Ikadalawampu't-tatlo: Ang Daluyong

42 4 0
                                    

08 Setyembre 1897
Bayan ng Mariveles

LAGPAS hatinggabi na nang makarating kami sa kampo ng brigada ng Bataan na si Heneral Escorra. Mukhang katatapos lamang ng tigil-putukan sa pagitan ng mga ito at ng kampo ng mga Kastila. Nanganganib na rin ang linyang ito base sa aking nakikita.

May iilang sulo na nakalagay sa mga sulok ng kampo, at malamig na ang simoy ng hangin. Pagod lamang ang aking tanging nararamdaman, hindi na alintana ang gutom at uhaw. Nais ko na lamang sumalampak sa kung saan ngunit hindi ito ang pakay ko.

Sa umpukan ng mga sundalo ay hinanap ko si Luis, nagbabakasakaling agad ko siyang masisilayan. Malabong nandito siya, tingin ko ay nasa tolda ito ng Heneral kasama pa ang mga kasali sa kilusan.

Kalat ang mga bituin ngayong gabi, ngunit nasa ere pa rin ang bakas ng mga usok ng mga armas at kanyon mula sa magkabilang panig. Ang iilan sa mga sundalo ay ngayon palang ata naghahapunan, sa palad nila ang mga dahon ng saging kung saan may kanin at ulam.

"Andito na tayo, Koronel," Ani Tomas nang itigil ng kutsero ang karwahe sa may kampo. Nanitig sa amin ang iilang sundalo na bakas pa ang pagkapagal mula sa maghapong pagpapaputok ng mga Kastila. Ang kanilang Kapitan ay hinintay ang aming pagnaog.

Tinanggal ko ang aking gorra at ginising ang Doktor Salome na napasandal na sa aking balikat dahil sa himbing ng pagkakatulog, "Doktor, andito na tayo," Bahagya kong tinapik ang kanyang balikat ngunit hindi siya nagising.

Pinanood ko ang payapa niyang mga mata, mariin mang nakapikit ay tila binibisita ng mga panaginip, kaaya-aya man o hindi. Gumalaw lamang ito ngunit hindi nagising.

Ngumisi ako at dahan-dahan na lamang siyang inihiga sa upuan ng karwahe. Ayaw ko nang abalahin ang doktor sa kanyang pagpapahinga.

"Babayaran ko na lamang ang serbisyo mo hanggang bukas ng umaga, tulog pa ang binibini," Itinuro ko si Salome na ngayon ay ginawang komportable ang kaniyang sarili sa masikip na upuan.

Tumawa ang kutsero at isinandal ang kanyang likuran, "Naku ho, salamat, Senyor. Makakapagpahinga rin ako dine."

Hinimas ko ang kanyang kabayo, kung kami ay pagal ay mas doble ang pagal nito, "Bigyan mo rin ito ng maiinom at pagkain."

Tumango ang kutsero at tinanggal ang kanyang gorra. Kumuha siya ng isang tela na tila magsisilbi niyang unan.

"Bantayan mo siya, anak iyan ng Heneral," Pagkasabi ko noon ay umayos ang pagkakaupo ng kutsero. Natawa ako at nagpaalam na sa kaniya, "Tomas. Halika na."

Sinalubong kami ng saludo ng kanilang Kapitan kasama ang kaniyang sundalo, ngumingisi ito ngunit halatang napipilitan, "Koronel... ngunit hindi ko pa ho alam ang inyong ngalan?"

Iniabot ko ang aking kanang kamay, "Hindi pa tayo kailanman nagkikita. Koronel Miguel Valenzuela ang aking ngalan, sa ilalim ni Heneral de Jesus," Inilahad ko si Tomas na nasa aking tabi, "Si Tomas."

Tumango ito at mariing pinisil ang aking kamay bago ito pinakawalan. Bumaling ang kanyang mga mata sa karwahe, "At ang binibini?"

"Anak ni Heneral Escorra, asaan siya?" Diniretso ko na ang aking pagtatanong sa kinaroroonan ng Heneral.

Dinala kami ng Kapitan sa tolda ng Heneral Escorra. Kasama nito ang kanyang Koronel at ang Komandante ng Bataan. Sa tabi niya ay ang gulat na mga mata ni Luis at ng kanyang kasamang dalawang binata. Pawang naka-kamiseta ang mga ito at may armas na dala.

Sa harap nila ay lampara at iilang piraso ng papel. Tingin ako ay taimtim silang nag-uusap nang kami ay dumating.

"Heneral Escorra, si Koronel Valenzuela ng Presidente-Heneral Aguinaldo," Kasabay ng kanyang saludo ay ang pagpapakilala nito sa akin at kay Tomas. Ibinaba niya ang kanyang tabako at sinenyasan ang Kapitan na maaari na nito kaming iwanan.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon