Ikalima: Ang Mga Pangarap

81 4 0
                                    

NATAPOS ang hapunan nang may galak at mga hindi matapos na pasasalamat ng Presidente-Heneral sa Don Theodoro. Tinalakay nila ang kumbensyon na magaganap kinabukasan at ang mga parating na plataporma ng gobyerno sa ilalim ng administrasyon ng Presidente-Heneral. Hanggang ngayon ay iniisip ko kung paano na ang mangyayari kay Bonifacio na siya pa namang nagpatatag ng himagsikan. Tingin ko ay hindi ito patas para sa kaniya.

"Naghahanda kami dahil may sabi-sabing may namumuong negosasyon ang mga Amerikano at Kastila," ani Tinyente Villanueva, "Nangangalap na rin kami ng mga dagdag pa na sundalo, dahil posibleng pasukin nila ang mga protektadong parte ng Luzon," Naubo pa siya sa kanyang tabakong hinithit. Napakabata pa ay mayroon nang bisyo.

"Kailanma'y hindi ko nagustuhan ang nangyari sa Pilipinas at Espanya. Ngunit masisiguro kong ang Donya Teresita ninyo lang ang aking kalapit na Kastila," Tumawa kami sa kanyang tinuran. "Isa pa, ang kanyang Ama ay tumulong sa mga Pilipino noon sa laban ng Cagayan," Dagdag pa nito.

Itinuro ako ni Don Theodoro, "Ayan, sa pagkakaalam ko ay isa si Koronel Miguel Valenzuela sa mga nagpalaya sa Cagayan. Kaya nga siya ay agad naiangat sa ranggong iyan."

Tumango ako sa kaniyang mga sinabi at ngumisi na lamang. Sumunod doon ay ang mga papuri nila sa akin na aking pilit iniwasan dahil hindi ko alam kung paano tutugon. Hindi naman ito kailangang purihin dahil marami kaming naglatag ng aming buhay sa hukay at maswerte akong isa ako sa mga nakaligtas. Hindi ko maiwasang maaalala sina Ka Ignacio. Kamusta na kaya sila?

Nagpaalam akong magpapahangin muna sa balkonahe. Nauubo ako sa usok ng kanilang mga tabako.

Mas kaaya-aya ang Escolta kapag gabi. Ang mga kolgante sa bawat pinto ng bahay ay nagsikinangan sa payapang gabi. Wala na rin gaanong bumabaybay sa ibaba kung hindi mga taong nanggaling sa pagtatrabaho. Naroon ang ilang kutserong kasama ang kanilang mga kabayo, uuwi na sa kanilang mga tahanan pagkatapos ng isang nakakapagod na araw.

Kung ganito nalang sana lagi ang kalagayan ng mga Pilipino. Malaya, payapa, walang pangamba... Hindi ko na kailangang mangamba kada araw na dumaraan sa aking buhay. Mag-iisang taon na rin mula nang sumapi ako sa hukbong rebolusyunaryo at hindi na naituloy pa ang aking pagtungtong dapat sa kolehiyo. Hindi ko rin naman alam kung saan kakalap ng matrikula at ayaw kong tumanggap ng tulong.

"Koronel," Agad kong nilingon si Lucia na ngayo'y nakalugay na ang buhok. Ang maalon na mga hibla nito ay nakalatag sa kanyang baro. Tinanggal ko ang aking gorra at tumango sa kanya.

"Anong nangyari sa Miguel? Naglaho na ba? At bakit ka narito? Baka ay magalit ang iyong Mama," Tumawa ako at sinubukan siyang biruin. Nagbigay naman siya ng tipid na ngisi at nagtungo sa aking tabi. Humawak siya sa pasamano ng balkonahe at sa unang pagkakataon ay narinig ko ang kanyang mabigat na paghinga. Pamilyar na din sa akin ang kanyang gamit na halimuyak na mananatili na ata sa aking isip.

Pinanood ko ang pagpalo ng kanyang mga pilikmata bago bumaling sa akin, "Gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Napakawalang-galang ng aking mga sinabi kanina, Miguel. At huwag kang mag-alala sa aking mga magulang, batid naman nilang ika'y marangal na ginoo... At batid naman nilang hindi ako gagawa ng hindi nila nais," Aniya at sinubukang hulihin ang aking tingin.

"Wala ka dapat ihingi ng tawad. Karaniwan naman talaga ang magkwento," Saad ko at tumingin sa kaniyang mga mata sa sandaling panahon. Ang mga mata niya talaga'y punong-puno ng mga ideyang siya lamang ang makakaalam, "Hindi ko lamang batid kung bakit ninyo nais malaman?"

Hindi niya pinansin ang aking itinanong,
"Pakiramdam ko'y mali talaga iyon. Hindi ko nais ang pagsama ng loob mo kay Mama o sa akin," Nag-aalala siya kung may kinimkim ba akong inis dahil sa kanilang pagtalakay sa akin, "Sabihin mo kung paano ako makababawi," Tanong niya.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon