Daisy
"Isay, sigurado ka na ba sa iyong desisyon, ha?"
Huminto ako sa pag-aayos ng natitirang damit ko sa aking may kalumaang bag na huling ginamit ko pa noong elementarya ako. Ako naman ay lumingon at nakangiting tumango sa aking Inang.
"H'opo, Inang. Susubukan kong maghanap ng trabaho sa siyudad. Atsaka, simula noong lumipat si Anti Sabel eh wala na tayong mabilhan ng mga esensyal natin. Susubukan kong bumalik sa susunod na Linggo." Sagot ko bago dinaanan ng tingin sa kusina ang halos ubos nang mga sangkap at esensyal tulad ng sabon.
Ganito kahirap ang buhay sa bundok. Dahil pahirapan ang umakyat at bumaba, madalang lang na may pumunta sa siyudad, katulad ni Anti Sabel, na kumokompra para sa tindahan niya. Pero simula kasi noong lumipat na talaga siya sa siyudad noong isang araw, naging mahirap na para sa'min dito.
Hindi na rin talaga sapat ang mga pananim at mga hayop dito para alalayan kami sa pangangailangan namin. Isang kilometro mula rito, halos makalbo na ang gubat dahil sa pagtotroso. Sa kabilang banda naman, mayroong minahan. Kaya ang mga ibang tagarito, napagdesisyunan na ring bumaba at magsimula ng panibagong buhay.
Matagal ko na ring napag-isipan ang mamuhay sa baba. Kaso, iniisip ko ang kalagayan ni Inang. Dahil sa edad niya, hindi ko alam kung makakaya niya pa bang bumaba. Hindi biro ang daan at distansya pababa.
"'Wag kang masyadong mag-alala sa'kin, Isay. Nasa kabilang bahay lang si Karyo, may kasama ako kahit papaano." Sinubukan niya pang tumawa.
Ako'y napabuntong-hininga. Ayaw ko talagang iwan dito si Inang nang mag-isa kasi kinakabahan ako. Pero, mabuti na lang talaga at nandyan si Angkel Karyo.
Bago isinarado ang bag ay tiningnan ko muna ang wallet ko at muling binilang ang loob.
Isang-daan at dalawampung piso.
Kasya naman 'to, 'diba?
"Isay. Halika..." Ani Inang. Ibinaba ko ang wallet at lumapit sakanya. Tatanungin ko na sana si Inang kung bakit niya ako tinawag, pero sinundan ng mga tingin ko ang kamay niya na may hinahablot mula sa ilalim ng kutson. Lumaki ang mga mata ko nang makitang pera ito.
"I-inang--"
"Oh eto, pandagdag sa pera mo. Wala rin naman akong panggagastusan niyan dito." Aniya at nilagay sa palad ko ang isang-daang piso. Nahihiya, tinanggap ko at ibinulsa ang pera. Aminin ko man o hindi, talagang kailangan ko ng pera.
"Mag-iingat ka roon, Isay. 'Wag kang magtitiwala basta-basta kung kani-kanino." Hinaplos ni Inang ang pisngi ko at tumingin sa'kin na puno ng pag-aalala.
"Alam mo naman kung bakit ang tagal kong tinanggihan na bumaba ka." Aniya at tumango ako.
"H'opo. Sige, Inang. Aalis na po ako. Malapit nang luminawag."
Dala-dala ang bag ko at isang maliit na buslo, sinimulan ko na ang paglalakbay ko sa medyo may kadiliman pang gubat. Alas sinko pa lang, ngunit dahil saulo ko na ang lugar at pasikot-sikot dito ay hindi na ako nahirapan.
BINABASA MO ANG
Limos (Sumilao Series #2)
RomanceBagong mundo, bagong buhay. Yan ang tanging layunin ni Daisy nang bumaba siya mula sa kabundukang kinalakihan niya. Ngunit 'di niya naman inasahan na talagang babaliktad ang mundo niya. Sa rami ng engkwento na kanyang naranasan, 'di niya inakala na...