Ikadalawampu't-siyam: Ang Pagkakataon

54 4 0
                                    

HINDI ko maiangat ang aking mga labi upang ngumisi sa gitna ng masaya dapat na kaarawan ng aking Ina. Umuwi ako mula Paris dahil bakasyon sa aming unibersidad, at para na rin manatili rito hanggang pasko. Pagkatapos ay agad akong babalik at mananatili pa sa unibersidad hanggang Pebrero para sa aking pagtatapos.

Hindi ko naiwasang mawala ang aking kasiyahan nang makita ang pagtititigan ni Miguel at ng medikong iyon. Pagkakauwi ko ay ganoon pa talaga ang bubungad sa akin. Kaya pala hindi na ito tumugon sa aking liham, mayroon na palang ibang binibini sa kaniyang harapan. Kasalanan ko rin naman, hinayaan kong maibaling niya sa iba ang kaniyang damdamin dahil sa hindi ko pagtugon noon. At saka, ano ba ang karapatan ko? Mayroon lamang kaming nakalipas, ngunit nakalipas na iyon.

"Lucia, hija, kumain ka, bakit Biyernes Santo ang iyong mukha?" Tanong ni Ina sa aking tabi. Ngayon ay ginaganap ang hapunan para sa kaniyang kaarawan.

Sa magkabilang dulo ng lamesa ay ang aking Ama at aking Ina. Sa kaliwa ni Ama ay ang aking abuelo, sa tabi niya ay si Koronel Villanueva, at Heneral Escorra na siyang nasa aking tabi. Sa kanan niya naman ay si ang aking hermano, ang Komandante Julio Alcazar, ang medikong si Salome, at si Miguel. Sa tabi niya ang kaniyang ama-amahan na si Mang Hilario na tahimik na nakikinig.

Sa aking harap ay ang mga magiliw na pakikipagtalakayan ni Miguel sa kaniyang mga kapwa opisyal. Hindi maiwasan na maantig ang mga binibini na nagdaraan sa aming lamesa sa kaniyang makisig na pagdadala ng kaniyang uniporme. Kulang nalang ay mga binibini na ang lumuhod sa kaniya, lalo na ang mediko sa kaniyang tabi na kanina pa bumubulong sa kaniya sa likod ng kaniyang abaniko. Nakakabanas naman ang mga pagngisi niya sa kung ano mang sinasabi nito.

"Wala lang po akong gana," Padabog kong inilapag ang aking kubyertos at agad napabaling sa akin si Miguel na iniwasan ko ang mga tingin. Tama lang na madinig mo iyan.

Kinuha ko ang aking baso at sumimsim doon.

"Bakit? Masama ba ang iyong pakiramdam?" Tanong ni Ina at kinapa ang aking noo, "Nais mo bang magpahinga?"

"Hindi po. Kaya ko po, Mama. Ayaw ko namang sirain ang iyong kaarawan," Sinigurado kong may kalakasan ang aking mga sinasabi sapat na upang marinig ito ni Miguel. Ngayon ay hindi na mapakali ang kaniyang mga mata na pabalik-balik sa akin. Napansin naman ni Ina ang aking pinanghihimutok at natawa nang tahimik.

"Doktor Salome, kilala mo na ba ang aking anak?" Muli kong nabitawan ang aking kubyertos sa panimula ni Ina, "Si Lucia Ysabel."

Bumaling at ngumisi sa akin ang medikong Salome daw ang ngalan, "Tama nga ang sabi-sabi. Napakaganda niya, Senyora. Ako si Salome."

Sa tabi niya tumango-tango si Miguel habang hinihiwa ang kaniyang karne.

Umirap ako sa hangin ngunit agad itong ikinubli, "Lucia," Pilit kong iniangat ang aking mga panga upang ngumisi kaya't halos manakit ito sa sobrang labag nito sa aking loob.

"Naikwento na po siya sa akin ng Koronel Miguel, ilang beses niya itong nabanggit," Anang mediko na agad nagpabaling sa akin kay Miguel na mukhang nahiliran at napainom sa kaniyang baso. Sa tabi niya ay natawa si Salome at nagtakip ng tela. Sumabay rin si Miguel sa kaniyang pagtawa na mas lalo kong ikinabanas.

Pakiramdam ko ay nag-init ang aking pisngi at pilit itong ikinubli kaya't sumubo na lamang ako mula sa aking plato. Bakit niya ako ikinekwento sa kaniya? Dapat bang ikwento ang nakalipas sa kasalukuyan?

"Mayroon bang nakakatawa?" Tanong ko na naging sanhi ng sandaling katahimikan sa pagitan sa hapag. Pakiramdam ko ay pinagkakatuwaan ako ng mga ito. Gusto kong ihagis sa mukha nilang dalawa itong platong nasa aking harap upang matigil sila sa pagbungisngis.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon