Ikaapatnapu't-tatlo: Ang Bisita

18 3 0
                                    

Ikaapatnapu't-tatlo: Ang Bisita (El Visitante)

17 Hunyo 1899
Dagupan, Pangasinan

"ENHORABUENA por tu boda, Don Francisco, Lucia. Napakaganda mo aking pamangkin," Humalik ang aking Tiya sa aking pisngi. Ngumisi na lamang ako habang hawak ang braso ng aking asawang si Don Carreon. Hawak ang kaniyang baston ay bumati rin siya sa aking Tiyang halos umilaw ang mga mata sa mga alahas na aking suot na siyang inihandog ng Don.

"Siyang tunay," Tugon ng Don na siyang nginisihan ko na lamang.

Napakaraming panauhin sa aking magiging bagong tahanan ng gabing iyon. Hindi ko nga batid kung lahat ng mga ito ay kakilala ng Don dahil kahit sino naman ay kaniyang pinapapasok sa kaniyang tahanan. Mukhang taliwas naman ang haka-hakang siya'y bayolente at mainitin ang ulo. Sa katunayan nga'y mukha naman siyang pasensiyoso at mapagbigay.

"Muchos gracias, Tiya," Tugon ko at pinagmasdan sa kaniyang tabi si Angelita. Kumaway ako sa kaniya at kumaway rin siyang pabalik sa akin ngunit walang bakas ng kasiyahan ang kaniyang pagbati.

Iba't-ibang magagarang kasuotan ang ibinalandra ng mga panauhin habang hawak ang kanilang mga alak. Ang ilan pa'y nagtatawanan kasama ang kanilang irog, at ang iba'y nagmumukmok na lamang sa isang tabi at nanonood sa mga pangyayari. Mailaw ang balkonahe't sayawan kaagapay ng malamyang musika. Mayroon ring mga batang abala sa paglalaro na agad namang sinasaway ng kanilang ina.

Mas malaki ito sa aming tahanan. Tunay ngang mayaman ang Don. Mula nang maulila ito ay siya na ang namahala sa tahanang ito at sa kanilang mga kalakal kasama ang kaniyang nakababatang kapatid na babae.

"Maaari ko ho bang makausap ang aking pinsan, Don Carreon?" Tanong ni Angelita sa aking napangasawa. Nakunot ang aking noo at nagduda kung papayag ito.

Bumaling sa akin ang Don at tumango, "Oo naman, binibini. Ngunit kailangan ko siya mamaya sa sayawan, ha?"

"Salamat, mahal ko," Wika kong napuno ng kasinungalingan. Hinalikan niya ang aking kamay at nag-iwas ako ng tingin. Marapat na sanang wala na akong ibang taong maalala sa tuwing gagawin niya iyon.

Dinala ako ni Angelita sa kabilang dako ng tahanan kung saan mayroong malaking bintanang tanaw ang magandang golpo ng Lingayen. Napakaganda nito lalo na kapag gabi. Napakasarap ng simoy ng hangin. Magiliw ang paligid.

"Matagal rin tayong hindi nagkausap, Angelita," Diretso lamang ang aking titig sa golpo. Ramdam ko naman ang kaniyang panunuri sa akin, sa aking mga kilos at pananalita.

"Aking pinsan, ano ang iyong ginawa? Bakit ka nagpakasal sa lalaking hindi mo lubos na kilala?"

Ngumisi ako, "Sapat na ang aking nalalaman tungkol sa kaniya."

"Isa siyang mapagbalat-kayong lalaki! Nananakit at bugnutin raw iyan!" Pasigaw ang kaniyang mga bulong, tila ba nais na akong kainin nang buhay. Batid kong nag-aalala lamang siya sa akin. Kung totoo nga ay kaya ko namang indahin ang kung ano mang ugali ang mayroon siya.

"Hindi ko na iyon nakikita. Ang nakikita ko'y salapi at impluwensyang magpapalago sa iniwang negosyo ng Papa," Kumapit ako sa pasamano at napikit.

Narinig ko ang kaniyang pagtikhim, "Mayroong nagbago sa iyo, pinsan. Hindi ko man masabi ang eksaktong salita ay batid kong mayroong nagbago sa iyo mula nang mawala siya."

Nawala na rin ang aking puso mula nang mawala siya.

Nakapikit pa rin at dinaramdam ang aking pagkapagal, ako ay tumugon, "Kailangan kong umusad, Angelita. Hindi habangbuhay ako'y lugmok sa kalungkutan."

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon