabihin sa aking mga naiwan sa Pilipinas.

Kasama ko sa dormitoryo-silid ang isang purong mestiza at isang babaeng Pilipino na nagngangalang Elosteria. Purong Pilipino ito ngunit ang kanyang Ama ay kilalang mangangalakal ng Europa. Mabuti na lamang ay hindi ako mababaliw sa pag-alala ng mga salitang Pranses upang makisama dahil kasama ko si Elosteria sa silid.

"Lucia," Agad dumalo sa silya sa aking tabi si Elosteria, pawis na pawis ito habang pilit na inaayos ang kanyang mga takas na buhok, "Muntik na akong maabutan ng ating propesor."

Tumawa ako at aming pinanood ang pagpasok ng istriktang guro sa pintuan. Agad kaming umayos ng upo at inilabas ang aming mga kagamitan na gagamitin sa kanyang klase.

Kinahapunan, pagkatapos ng aming mga klase ay naupo kami sa isang kilalang kapehan dito sa labas ng aming unibersidad. Marami ang mga estudyanteng Pranses, kabilang na ang iilang sikat na Pranses sa aming unibersidad, ang naupo rin sa mga nagkalat na lamesa sa kapehan. Nangibabaw ang amoy ng bagong tusta na tinapay maging ang bango ng mga kape na dala ng iilang mga serbidor.

Napakaganda ng temperatura ng Paris; hindi malamig at hindi rin mainit, tama lang sa kapal ng kasuotan na aming kailangang isuot sa unibersidad. Isa itong mahabang bistida, sarado ito sa leeg at sagad hanggang kamay ang mga manggas. Paminsan nga ay hindi pa ito sapat at kailangan pa naming magsuot ng bandana. Ang kasuotan naman para sa aming ulo ay isang sumbrero na nababalutan ng palumpon ng bulaklak sa bandang kanan.

Sa tuwing papasadahan ko ng tingin ang aking kasuotan sa salamin ay nangungulila ako sa aking pang-araw araw na kasuotan sa Pilipinas. Ang aking mga panuelo, kamisa, saya, at patadyong. Naandoon lamang sila sa loob ang aking aparador sa Pilipinas. Sana ay masuot ko ang mga itong muli.

Nakagat ko ang aking labi dahil sa isang imahe na dumaan sa aking isip. Ligtas kaya ang kanyang kalagayan? Hindi ko alam kung dapat ba akong magpadala ng telegrama sa kaniya, dahil hindi ko tiyak kung hinihintay niya ba ito. Baka ako na lamang ang naghihintay at umaasa.

Pagkatapos kaya ng dalawang taon ay naandoon pa siya? Walang kasintahan, o anak? Buhay at masigla?

Hindi ako sigurado sa aking kalagayan sa susunod na dalawang taon, dahil siya lamang ang laman ng aking isipan. Suntok sa buwan na limutin ang kanyang mga mata, at ang maisip na may iba na itong sinisinta ay nakapanlulumo. Walang naging opisyal sa pagitan naming dalawa, ngunit hindi wala lang ang aming mga tinginan. Alam kong hindi "wala lamang" ang mga iyon. Alam iyon ni Ina at Ama, at alam niya rin ito.

"Si Miguel na naman ba?" Sa likod ng mamahaling tasa ay ang mga mata ni Elosteria na pinanood ang aking pagkatulala, "Sa tuwing tutunganga ka sa bintanang iyan ay alam kong ang Koronel lamang na ito ang iyong naiisip."

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon