KINAHAPUNAN ay pumanhik sa tahanan ng mga Yangco si Presidente-Heneral Aguinaldo kasama si Tinyente Villanueva at Don Theodoro. Ikinagulat namin ito ng Heneral de Jesus dahil dapat ay nasa kampo lamang siya ng Imus, ngunit agad niyang ipinaliwanag na mauulit ang kumbensyon bukas nang tanghali. Hindi na sasapat ang oras ng kanyang biyahe kung sa Cavite siya mananatili kaya't sumunod siya sa amin dito. Tingin niya rin ay hindi na ligtas ang manatili doon dahil sa espiyang nadakip naming noong nakaraang linggo.
"Nagsama-sama tayong muli," Tumawa ang Don Theodoro nang siya'y sumalo sa amin sa kanilang salas. "Masasabi kong ang mga tao mo, Presidente, ay mga kagalang-galang na tao na ipinaglalaban ang kalayaan."
"Salamat, Don Theodoro. Pati na rin sa pansamantalang pagtuloy namin rito, pangako'y masusuklian ang lahat pagkatapos ng kumbensyon," Tugon ng Presidente-Heneral. Bakas sa mukha nito ang ilang gabing walang maayos na pahinga. Mukhang ngayong gabi pa lamang siya makakatulog nang mahimbing. Nasanay akong parati niyang kontrolado ang bawat sitwasyon, ngunit napansin kong mula noong naging Presidente siya ay nawala ang kanyang karaniwang sarili. Mas umigting lamang ito noong nakaraang linggo dahil sa insidenteng sangkot ang namatay na espiyang Pilipino.
"Kailangan ko ng mga kamatis. Magtungo ka sandali sa pamilihan, Lucia. Ang Inang Gracia mo ay patungo sa kanyang anak na may sakit," Narinig ko ang pagod sa tinig ng Donya habang naghahanda ng hapunan para sa amin mamaya.
Sa kabila ng maghapong pagtatrabaho sa patahian ay naobliga pa siyang maghain ng mga pagkain, "Magpasama ka sa Koronel. Malapit na ring dumilim."
Otomatiko akong napatayo nang marinig ang aking ngalan. Napatingin sina Heneral sa akin at agad ko namang ipinaliwanag ang nais ng Donya.
"Mag-iingat kayo," Bilin ng Don Theodoro at matama akong tinitigan saka ngumiti.
Nais ko rin munang magpahangin at lumayo muna sa nakakapunong talakayan ng Tinyente at ng Presidente-Heneral ukol sa alitan sa pagitan ng Magdalo at Magdiwang. Kahit sana'y isang oras lang ay wala akong marinig na ganoon.
Naiintriga ako sa kalye ng Escolta. Ano kaya ang pakiramdam na baybayin ang kalyeng ito kasama ang isang binibini? Sa lahat ng mga binibining inalalayan ko sa ilalim ng Heneral ay si Lucia lang ang tila ayaw akong makasabay sa paglalakad. Halata naman iyon.
Nagpanggap akong hindi ko nakita ang kanyang pag-iling at pagrereklamo sa Donya.
"Date prisa, ayaw ko nang makarinig pa ng isang salita, Lucia," Mariin nitong tugon at bumaling sa akin.
"Pakisabayan ang aking dalaga, Koronel. Baka ay maligaw pa ng landas," Halos matawa ako sa pagkakabuo ng pangungusap ng Donya Teresita. Narinig rin namin ang tawanan nina Tinyente sa sinabi ng Donya. Hindi na bago ang pagtukso sa akin sa mga dalaga, ngunit ngayon lamang ay naranasan kong tuksuhin ng mismong Ina ng binibini. Iniisip ko tuloy kung naiilang na ito sa akin.
"Ako ho?"
Ngumiti ang Donya, "May tiwala naman ako sa iyo. Mukha namang mabuti kang bata."
Naaliw akong panoorin ang mamula-mulang pisngi ni Lucia habang kinukuha ang buslo mula sa kanyang Ina. Agad akong umiwas ng tingin upang hindi na siya mas mailang pa. Inilahad ko ang aking braso sa hangin, "Nakasunod lamang ako, Senyorita."
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical FictionHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...