Ikalabing-siyam: Ang Mga Kulog

36 4 0
                                    

20 Hulyo 1897
Université de Paris

"....MAKALIGTAAN man ng marami ang ating kahapon,
nawa'y hindi ito tangayin
sa isang malayong dalampasigang
lingid na sa atin."

Isa itong tulang romantikong aking narinig noong ako ay nasa eskwelahan pa. Tungkol ito sa trahedyang dulot ng pagmamahalan.

Hawak ang piraso ng papel kung saan inilagay ni Miguel ang tula ay dahan-dahan kong pinanood ang panginginig ng aking mga kamay at kasunod nito ang pag-iinit ng gilid ng aking mga mata dahil sa nagbabadyang pagtakas ng mga luha. Kalakip ng sobre ay isang orasan ngunit nanlabo na ang aking paningin sanhi ng luha upang mahagkan pa ito.

Sapat na ito, ibinulong ko sa aking sarili. Sapat na ito upang panghawakan ko.

"Lucia, halika na," Bumungad sa akin si Elosteria na kanina pa naghihintay. Nagulat siya sa aking mga pagtangis sa harap ng aking lamesa, "Diyos ko po," Hinayaan niya akong tumangis sa kanyang tiyan habang siya'y nakatayo at ako ay nakaupo.

Miguel, tulungan mo akong limutin ka. O, kahit limutin na lamang ang nararamdaman ko para sa iyo. Hindi ko ito kayang dalhin sa aking loob. Malayo ka at hindi tanaw, ngunit bakit hindi ako makalimot? Akala ko ay matutulungan ako ng distansya ngunit mas lalo lamang atang bumigat ang lahat.

Makasarili ako upang sumubok pa, lalo na at mas kailangan siya ng bayan ngayon. Sapat na ito. Tama na itong mala-batang pagkahumaling ko sa kaniya. Isa siyang opisyal ng hukbo at ako ay isang bata na wala pang alam sa mga reyalidad na kaniyang haharapin. Makasarili ako sa paghiling na maaaring magkaroon din ako ng lugar sa kaniyang puso.

Umalingawngaw ang aking pagtangis sa aming silid at tahimik akong pinanood ni Robin na siyang Frances na kasama namin sa silid.

22 Hulyo 1897
San Jose, Nueva Ecija

"Sa susunod na tatlong araw ay mararamdaman na natin ang muling pag-uusig ng mga Kastila," Tumayo ang Presidente-Heneral sa gitna ng kanyang lamesa at lahat ay bumaling sa kaniya, "Malinaw na ngayon na dahan-dahan na nila tayong iniaabot sa mga Amerikano. Sa loob ng isa o dalawang taon ay maaaring mga matataas na kalibre na ng armas ang ating kaharap."

Tahimik ang lahat habang nilulunok ang aming reyalidad. Maaaring nabigyan kami ng oras, ngunit nabigyan din ng oras ang Espanya upang mag-isip ng mga taktika upang tuluyang makuhang muli ang Luzon. Ang mga laban na aking hinarap ilang buwan na ang nakakalipas ay aking masasaksihang muli.

"Isang buwan lamang iyon ngunit marami tayong nagawa, Presidente," Sigaw ni Heneral de Jesus na umalingawngaw sa buong silid, "Isa pa, may mga bihag pa tayong sundalong Kastila, kung gusto nilang itulak ang kanilang pag-uusig."

Itinaas ng Presidente-Heneral ang kanyang palad at nanghingi ng katahimikan, "Kahapon ay nakatanggap ako ng telegrama mula sa kanilang Gobernador-Heneral. Anila'y nais nila tayong makausap, sa pamamagitan ng aking mga pangunahing opisyal, para sa mga maaaring mangyari sa kasalukuyan."

Bumaling ang Presidente-Heneral sa aming banda at ibinalik ang tingin sa mga nagbubulungan niyang gabinete, "Mabuti kung kalayaan ang dala nito, Presidente. Sigurado akong may ikinukubli sila sa kanilang mga kamay." Ani Pelaez.

Natapos ang pulong sa hindi magandang paraan, ang mga matang walang kasiguraduhan, at mga pangangamba ay muling nag-alab sa aming mga puso. Sa susunod na tatlong araw ay babalik na naman sa normal ang Pilipinas, magulo, walang kalayaan, at babalik sa kanilang mga pwesto ang mga pwersa ng Kastila upang patuloy na mag-usig. Tingin ko ay uunahin nila ang Cavite at Laguna, sunod ay ang Manila.

Sa nakikita ko ay kaya naming depensahan ang mga ito sa tulong na rin ng mga bihag na aming hawak sa kasalukuyan. Susubukan rin naming makipag-usap sa Gobernador-Heneral ng Espanya bukas, kasama si Heneral de Jesus, Komandante Alcazar, at Heneral del Pilar. Kasama rin kami ni Teyong ngunit mananatili kaming nasa labas ng silid kung saan sila mag-uusap. Hindi namin sigurado kung ano ang aming kapalaran sa mga susunod na buwan, at kung ano pa ang aming mga dapat indahin.

Kinabukasan ay napadpad kami sa lawa ng Laguna, kung saan pansamantalng dumaong ang Gobernador-Heneral ng Espanya. Akin siyang nasilayan - matangkad, at may katandaan na rin ito ngunit makisig pa rin ang pangangatawan. Naandoon rin ang kanyang puting bigote at balbas dala ng katandaan. Nangibabaw ang kanilang patay na pulang uniporme sa dapithapon.

Kasama niya ay dalawang mestizo na inalalayan siya sa pagbaba ng yate. Sa likuran naman ay iilang kawal na diretso ang titig sa kaniya.

Matalim ang aking mga tingin sa kaniya sa pag-iisip na maaring siya ang naglabas ng utos na ipapatay ang aking Ama at Ina. Magkakaroon kaya ako ng pagkakataon, o baliw ba ako para hilingin iyon?

Umabante sa amin ang dalawang opisyal na kanyang kasama at tinanggalan kami ng armas, at hinayaan naman nila kaming kapkapan sila at tanggalan rin ng armas. Pagkatapos ay pumasok na sa maliit na kubo sa tabi ng dalampasigan si Heneral de Jesus, Komandante Alcazar, at si Heneral del Pilar kasunod ng Gobernador-Heneral ng Espanya at dalawa nitong gwardya.

"Ani Komandante ay siya ang Heneral na nagpautos na ipapatay ang iyong Ama at Ina, Koronel," Habang kami ay nakamatyag sa payapang lawa ay nagsalita sa aking tabi si Teyong. Naikuyom ko ang aking mga kamao ngunit hindi ko alam ang gagawin sa mga ito.

"Kahit malaman ko pa iyan ay wala naman akong magagawa," Tugon ko kahit kung ano-ano nang bagay ang pumapasok sa aking isipan.

Hindi na lamang tumugon si Teyong at tahimik kaming naghintay na matapos ang kanilang talakayan sa loob.

Habang tahimik kaming naghihintay ay napatingala ako sa kalangitan. Madilim at namumuo ang kaulapan at sa hindi kalayuan ay madidinig na ang panaka-nakang pagkulog pagkatapos ng iilang kidlat. Mukhang may paparating na bagyo.

Nabaling ang aming atensyon nang makarinig kami ng iilang sigawan mula sa loob, ngunit walang ni isa sa amin ang maaaring tignan kung ano na ang nangyayari. Dinig na ang bigat sa kanilang mga tinig.

Ilang sandali pa ay iniluwa na ng kubo ang Gobernador-Heneral, si Komandante Alcazar, Heneral del Pilar, at Heneral de Jesus. Bakas sa kanilang mukha ang mga pangamba at panlulumo.

Nanitig ako sa Gobernador-Heneral habang siya ay matipid na nakangising nagpapaalam sa mga opisyal. Habang nangyayari iyon ay ibinalik na namin ang armas ng kaniyang kawal at ganoon rin ang kanilang ginawa.

"Lo siento, caballeros. Tenemos que acabar con esto."

Iyon ang mga huling salitang iniwan sa amin ng Gobernador-Heneral at hindi ko ito nagustuhan.

Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangang napakaraming buhay ang masayang, kung gayong naandito kami at ang pinuno ng Espanya?

Pinanood naming dumaong ang Gobernador-Heneral, habang sila rin ay pinagmasdan ang kanilang paglayo mula sa amin. Ito na ba talaga ang hudyat?

Tumindig si Heneral de Jesus sa aming harap, "Mga ginoo, pagpalain nawa tayo sa mga darating na araw... linggo, at buwan." Tinanggal niya ang kaniyang gorra at bakas ang pagkadismaya sa kaniyang mukha.

"Aabanteng muli ang Espanya sa mga darating na araw," Ani Heneral del Pilar at nadinig namin ang mga mabigat niyang paghinga, "Nawa'y magkita pa tayong muli pagkatapos ng lahat ng ito."

Tumango kaming lahat, ngunit iyon ay mga tangong walang kasiguraduhan.

Napupuno ako ng takot. Takot na napakaraming buhay ang mawawala ngunit hindi ito mabibigyang halaga... Na mawawalan ito ng silbi.

Halos mapapikit kami sa napakalakas na kidlat na nagpailaw sa karagatang nasa aming harapan. Umalingawngaw sa aming katahimikan ay ang nakakarinding pagkulog, at unti-unti ay naramdaman namin ang pagpatak ng ulan.


©Plumalope

[Sorry for the really short chapter. XD]

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon