KABANATA 22

30 5 0
                                    

Daisy


Tumagal kami ng ilang segundo sa ganoong estado. Kung puwede lang nga sanang pahintuin muna ang oras ay gagawin ko para lang tumagal ang sandaling ito, kahit ilang sandali lang.


Si Mak-mak na ang bumitaw sa'kin. Hinawakan niya ako sa magkabilang-balikat ko at tiningnan nang marahan.


Pakiramdam ko tuloy ay parang nasa ilalim na naman ako ng lawa dahil sa titig niyang sobrang lalim. Ang ganda talaga ng mga mata niya. Ang sarap titigan at malunod sa mga ito.


"Bakit malamya ka? May nangyari ba?" Puno ng pag-aalala niyang tanong.


Ako naman ay natulala na lang sakaniya. Bigla akong napaisip na posible palang kahit na ilang beses lang kaming nagkita ng lalaking 'to, ay talagang sinsero at totoo ang pagkakaibigan na nabuo namin.


Ramdam na ramdam ko ang sinseridad niya. Ang pag-aalala sa mga mata at boses niya. Pakiramdam ko tuloy, matagal na niya akong kilala kahit na sa maikling mga pagkakataon lang naman kami nagkikita.


Sa sobrang komportable ko sakaniya, tumango ako bilang sagot. Pakiramdam ko, kaya at pwede kong isumbong at ilabas sakaniya ang lahat ng hinaing at dinaramdam ko sa buhay.


Parang bata na nagsusumbong sa tatay niya tungkol sa mga batang nang-away sakaniya sa eskwelahan. Ganoon ang pakiramdam.


"Mak-mak... Ang hirap pala, no?" Basag ang boses kong tanong.


Hindi ko alam na mas may aamo pa pala ang mukha niya. Ang mga mata niya ay mas lalong lumambot habang nakatingin sa'kin.


"May problema ba? Sabihin mo sa'kin, makikinig ako."


Marahan niya akong ginabayan papunta sa pinakamalapit na bench at pinaupo. Tumabi siya sa'kin nang 'di inaalis ang tingin sa'kin.


Sinabi ko naman sakaniya ang lahat-lahat ng nangyari. Wala akong iniwan na detalye.


Habang nagsasalita ako ay siya naman ay tahimik na nakikinig sa'kin. Ni isang beses ay 'di niya inalis ang tingin at atensyon niya sa'kin. Pansin ko rin ang pagiging seryoso ng mukha niya.


"Kaya ayon... 'Di ko na tuloy alam kung ano ang gagawin. 'Di naman kasi ako sanay sa ganoong pagtrato, Mak-mak. Wala naman kasi akong ginawang masama..." Saad ko bago sininghot ang sipon kong nagbabadyang tumulo.


Damang-dama ko tuloy ngayon na isa akong bata. Pakiramdam ko talaga ay isa akong bata sa harap ni Mak-mak.


May kinuha siya mula sa bulsa niya at nang ilabas niya ito ay mukhang maliit ito na tuwalya. 'Di na ako pumalag nang punasan niya ang basa kong mga pisngi.


"Iiyak mo lang yan. Alam mo, Daisy, ako na nagsasabi na tama ang ginagawa mo. Kahit isipin mo man na 'di mo alam kung ano ang gagawin, maniwala ka sa'kin, alam mo. Kung tutuusin, walang-wala ako sa'yo eh. Kung ako siguro yan, nasapak ko na rin yang Lucio na yan. Tsaka yang mga kasamahan mo rito? Naku, baka ipakain ko sila sa mga Tilapia diyan sa lawa." Mahabang saad niya na puno ng eksaherasyon.

Limos (Sumilao Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon