25 Disyembre 1898
Calasiao, PangasinanMAIGTING at malakas ang dagundong ng tambol ang sumalubong sa amin pagdating sa pista ng Kapaskuhan sa Calasiao. Tila ba sa pagdilim ng kapaligiran ay mas umiigting ang ingay ng musika at mas nagliwanag ang paligid ng himpilan. Nagkalat ang mga sulo, nagliliwanag na mga lampara ng mga taong nanonood sa sayawan, at sa gilid ng mga sinilabang apoy ay nagsasayaw ang mga tao sa saliw ng musika. Agad naman kaming itinuro ng alkalde na si Marcial Gonzales sa kaniyang grandiyosong tahanan.
Kakilala ng alkalde ang Kapitan Enriques at sinabihan siyang isama ang kaniyang pamilya upang makasalo sa pista at pagsasaya. Mabuti na lamang at wala pang iniaatas ang Heneral Luna at ang Presidente at hinayaan kaming palipasin ang Kapaskuhan bago magtrabahong muli. Sa ganitong paraan ay makakasama ko kahit sandali lamang si Lucia. Bukas na ng hapon ang kaniyang muling pag-alis pabalik sa Paris.
Pinagmasdan ko siyang nakapulupot ang mga braso sa akin habang kami ay pumapanhik sa tahanan ng alkalde, "Tila tahimik ka simula pa kanina, Lucia."
Kuminang ang kaniyang gintong kwintas at hindi ko maiwasang ngumisi sa tuwing naaabutan ko ang kalsedonyang singsing na iyon sa kaniyang daliri, "Natutuwa lamang ako at namamangha. Ito ang unang beses na dadalo ako sa isang pista. Totoong pista, hindi iyong nakaburo lamang sa loob ng tahanan!"
"Mukhang mabuburo na naman tayo sa isang tahanan," Panunuya ko at inilahad ang daan. Umikot ang kaniyang mga mata.
Natawa ako sa kaniyang reaksyon at inalalayan siya patungo sa salas kung saan naroon ang pamilya ng alkalde. Sinalubong kami ng pagbati ng mga ito, "Don Theodoro Yangco, at ang napakagandang Donya Teresita," Asawa ata ng alkalde ang siyang bumeso sa mga magulang ni Lucia at sa tabi niya ay dalawang dalagitang nababatid kong anak nila.
Mayroong tema ang pista at iyon ay ang ginto at pula. Naaalala ko pa ang pagmamaktol ni Lucia dahil ayon sa kaniya ay hindi nababagay ang ginto sa pula. Isinuot niya ay isang pulang panuelito, puting kamisa, at kulay gintong saya. Ipinares niya naman rito ang gintong hikaw na hugis barya, at isa ring gintong kwintas na halos pareho lamang ang disenyo. Tulad ng nakasanayan ay suot niya pa rin ang pulseras na iniregalo sa kaniya ng Heneral de Jesus sa kaliwang kamay, gayon rin ang kalsedonyang singsing na tanda ng aming pagiging magkatipan. Itinaas niya ang kaniyang buhok at naglagay ng isang payneta na may disenyong kristal.
"Hindi ba ay hindi akma?" Tanong niya pagkalabas ng kaniyang silid nang kami ay nasa kanilang tahanan pa. Hindi ko alam ang aking sasabihin dahil akma naman talaga ang lahat ng kaniyang susuotin sa kaniya. Umikot siya sa aking harapan upang ipakita ang kabuuan ng kaniyang gayak.
"Lahat naman ay nababagay sa iyo, binibini, at kung iyong pahihintulutan ay pati na rin ako," Humalakhak ako sa pagtaas niya ng kaniyang kilay sa aking sinabi.
"Hindi ka matino kung kausapin, Ginoo!" Namumula ang kaniyang mga pisngi nang bumalik sa kaniyang silid at sinarado ang pinto.
Ganoon rin ang gayak ng sa Donya Teresita, ngunit mas malaki ang panuelo nito at mayroong mga detalye sa gilid. Kami naman nina Luis, Don Theodoro, at Kapitan Enriques ay naka-itim na eskudo, at pulang laso sa bawat panloob nito, malapit sa aming leeg. Hindi ako sanay sa ganitong kasuotan ngunit ani Lucia ay nais niyang makita ako sa ganitong gayak kahit sa ganitong mga okasyon lamang. Mas alam niya kung ano ang mas makabubuti sa akin, at isa pa, magiging asawa ko na rin siya kaya't kailangang masasanay na akong sumunod sa kaniyang nais.
"Donya Sylvia, ang aking mga anak na si Lucia Ysabel at Luis," Agad nagmano si Luis at Lucia sa Donya at sa alkalde. Bumati naman sila sa mga anak nito at naupo na sa kanilang lugar sa salas. Binuklat na ni Lucia ang kaniyang abaniko at inilahad ang espasyo sa kaniyang tabi. Simple lamang ang kanilang tahanan, hindi gaanong kalakihan tulad ng tahanan nina Lucia. Sa kabila noon ay napuno ng magagarang mwebles ang kabuuan nito, at sa isang dako ay ang kanilang mga retrato.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical FictionHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...