Ikapito: Ang Ulila

160 7 2
                                        

Katapusan ng Agosto 1896
Santa Ana, Cagayan

"MABUHAY ang Pilipinas!" Sa hudyat ni Ka Ignacio ay itinaas namin ang aming mga bolo at kumaripas palabas ng kagubatan. Una naming natambangan ang mga gwardya sibil na naglilibot sa karalitaan ng gabi. Pinagtataga namin ang mga ito, ang bawat isa sa amin ay naghanap ng pagkakataon upang makakuha ng armas at makailag bago pa man nila ito paputukin.

Tinitigan ko sa mata ang unang gwardya sibil na aking napaslang. Nangingisay nitong hawak ang kaniyang leeg kung saan bumubulwak ang dugong mula sa sugat na ako ang may gawa. Ginilitan ko ito sa leeg at pinahid ko ang likod ng aking kamay sa aking mukha dahil sa mga nagtalsikan na dugo nito. Maging ang aking salakot ay napuno ng kaniyang dugo. Halos manghina ako nang panoorin ko siyang mawalan ng buhay, ngunit agad ko ring sinampal ang aking sarili upang magising. Naghalong amoy ng dugo at pawis ang naghari ng gabing iyon na siyang pumukaw sa aking damdaming matagal na naidlip.

Pakiramdam kong sa mga sandaling iyon ay ninakaw ng panahon ang aking pagiging inosente... Ngunit nasisiyahan akong hindi na lamang mananatiling lugmok ang mga tao.

Paminsan ay may maririnig na tawanan ng mga kapwa ko nag-aalsa habang marahas na pinapaslang ang mga gwardya sibil. Musika sa kanilang pandinig ang mga pagdaing at pagmamakaawa ng mga ito.

Si Ka Ignacio ay nakapatay na ng halos tatlong gwardya sibil dahil sa kaniyang rebolber na ipinadala ni Bonifacio. Lumabas na siya lamang ang mayroon dahil walang pondo ang Katipunan upang magtipon ng armas para sa lahat ng mga mag-aalsa sa buong Pilipinas, ngunit halos lahat kami ngayon ay mayroon na rin. Handa na kaming sugurin ang mga prayle at ang opisyal ng pamahalaan.

Alam kong hindi magwawakas ito ngayong gabi.

Abril 11, 1897
Kalye Escolta, Binondo, Manila

"LUCIA, ang aking mahal na nieta," umalingawngaw sa tahimik na silid-patahian ang pamilyar na boses ng aking abuelo. Otomatikong lumawak ang aking pagngisi at agad sinalubong ang kanyang mga brasong nakabukas para sa akin. Sumunod ang tingin ng mga modista sa aking abuelo na agaw-pansin ang kasuotan. Sa likod niya ay si Ina na magalak na nanonood sa aming dalawa.

Tulad ng nakasanayan ay hindi siya lalabas ng kanyang tahanan nang walang gintong nakadikit sa kanyang damit. Ang suot niya ngayon ay aking idinisenyo noong ako ay labing-apat na taong gulang pa lamang. Nakalakip sa kanyang kwelyo ang tanda na isa siyang Kapitan: ang gintong toro.

"Abuelo, ang ganda ng suot ninyo," nagtawanan kaming dalawa habang pumapanhik sa itaas. Mas lalong lumapad ang katawan ng aking lolo. Kumpara noong huli ko siyang nakita ay mas puti na ang kanyang buhok, at mas mahaba na ito. Mamula-mula ang kanyang makinis na pisngi, at nakadikit pa rin sa kanyang mga labi ang hindi matanggal niyang ngisi. Naroon pa rin ang nakakainggit na kulot na kulot niyang mga pilikmata, tulad ng kay Ina.

"Maghahanda na ako ng hapunan, abuelo. Mag-usap po muna kayo ni Ina," iniwan ko siya sa salas at pinanood ang pagdampot niya sa kanyang kahon ng tabako. Doon ay umupo sa kanyang harap si Ina na masaya sa kanyang pagdating.

Naghanda kami ni Inang Gracia ng hapunan. Paborito ni abuelo ang inasimang hipon na may mga kasamang gulay tulad ng sitaw at pechay. Sampalok ang inilagay ni Inang Gracia na pampaasim dahil masyadong maasim ang mangga, paminsa'y nawawala pa ang lasa dahil sa asim nito.

"Iha," Tawag sa akin ng Inang Gracia habang ako ay naghihiwa ng sibuyas. "May katanungan sana ako."

"Ano po iyon?" Tanong ko. Bibihira lamang niya akong kausapin, kadalasan ay si Ina lang ang lagi niyang kinakausap dahil magkasama sila sa gawaing bahay. Kahit bata pa lamang ako ay andyan na siya, ngunit hindi kami gaanong nagkalapit.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon