KABANATA 30

39 2 1
                                    

Daisy


Parang wala ako sa sarili na bumalik sa kwarto at nahiga. Tulala sa kisame, pinoproseso ang nakita at ang nararamdaman ko.


Napahawak pa ako sa dibdib ko nang kumirot na naman ito. Hindi ko alam kung anong gagawin at iisipin dahil ito ang unang beses na nakaramdam ako ng ganito.


Masakit yung pagtabuyan at akusahan ako ng mga katrabaho ko, at 'di ko alam kung bakit pakiramdam ko kasing pantay ng naramdaman ko nun ang sakit na nararamdaman ko ngayon kahit na wala namang ginawa sa'king masakit, talagang nakita ko lang na nagtatawanan at malapit sa isa't-isa ang dalawa.


At 'yun ang mas nakakainis. Yung wala nga silang ginagawa na nakakasakit pero ang sakit-sakit.


"Daisy?"


At ito na naman, malapit nang tumalon palabas ang puso ko nang marinig ang boses ni Maky sa labas at kumatok pa siya.


Sa lahat ng pwedeng gawin, 'di ko alam kung bakit pumikit ako at nagpanggap na tulog. Sa loob-looban ko ay binabatukan ko na ang sarili ko dahil sa pinanggagawa ko.


"Daisy?" Halos magpigil ako ng hininga nang marinig kong bumukas ang pinto at mas naging klaro at malapit ang boses niya.


"Ay, tulog ka ba? Teka, pero kakain na..." Rinig kong saad niya.


Kahit nakapikit ay ramdam ko ang presensya niya. Ramdam ko rin ang pagpapawis ko dahil sa nerbyos dahil sa katangahan na pinanggagawa ko.


Bakit ba kasi ako nagpapanggap na tulog?!


"Daisy..? Gising na. Kain muna tayo. Bawal kang magpalipas ng gutom, baka himatayin ka." 


Kahit gustong-gusto kong pumikit ay para naman akong nahipotismo sa boses niya, kaya bago ko pa namalayan ay nakamuklat na ako at bumungad sa'kin ang nakaupo at nakangiting Maky sa gilid ng kama, kaya napaatras ako dahil ang lapit ng mukha niya sa'kin.


"Aray..!" Sapo ko ang likod ng ulo kong nabangga sa pader.


Mabilis naman siyang umalalay sa'kin at ewan ko ba kung bakit nakaramdam ako ng kuryente nang dumapo ang mga kamay niya sa ulo at mukha ko.


"Daisy! Hala, anong...ba't kasi bigla kang gumano'n..." Aniya at hinimas ang likod ng ulo ko. 


Pinaupo niya ako nang maayos pagkatapos ay naupo sa tabi ko. May limang dangkal siguro na distansya sa pagitan naming dalawa.


"Ayos ka lang ba? May masakit pa ba sa'yo?" Tanong niya.


Nakatungo lang ako pero kita kong nakaharap siya sa'kin, naghihintay ng sagot ko.


Oo, mayroon. Yung puso ko. Masakit.


Pinigilan kong sampalin ang sarili ko dahil sa naisip. Kung anu-ano na ang naiisip ko simula nang mapagtanto ko ang namumuong nararamdaman ko para sa lalaking 'to.

Limos (Sumilao Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon