MAY katagalan na rin kaming nakaabang sa aming puwesto sa paanan ng kabundukan. Wala pa rin kaming nakikitang liwanag ng lampara mula sa kabilang bahagi ng kabundukan na siyang magiging senyales ng aming pagbaba ng Heneral patungo sa kartel. Ang ipinagaalala ko ay baka may biglaang mangyari at umalis ang Heneral sa kanyang kubo.
"Antayin lamang natin. Maingat ang kanilang mga kilos," Ani Heneral de Jesus at itinaas ang kanyang palad.
Maya-maya lamang ay natanaw na namin ang sandaling pagsinag ng lampara sa kabilang panig ng paanan ng kabundukan. Ito na ang naging senyales upang bumaba kami ng Heneral sa kartel.
Bago kami magsimulang maglakad pababa ay tinignan muna namin ang mga kawal na ngayon ay nagtatawanan. Mukhang libang na libang sila sa kung ano man ang kanilang pinagkekwentuhan.
Maingat ang aming mga naging hakbang ni Heneral at sinubukan na hindi maapakan ang mga tuyot na dahon at sanga ng puno. Nilingon namin ang tatlong kawal na mukhang walang pakialam at hindi man lang nagbabantay. Gayunpaman, maaaring makita pa rin kami dahil sa isang kawal na nasa tapat ng kartel. Isang sigaw lamang nito ay maaari kaming paputukan.
Nagtago kami sandali sa damuhan at matamang tinitigan ang kawal sa kartel na alertong nakabantay. Kakailanganin pa naming tawirin ang palayan bago makarating sa kartel ng Heneral, at hindi kami siguradong hindi nila kami makikita dahil sa putik na magpapatagal sa aming pagkilos.
"Magpaa tayo, Heneral." Suhestyon ko dahil magpapabigat lamang ang aming mga bota at napakadulas nito. Kapag dala na namin ang Heneral ng Espanya ay hindi na kami maaaring magkamali. Nasa banda lamang nina Heneral Garcia ang kampo ng nasa isandaang sundalo, at kapag may nangyaring engkwentro man at nagkabukingan ay kailangan naming tumakbo nang napakabilis. Mabuti kung patag na kalsada o diretsong kalsada lamang ang aming tatakbuhan, ngunit paakyat ang daan patungo sa bundok, at napakatarik!
Isa pa, kapag nagkagulo na ay naandoon pa sina Teyo, Heneral, at mga sundalo sa kabilang panig. Kapag dumagsa ang mga sundalo ay nakataya ang kanilang buhay!
"Sige, hubarin mo na. Mauuna ako," Hinubad na ng Heneral ang kanyang mga bota at tahimik itong itinabi. Itinaas niya nang bahagya ang kanyang pantalon.
Pinanood ko ang unti-unti niyang paglusong sa putikan at ang maingat niyang paglalakad.
Ako naman ay naghubad na rin ng bota at sumunod sa kaniya. Napapikit pa ako nang mariin bago gawin iyon.
Napakalamig ng putik nang lumubog ang aking mga paa sa palayan. Si Heneral ay halos nasa gitna na ng palayan, at sinubukan kong humabol sa kanya. Sa likuran ng kubo kami didiretso upang hindi kami mahagip ng liwanag ng kolgante na nasa pintuan nito.
Katahimikan ang bumalot sa amin at ang tunog ng aming mga paa na naalsa sa putik ay tila ba tunog na ng bomba sa akin. Tumingala ako sa aming mga asintado sa tulong ng liwanag ng buwan. Tutok na tutok sila sa mga kawal na nasa hindi kalayuan sa amin. Bakas sa kanilang mga mukha ang malalalim na paghinga at pangamba.
Pagkatapos ng tila habambuhay ay naabot na namin ang likuran ng kubo. Parehas kaming huminga roon at sumandal sa mga nipa. Masikip ang aking paghinga at ayaw kong maglabas ng kung ano mang ingay.
"Mukhang hindi tayo napansin, Heneral." Bulong ko at sinilip ang kawal na nasa harap ng kubo.
Sa kabila ng kadiliman ay nakita ko pa rin ang mga alertong mata ni Heneral, "Handa ka na?" Bulong niya. Mabababaw ang kanyang paghinga at tagaktak ang pawis.
"Kahapon pa," Tugon ko at inilabas ang telang aking gagamitin upang takpan ang bibig ng kawal. Kailangan kong maging mabilis sa pagsuksok ng telang ito sa kanyang bibig. Mabuti na lamang at hindi gaanong katabaan o katangkaran ang Heneral na nasa loob, kundi mahihirapan kaming ialis siya mula rito.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Fiksi SejarahHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...