Ikadalawampu't-pito: Ang Heneral Antonio Luna

36 4 0
                                    

27 Setyembre 1898
Rosales, Pangasinan

PINANOOD ko ang masayang mga mata ni Mang Hilario habang inaayos ang mga butones ng aking uniporme. Ang uniporme na akala ko ay habambuhay nang mababaon sa limot. Pinilit ko itong ibaon upang hindi ko na siya maalala ngunit ngayon...

Napahawak ako sa aking peklat noong nabaril ako sa Bataan. Nag-iwan ito ng malaking marka. Ito ang magpapaalala sa aking nabigo akong bigyan ng hustisya ang aking Mama at Papa. Iyon na lamang ang aking natatanging pagkakataon.

Kung aking babalikan ay nakilala ko si Mang Hilario sa pinakamadilim na yugto ng aking buhay. Mga panahon na pakiramdam ko ay nawawala na naman ako sa aking sariling panahon, punong-puno ng pagsisisi at lumbay. Pagkatapos kong magbitiw bilang Koronel ay nagtungo ako rito, sa Rosales, kung saan nabalitaan kong tahimik ang buhay, malayo sa mga kaguluhan sa siyudad. Ngunit sinong niloko ko, wala akong matutuluyan at wala akong kamag-anak rito.

"Anong nangyari sa iyo?" Iyan ang una niyang tinanong sa akin dahil nakasalampak ako sa tabi ng pamilihan, nakatingin sa mga nagdaraan habang bitbit ang aking uniporme at maletin.

Hindi ako nakaramdam ng gutom, ngunit pakiramdam ko'y kailangan kong kumain dahil ilang araw nang walang laman ang aking tiyan. Wala akong naramdaman, at pakiramdam ko'y tumunganga lamang ako sa mga araw na nanatili ako roon. Dahil sa pag-aalala ni Mang Hilario na isa akong sundalong nabaliw dahil sa digmaan ay iniuwi niya ako, pinakain, at pinagpahinga. Pagkagising ko sa umaga ay pakiramdam ko ay nagbalik ang aking ulirat, ngunit naroon na naman ang mga alaalang bumagabag sa akin. Mas maayos pa ata ang walang pakiramdam.

Binigyan niya ako ng pag-asa. At heto ako ngayon, binigyan niya ng tyansang mapagtanto na tuparin ang aking sumpa sa nagdaan na Heneral de Jesus. Ang sumpang ipagtatanggol ko ang Pilipinas kahit ano ang mangyari. Hindi lamang kay Heneral de Jesus, sa bayan, at dahil sa aking pagkakatanda ay ipinangako ko rin ito sa isang binibini.

Tinulungan ako ni Mang Hilario na mapagtanto na ang buhay ay sadyang napakaiksi kapag pinili mong maging masaya, ngunit kapag pinili mong tahakin ang lumbay ay sadyang napakahaba nito. Sa kabila nito ay idiniin niyang kailangan mong gawin ang lahat upang maging maligaya sa buhay na ito, dahil hindi mo alam kung kailan ang iyong kamatayan, at kung ano ang naghihintay sa iyong susunod na buhay. Sadyang napakatalinhaga niyang magsalita kaya't pakiramdam ko'y siya ay laging tama dahil na rin sa kaniyang katandaan. Malamang ay marami na siyang napagtanto sa kaniyang pag-iisa.

Sa mga nakalipas na buwan ay pinilit ako ni Mang Hilario na bumalik sa hukbo, at paulit-ulit niyang idiniin sa akin na ito ang gagamot sa mga sugat ng aking nakaraan.

Sabi niya, kung patuloy akong tatakbo mula rito ay mapapagod lamang ako, ngunit kung haharapin ko ito ay mapupuno ng kapayapaan ang aking puso. Kailangan ng tapang, oo, ngunit mailalagay ako nito sa tamang landas. Maibabalik ko ang buhay kong muli.

"Koronel Miguel Valenzuela," Sumaludo pa si Mang Hilario sa akin na siyang dahilan ng aming paghalakhak. Malungkot ako dahil iiwanan ko siya rito, ngunit mukhang siya ang pinakamasaya sa buong mundo para sa akin. Sila ni Heneral de Jesus ang nagparamdam sa akin ang pakiramdam na magkaroon ng gabay ng isang Ama at Ina.

"Sigurado ho bang ayos lang kayo rito? Malapit lang din naman ho ang lugar ko, sa San Carlos lang. Kada linggo ay uuwi kami sa aming mga tahanan. E ito lang naman ang tahanan ko," Ngumisi ako ngunit pinipigilan ko ang aking mga luha. Mangungulila ako sa mga masaya naming umaga.

Tumango siya, "Ayos lamang ako, huwag mo akong isipin. Andito naman si Kulas." Itinuro niya ang kabayo na naghuhuni na naman sa labas.

Dumako ang aking tingin kay Teyong na naghihintay na sa akin. Bakas pa rin sa kaniyang mukha ang mga peklat na dulot ng aming naging duelo. Natatawa ako sa tuwing naaalala ko iyon. Siguro kung buhay si Heneral de Jesus ay pinaputukan niya na kaming dalawa sa aming katangahan, ngunit hindi ko maipagkakaila, natulungan ako ng away na iyon. Natulungan ako nitong mag-isip muli.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon