Ikaapatnapu't-isang Kabanata: Ang Masamang Balita (Las Malas Noticias)
21 Mayo 1899
Dagupan, PangasinanMAITUTURING akong isang estranghera sa aking sariling piging dahil nandirito pa rin ako... sa balkonahe, naghihintay pa rin.
Naghihintay pa rin ako kay Miguel.
Magpakita lamang siya'y isusuko ko ang lahat ng ito para sa kaniya. Iiwan ko ang aking pamilya, ang tahanan... Ang buhay na ito.
Maling-mali ako sa bahaging hindi ko siya pinaniwalaan at nagduda ako sa kaniyang pagsuyo. Pinanood ko siyang ipagkanulo at siraan ng puri at wala man lang akong ginawa para sa kaniya.
Baka nga ay ito na ang balik nito sa akin. Hindi ko malimutan ang lungkot sa kaniyang mga mata noong huli ko siyang makita. Hindi ko nais na iyon ang aking makita kung iyon na pala ang aming huling pagtatagpo.
Maaaring buhay siya... Ngunit hindi na kailan man magpapakita sa akin, dahil ipinaramdam ko sa kaniyang wala na akong tiwala pa sa aming pag-ibig. Ngunit, maigi kung ito nga ang katotohanan. Ang buhay siya kahit papaano. Makababawas sa aking konsensyang isipin siya dahil kahit ang Tiya ang may pakana ng pagkadakip sa kaniya ay mayroon akong malaking bahagi sa nangyari.
Kung hindi lamang ako nagduda...
"Hinihintay ka ng mga panauhin," Nadinig ko sa aking likuran ang tinig ni Manuel. Umayos ako mula sa aking pagkakasandal sa pasamano at sumimsim sa aking baso. Matama akong tinitigan ni Manuel habang ginagawa iyon.
"Kailan ka pa nahilig sa alak? Hindi ito maganda para sa iyo," Kinuha niya sa akin ang baso ngunit hinablot ko itong muli at inirolyo ang aking mga mata palayo sa kaniya, "Hindi ka pa ganap na mayroong asawa't ganiyan ka na kung uminom. Tingin ko'y hindi ka naman hinahayaan ng Kapitan Enriques o ng iyong Mama at patago kang naglalango."
"Huwag mo akong pakialaman," Tugon ko at naroon pa rin ang aking tanaw sa malayo.
Narinig ko ang kaniyang nababanas na buntong-hininga, "Huwag mo namang ipakita sa mga panauhin kung gaano ka kalugmok, Lucia."
Nilingon ko siya, "Anong nais mo? Ang ngumiti ako nang pagkalawak-lawak sa harapan nila pagkatapos ng mga kamalasang nangyari sa buhay ko? Magpanggap na hindi ko alam na sa kabila ng mga ngiti nila'y pinag-uusapan nila ako sa aking likuran? Sarili ko ngang Tiya ay napakasama ng budhi at inilaglag ako!"
"Lucia...""At ang iyong kapatid... hindi ko pa nakaliligtaan ang kaniyang ginawa. Iyo ring ginusto iyon, ano?"
Nakunot ang kaniyang noo, "Alin rito ang aking gusto? Ang ikasal sa iyo? Makinig ka sa akin. Kung ano man ang ginawa ni Soledad ay wala akong alam roon, at totoong kaya kong gawin noon ang lahat upang ikaw ang maikasal sa akin, ngunit nang makita ko kung gaano ka kaligaya sa kaniya ay lubos na ang aking pagkapanatag. Wala akong intensyong sirain kayong dalawa, lalo na kung alam kong ikaliligaya mo iyon!"
Pinagdiin ko ang aking mga labi at tumikhim. Wala na akong tiwala sa mga taong nakapaligid sa akin. Mahirap na para sa akin ang magtiwala pa.
"Magpakasal man tayo'y wala akong pag-ibig para sa iyo, iyon ang tatandaan mo," Mariin ang aking mga salita na siyang dahilan ng kaniyang pagyuko. Tila nababanas na siya sa akin at hindi na alam ang gagawin pa.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Ficción históricaHIGHEST RANKING: #25 - historical fiction #2 - philippinehistory (03-20-2024) #10 - timetravel #1 - spanishera Halina't maglakbay sa oras kasabay ng paggunita nina Sol at Harold sa kanilang nakaraang buhay sa pamamagitan nina Lucia Ysabel Yangco y E...