25 Marso 1897
Kawit, Cavite"SUYURIN ninyo ang kabundukan sa paligid ng ating kampo at siguraduhing walang bakas ng mga espiya," Taimtim kaming nakinig sa mga nais mangyari ng Presidente-Heneral bago siya magtungo sa bagong kampo sa Nueva Ecija, "Si Tinyente Villanueva at Komandante Alcazar na ang bahala sa paghahanap kina Bonifacio. Humayo na sila kaninang umaga. Hindi niyo na kailangang sumama sa akin, magtatagpo kami ng Heneral Garcia ng Tarlac para sa pagpupugay sa aking kapatid."
Yumuko kami at muling ipinaabot ang aming pakikiramay bago siya lumisan. Nasawi ang Heneral Crispulo sa isang engkwentro sa Pasong Santol sa Imus. Ang buong akala ko ay magiging maayos ang lahat, ngunit ang sabi ay nahagip ito ng bala sa ulo na siyang agad nitong ikinamatay.
Nagtipon si Heneral de Jesus ng mga sundalong sasama sa amin sa pagsuyod sa kabundukan. Nabanggit niyang sampung asintado lamang ang aming isasama dahil mas kailangan ng tao sa Bayambang. Pinadala naman niya ang natirang dagdag na sampu para sa Laguna kasama ang Kapitan.
"Maghati tayo sa dalawang grupo, kayong lima, kay Koronel Valenzuela kayo sumama," Itinuro niya ang isang hanay ng limang mga sundalo at agad nagtungo ang mga ito sa aking harapan. Diretsong-diretso ang kanilang mga likod at malayo ang tanaw, naghihintay ng maaari kong imungkahi para sa aming pananatili sa kabundukan nang dalawang gabi.
"Kayo, sa akin kayo sumama." Aniya sa natirang lima, "Dito kami aakyat, Koronel," Itinuro niya ang liblib na kawalan na napupuno ng matatandang punong gubat. Ang sa amin naman ng aking mga kasama ay sa kabilang dulo nito. Kailangan naming magtagpo sa gitna nito dalawang gabi mula ngayon.
"Mag-iingat kayo, Koronel. Gabayan kayo ng Diyos." Pinanood namin ang pag-alis ng Heneral kasunod ang limang sundalo upang pumanhik sa kabundukan.
Kinuha ko ang atensyon ng aking mga sundalo, "Kung sakali mang may makasalubong tayong espiya o kung sinong mas malala pa man, lumaban tayo. Kung tayo ay inabot ng malas at marami sila at kapag nag-iisa ka na lamang na natira, tumakbo ka at ipaabot sa Presidente-Heneral ang nangyari," Bilin kong agad naman nilang tinugunan.
"Masusunod, Koronel!"
Tinahak namin ang masukal at malilim na kabundukan. Ang bundok na ito ay sinasabing pinamumugaran ng mga espiya simula nang magkampo ang Presidente-Heneral dito pagkatapos ng laban sa Kakarong de Sili. Pinangunahan ito ng kanyang Heneral na pinapaboran, si Heneral del Pilar. Ilang buwan kaming nakipagdigma sa Pandi sa tulong ng mga tiradores at kami'y naghiwalay rin ng landas pagkatapos nito.
Tandang-tanda ko pa ang unang araw namin sa Bulacan. Nakapangingilabot ang mga pagsikad ng bala sa aming paligid dahil sa mga Kastilang ayaw isuko ang Pandi.
Nadaplisan ako ng bala noon sa braso at ito ang unang beses kaya't hindi ko napigilan ang aking kaba dahil sa dugong umagos mula rito. Nablangko ako ng mga oras na iyon at napilitan kaming isuko ito dahil masyado na kaming nabawasan. Nang kami ay bumalik ay nag-iba ang plano ni Heneral del Pilar na siyang nagpasuko sa mga natitirang Kastila. Pagkatapos ng labang iyon ay isinama ako ng Heneral del Pilar sa Kapitan-Heneral Aguinaldo, na siya namang nagtaas sa akin sa ranggong Koronel.
Ang balita ko'y ipinadala ang Heneral del Pilar sa Norte upang bantayan ang mga daungan. Si Heneral Thomas de Jesus naman na mula sa Paco ang ipinalit ng Presidente-Heneral upang maging kanang kamay niya dahil sa karanasan nito sa digmaan at naging pagpapalaya nito sa iilang lugar sa Maynila.
Saka naman ay dinampot ako ng Heneral Thomas de Jesus nang ipatawag niya ang mga batang sundalo sa Luzon. Hinimok ako ni Heneral del Pilar na umanib kaya't naisip kong wala namang mawawala.
Pinaghanay niya kaming lahat at hinamon kami sa isang pagsubok, "Kung sino mang mauna sa tuktok ng burol na iyon, ay isasama ko bilang aking opisyal sa tabi ng Heneral Aguinaldo."
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Ficção HistóricaHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...