"LUCIA, maaari ba kitang maisayaw?" Hindi ko na pinalampas pa ang pagkakataon at agad akong nagtungo sa kanyang harapan. Tila hindi niya inasahan ang aking paglapit, at alanganin itong nakatingin sa aking kamay na nakalahad sa kaniya. Malamang ay may sama siya ng loob sa akin at maaaring hindi niya ito tanggapin ngunit bahala na.
Ngayon naman ay inaalok ko siya ng sayaw upang makahingi ng tawad at magpaalam. Kahit pigilan ko ang aking sarili ay wala na akong nagawa pa. Walang punto ang aking patuloy na pag-iwas.
Tingin ko ay hindi patas para sa kaniya ang huli naming pag-uusap. Kailangan ko siyang bigyan man lang ng mga paliwanag.
Tumingala siya sa akin at tinignan ang aking mga mata. Ito ang unang pagkakataon ngayong gabi na siya ay aking matititigan. Mula sa malaking pader na naghati sa aming dalawa sa loob ng nakalipas na buwan ay ngayon ko lamang ulit nasaksihan ang mga matang nagbihag sa akin. Malayo na ito mula sa mga masayang mata na aking nadaratnan.
Hindi ko maamin sa aking sarili ang isang bagay na sinabi ko ay isasantabi ko: ang pag-ibig. Mahirap ang umibig sa panahong ito. Madali lamang ang magmahal, ngunit ang paglimot ay mahabang proseso. Iyon ang ayaw kong pagdaanan niya, ngunit ngayon ay tila nahihirapan na rin siya sa mga paliguy-ligoy na nangyari sa amin.
Tinanggap niya ang aking nakalahad na kamay at agad ko siyang inalalayan sa gitna ng sayawan. Hinawakan ko ang kabila niyang kamay, at ang isa kong kamay ay inilagay ko sa kanyang baywang. Ang isa naman niyang kamay ay ipinahinga niya sa aking balikat.
"Maligayang kaarawan, binibini," Bulong ko at pilit hinuli ang kanyang mga tingin. Nasa ibaba lamang ang kanyang tingin at tila ba hindi na ako kayang tignan muli.
"Salamat," Maiksi niyang tugon at siya'y aking iniikot upang maisandal sa aking bisig.
Ramdam ko ang panonood sa amin ng kanilang mga bisita, ang iba ay nagbubulungan at nagtatanong kung kami ba ay magkasintahan. Ang iba ay iginiit na magkasintahan kami dahil kami rin daw ay nagsayaw sa piging ni Borja.
Ngayon ay nakasandal siya sa aking dibdib habang hawak ko ang kanyang mga kamay, at doon ay bumuhos ang halimuyak na naglalaman ng mga alaala. Napapikit ako at muli ay sinubukang itabi ang alaalang ito sa isip ko. Mukha kaming magkatipan sa aming pormang ito.
"Suot mo ang uniporme," Aniya at sa wakas ay hinanap rin ang aking mga mata. Naguguluhan ito, iyon ang aking nakikita. Siguro ay hindi tamang iwanan ko sa ere ang kaniyang mga iniisip.
Tumango ako at ngumisi, "Malamang. Hindi ko na isinuot muli ang lumang uniporme."
Pinanood ko ang pamumula ng kanyang mga pisngi, "Nagustuhan mo ba? Akala ko ay hindi."
Sumabay siya sa aking pag-ikot habang hinihintay ang aking sagot, "Iyo itong pinaghirapan, Lucia. Siyempre ay aking nagustuhan," Siya ay banayad, inosente, at dalisay. Hindi ako karapatdapat sa paralumang aking nahahawakan.
Naramdaman ko ang paghigpit ng kanyang hawak sa aking kamay. Bumuntong-hininga ako at hinigpitan rin ang aking hawak. Ito ang mga hindi kayang ipahayag ng salita.
Napalunok siya, iniiwas muli ang kanyang tingin sa akin at isinandal ang kanyang ulo sa aking dibdib. Hanggang ngayon ay tila sasabog ang aking dibdib sa sobrang kaba. Naisip ko tuloy kung naririnig niya ba ito.
Higit pa ito sa kabang aking naramdaman nang madaplisan ako ng bala noon.
Higit pa ito sa kamatayan.
"Lucia, may nais akong sabihin sa'yo."
"Ano iyon?"
Pinanood ko ang ipit na ginto sa kanyang ulo, at sinubukang silipin ang kanyang mukha ngunit ibinaon niya lamang ito sa aking dibdib. Iniibig kita, Lucia. Mula noong una pa man kitang makita sa hapag noong tanghaling iyon ay alam kong iniibig kita.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical FictionHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...