Ikatatlumpu't-apat: Ang Paghabol Ng Nakaraan

38 3 0
                                    

11 Enero 1899
San Fabian, Pangasinan

HINDI batid ng mga Pilipino kung paano ipagdiriwang ang bagong taon, ngunit bilang mga Pilipino, hindi pa rin nawala ang matatamis na ngiti at mga pagbati sa isa't-isa sa kabila ng mga masalimuot na bagay na nangyayari. Sa aming mga nasa hukbo, sinalubong namin itong may galak nang maiproklama si Heneral Luna bilang bagong pinuno ng digmaan.

"Sasaglit lang ho ako kila Koronel Paco, naglagay ho kasi ako ng salapi sa kanilang negosyo. Para na rin sa nalalapit naming kasal ng aking nobya," Kinaumagahan ay nagpaalam muna ako sa Heneral Luna habang ninanamnam niya ang kaniyang tsaa, "Nag-aaral na rin ho ako kung paano magpatakbo ng negosyo. Pero huwag ho kayong mag-alala, kaya ko namang isantabi ang mga ito kapag kailangan na nating tuparin ang ating trabaho."

Tumango sa akin ang Heneral, "Sige lang, hijo. Basta maaga pa lamang ay lumisan ka na, at kailangang bago magtanghalian ay nakabalik ka na rito. Mayroon akong mga iuulat at mga iuutos."

"Salamat po!" Sumaludo na ako sa kaniya at naglakad patungong pwertahan, ngunit bago pa man ako makalabas ay nadinig ko ang kaniyang mga hakbang.

"Hijo, sandali," Nilingon ko ang Heneral na tangan pa rin ang kaniyang tinapay at isang nakatuping papel, "Para sa iyo ang liham na ito. Pasensya at ngayon lamang makakarating."

Nagtataka man, ibinaling ko ang tingin sa puting papel ngunit napuno na ng putik- ang mga gilid naman nito ay unti-unti nang napupunit at bakas ang mga mantsa ng pagkabasa. Kasabay ng tilaok ng mga tandang sa labas ng aming bulwagan ay ang kabang aking naramdaman nang mabasa kung sino ang pinanggalingan ng sulat.

Narinig ko na ang paggising ng aming mga kasamahan sa labas at nagsisimula na ang kanilang mga biruan. Hindi ko magawang mag-isip. Pakiramdam ko ay nararamdaman ko ang lahat ng bagay na nasa aking paligid. Tila tumigil ang mundo.

Dahan-dahan ay kinuha ko ito at siniguradong hindi ako nagkakamali sa aking nababasa. Sa kabila ng mga dumi sa nakatuping papel ay malinaw ang mga salita: ang mga pangalan.

Hen. Thomas Primoso de Jesus y Marciano

Kol. Miguel Valenzuela y Rubio

"A-anong... saan ho ito galing?" Nanatili ang aking mga mata sa sulat at iniisip kung bubuksan ko ito o hindi. Napakaraming bagay rin ang tumakbo sa aking isipan. Ang nakaraan na tila kay tagal nang napawi ay nagbalik.

Palagay ko'y napakabigat ng laman ng sulat na ito kahit kasinggaan ito ng hangin.

Tumikhim ang Heneral bago nagsalita, "Nanggaling ang aking mga tauhan sa El viejo... Sinisikap na maghanap ng mga katawan o pag-aari ng nasawing mga miyembro ng hukbo. Natagpuan nila iyan malapit roon sa kuta ninyo."

Suminghap ako at gustong-gusto ko nang buksan ang liham, ngunit napag-isip kong mamaya na lamang pagkarating ko sa pabrika ng tabako. Malamang ay naghihintay na ang Koronel Paco sa akin.

"Maraming salamat ho, Heneral..."

Naramdaman ko ang pagtapik ng Heneral sa aking balikat, "Miguel, tingin ko'y mas matatanggap mo na ang nakaraan sa pamamagitan niyan."

"Natanggap ko na, Heneral." Natanggap ko nang pumalpak ako at ang aming pangkat. Hindi ko na ito hahayaang mangyaring muli.

Umiling ito, "Kailangan mong matutunan na hindi lahat ng bagay ay iyong hawak. Kahit sino pang magagaling na mandirigma ay bumabagsak. Ang mahalaga ay bumagsak kang dala ang tiwala ng mga taong naniwala sa iyo."

"DALAWAMPUNG kahon ng tabako para sa mga Santiago," Iminando ko ang kargador sa isang kalesa na nakalaan sa isang Don Santiago. Inisip ko tuloy kung gaano ito kalakas humithit sa kaniyang bisyo.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon