Ikalabing-isa: Ang Talinhaga

51 4 1
                                    

19 Mayo 1897
Bayan ng San Jose, Nueva Ecija
Himpilan ng Presidente-Heneral

SA GITNA ng mahabang lamesa ay ang Presidente-Heneral kasama ang mga opisyal ng kanyang gabinete. Sa tabi niya ay si Pule na tahimik na nanonood sa kanilang pulong. Pinaguusapan nila ang nalalapit na negosasyon sa pagitan namin at ng Espanya. Kung ano mang negosasyon ang mangyayari ay hindi ako sangayon, ngunit ayaw ko na ring dumanak ang dugo ng mga Pilipino. Hindi rin sumangayon ang gabinete na gamitin ang lupa sa hilagang Luzon upang ialok sa kanila. Kami rin ay hindi sumangayon, at inilatag ni Heneral de Jesus ang kanyang suhestyon kahapon.

"Sa darating na Hunyo, si Heneral de Jesus, Tinyente Villanueva, at Koronel Valenzuela, kasama ang iilang tirradores ay magtutungo sa isang misyon. Mahalaga ito sa atin, ang taong kanilang susubukang dakpin ang ating gagamitin para sa negosasyon," Napatingin sa amin ang mga miyembro ng gabinete. Diretso ang aming tingin sa Presidente-Heneral na inihahatid ang kanyang utos.

"Sa mungkahi ni Heneral de Jesus, ay susubukan nating dakpin at bihagin ang Heneral ng mga Kastila na nakadestino sa isang bayan sa Tarlac. Siya ang ating gagamitin sa negosasyon," Namuo ang iilang bulungan sa loob ng silid. Malaman ang mga tingin ni Pule nang idaan ang kanyang mga mata sa amin. Wala pa siyang sinasabi ngunit alam kong punong-puno na ang kanyang utak.

Nagsalita ang isa sa mga miyembro ng gabinete, ang kapatid ni Heneral Pelaez na si Juan Pelaez, "Sana ay inutusan mo na lamang silang magpatiwakal, Presidente. Masyado itong delikado!"

Sumangayon ang iilang tao sa gabinete sa kaniyang tinuran. "Mas delikado ang kanilang ginagawang negosasyon sa Amerika, Senyor Pelaez. Sa oras na may mangyaring negosasyon sa kanila ay katapusan na ng ating bansa!" Umalingawngaw ang mga matatas na salita ni Heneral de Jesus na nasa aking tabi. Nanahimik ang buong gabinete.

Lumapit siya sa lamesa at ipinahinga ang kanyang mga palad dito, "Hayaan niyo kaming tuparin namin ang aming tungkulin. Kapag nakuha natin ang isa sa kanilang Heneral ay bibigyan tayo nito ng maraming oras," Bumaba ang tono ng kanyang boses at pinagmasdan ang bawat tao sa silid.

Ngumiti ang Presidente-Heneral at iniyabang ang Heneral de Jesus sa kanilang lahat, "Hindi ko naging kanang kamay si Heneral de Jesus nang dahil sa wala lamang, mga kapatid. Isa siyang mahusay na Heneral. Sana ay ibigay natin ang ating tiwala sa kanya at sa kanyang mga kasama." Tumingin ang Presidente-Heneral sa aming mga nasa dulo ng silid. Sumaludo kami at pinanood ang pagtango ng gabinete sa amin.

Nang natapos ang kanilang pulong ay naupo kami, ang mga opisyal ng Presidente-Heneral bukod kay Komandante Alcazar na nasa Maragondon pa rin. Pinunan namin ang mga bakanteng silya.

Hinintay kami ng Presidente-Heneral na makaupo bago siya magsimulang magsalita, "Ilatag niyo sa akin ang inyong plano."

Inilabas ni Heneral de Jesus ang kanyang mapa. Kami naman ay inalok ng Presidente-Heneral ng inuming alak habang nakikinig sa mga planong inihanda. Sa tabi ko ay si Tinyente Villanueva at sa harap ko ay si Heneral de Jesus na siyang katabi ni Pule.

Tahimik lamang itong sumisimsim sa kanyang baso at pinapanood ang Heneral, "Ang kanilang kampo sa Tarlac ay malapit sa kabundukan na siyang aming papasukin. Ayon sa espiya ni Heneral Garcia ay nasa limang kawal lamang ang nagbabantay sa kabundukang iyon, at tatlong kawal naman sa kartel ng Heneral."

"Kailangan niyong isipin na maaaring hindi lamang iyon ang mga kawal sa paligid," Ani Pule na kanina pang tahimik. "Kapag nalaman ng mga kawal sa kabundukan na pinasok niyo ito ay siguradong magtatawag pa ang mga ito ng kasama."

Bumaling si Heneral de Jesus kay Pule, "May plano rin kami para riyan." Inayos niya ang mapa at inilapit kay Pule, "Manggagaling si Tinyente Villanueva, Heneral Garcia at sampung mga kawal mula rito, sa tatakbuhan nilang mas malaking kampo kung nasaan ang mga sundalo."

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon