Ikadalawampu't-lima: Ang Araw at Ang Buwan

46 4 0
                                    

2 Pebrero 1898
Rosales, Pangasinan

MABIGAT ang aking hininga habang pumupunit sa aking kamiseta upang itakip ito sa malaking pinsala ng bala sa leeg ni Heneral de Jesus. Tagaktak ang aking pawis habang patuloy pa rin ang pagsiklab ng mga Kastila na ngayon ay tuloy-tuloy na ang pag-abante patungo sa aming kampo. Wala na kaming pag-asa. Hindi namin ito inasahan.

"Mediko!" Sigaw ko at agad sinenyasan ang mga sundalong magpaputok upang makalapit sina Salome sa aming pwesto. Nahihirapan kong pinanood ang pagdaloy ng dugo mula sa bibig ni Heneral at napapikit ako nang mariin. Sana ay bangungot lamang ang lahat ng ito.

"Heneral!" Tinapik ko ang kaniyang pisngi at idiniin pa ang paghawak sa tela upang maitigil ang pagdurugo. Malamlam na ang mga mata nitong hawak rin ang aking kamay na nakapatong sa kaniyang sugat. Hindi ko alam ang aking mararamdaman sa aking nasasaksihan.

"Mi.. miguelito..." Bulong nito bago naisakay nina Salome sa kanilang karitela. Nanghihina man ay tumayo ako upang ituloy ang laban. Napapikit ako nang mariin at binunot ang aking rebolber.

Sa gitna ng pagpapaputok ko kasama ang iilang natira sa amin ay alam kong talo na kami sa labanang ito. Alam ko ring malabo nang mabuhay pa ang Heneral. Nanlumo ako at sinisi ang aking sarili. Kung nagmatyag lamang ako sa Timog ay baka hindi ito nangyari.

Patuloy na ang pag-abante ng mga Kastila at nabingi ako sa mga sigawan nila: Viva Espanya! Kasabay nito ay ang walang pakundangang pagsikad ng mga bala sa gitna ng taimtim na gabi.

"Koronel! Tumakas na tayo!" Hinila ako ni Teyong mula sa aking pagkakatulala na siya namang nagpatianod ako. Pakiramdam ko'y wala na ako sa aking sarili habang binabaybay ang tingin sa mga sundalong nangamatay sa aming harapan.

Tuluyan na rin akong nanghina nang makita ang pag-iling ni Salome sa akin at sa harap niya ang nakapikit nang mga mata ng Heneral de Jesus.

"Koronel!" Sa harap ko ay bumalandra ang Komandante Alcazar at tinapik ang aking pisngi, "Umalis na tayo!" Umalingawngaw ang kaniyang mga salita sa aking nagugulong isipan. Wala akong ibang maisip kung hindi ang nakalaylay na mga braso ng Heneral sa ibabaw ng karitela.

Hinila ako ng Komandante palayo sa aming kampo kasama ang mga mediko at papalayo nang papalayo sa aking paningin ang mga labi ng Heneral.

"GISING, hijo. Maaga pa tayo sa bayan," Naramdaman ko ang bahagyang pag-alog sa akin ni Mang Hilario. Gumising na naman akong may luha sa aking pisngi, tanging alaala na dala ko mula sa aking mga pangitain. Halos magdadalawang-buwan na mula nang mangyari iyon ngunit gabi-gabi akong binabagabag ng mga nangyari sa Kawit.

Tumango ako at umuungol na nag-unat mula sa papag na aking hinihigaan. Agad akong nangilo sa sakit na naramdaman mula sa aking peklat na noon pang sa Bataan. Napangiwi ako. Hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyan ang paghilom nito.

Pagkatapos ay tinupi ko ang kumot na aking ginamit at naghanda na para sa aming panibagong araw.

Rinig pa ang kuliglig at madilim pa ang kapaligiran tulad ng aking nakasanayan sa araw-araw naming pakikipagkalakal sa bayan. Nauuna pa nga ata kami sa tilaok ng mga manok.

Maaga talaga kung gisingin ako ni Mang Hilario dahil maaga rin ang mga Intsik kung magtungo sa bayan upang mamili ng aming mga kopras upang gawing pausok sa kanilang mga tahanan.

Agad na akong naligo at lumabas upang ilagay ang mga kopras sa aming kariton na siya namang ikakabit sa aming kabayo. Dala ang aking lampara ay binigyang liwanag ko ang paligid.

"Kulas, kamusta," Bati ko sa kabayong nagpapadyak nang ilagay ko ang kariton sa kaniyang likuran. Pagkatapos ay binigyan ko ito ng kakaonting damo upang kainin.

Sa TakipsilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon