Ikadalawampu't-anim: Ang Duelo

33 4 0
                                    

15 Hunyo 1898
Kawit, Cavite

3 days after President Aguinaldo declared Independence during the Spanish-American war

"KAILANGAN ko ng isa pang opisyal para sa brigada ng San Carlos. Mga tamad at estupidong Koronel ang aking nakikita," Sindak naming pinanood ang pag-iling ng Punong Heneral Artemio Ricarte sa gitna ng kaniyang parte sa lamesa. Maging ang Presidente Aguinaldo sa kabilang dulo ng lamesa ay matamang tinitigan si Pule sa kaniyang tabi para sa mga abiso nito. Bumulong si Pule na makinig na lamang sa Heneral.

Maging ang mga tao sa gabinete ay natatahimik sa kaniyang maririin na mga salita. Kinuha ko ang mga piraso ng papel na aking hawak at inilahad sa kaniya ang listahan ng mga Koronel na lumaban sa nakalipas na tatlong taon. Isa na rin akong Koronel. Ako ang humalili kay Miguel.

Nakunot ang kaniyang noo at hinablot sa akin ang mga papel, "Ano ito, Koronel Villanueva?"

Sa aking kinauupuan ay taas-noo akong tumugon sa kaniya, "Mga listahan po ng Koronel na napatunayan na ang husay sa pakikidigma. Ang mga Koronel na lumaban sa Bulacan at Maynila."

Matama niyang sinuri ang papel, "Ah, nga pala ang Koronel ng nagdaang Heneral de Jesus. Nasaan na nga ito?"

Nagkatinginan kami nina Presidente at saka siya tumugon, "Nagbitiw, Heneral."

"Nagbitiw? Sa edad na dalawampu't-dalawa? Pendejo. Hanapin ninyo ito, Koronel Villanueva. Kumbinsihin!" Inilapag nito ang mga papel at tumayo mula sa kaniyang upuan sa lamesa. Sumunod ang kanyang mga opisyal sa kaniya at naiwan kaming tahimik.

Bumaling ako kay Presidente Aguinaldo na nakikinig sa mga ibinubulong ni Pule. Maging ang gabinete ay nagkaroon ng mga bulungan tungkol sa kung gaano kaistrikto si Heneral Artemio. Malayong-malayo ito mula kay Heneral de Jesus na palabiro ngunit mababakas rin paminsan ang kaniyang seryosong parte.

"Hanapin mo si Valenzuela, Teyong. Kumbinsihin mong magbalik na siya sa hukbo," Hindi pa niya natatapos ang kaniyang utos ay buong-loob na akong tumango at sumangayon, maging si Komandante Alcazar na nasa aking tabi. Hindi maganda ang kanilang huling usapan ni Miguel, ngunit kapag si Heneral Artemio na ang nagsalita ay kailangang masunod.

AGAD na akong nagsugo ng mga Kapitan upang alamin kung mayroon ba sa kanila ang nakakaalam kung nasaan si Miguel. Kinabukasan naman ay agad akong tumulak patungong Dagupan upang alamin kung may alam ang mga Yangco sa kinaroroonan ni Miguel. Magdadapit-hapon na nang ako ay makarating, at kasasara lamang ng kanilang pintuan.

Bumaba ako sa karwahe kasama ang aking dalawang sundalo at kumatok sa kanilang pwertahan. Bago pa kami pagbuksan ay maraming ale ang nag-alok ng kanilang binebenta sa amin, "Senyor, bumili na ho kayo ng isda. Huli na po ang mga ito."

Inisip kong masama ang bumisita kung walang dala kaya't binili ko ang mga bangus na ito.

Sakto rin ay saka pinagbuksan kami ni Donya Teresita na mukhang mas ayos na ang kalagayan mula noong huli ko siyang makita noong nakaraang taon.

"Tinyen-" Nakita niya ang apat na guhit sa aking mga balikat at napagtantong hindi na ako isang tinyente, "Koronel. Ano ang iyong sadya? Halika't tumuloy kayo."

Tinanggal ko ang aking gorra at sumunod kami sa kaniya papasok sa kanilang bahay. Tulad ng kanilang tahanan sa Maynila ay dalawang palapag pa rin ito, at mas malaki rin dahil dati itong tahanan ng malayong pinsan ni Don Theodoro. Ibinenta ito sa kanila dahil nagtungo na ito sa Tsina upang doon na manirahan.

Sumalubong ang itim na alpombra paakyat sa kanilang hagdan, at bumungad sa amin ang kanilang simpleng salas. Kumpara sa Maynila na grandiyoso ang kanilang mga mwebles ay medyo mas simple na ang dating nito ngayon.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon