Daisy
Panibagong umaga, panibagong araw na naman. Nakakapanibago rin na sa'ming dalawa ni Femie, ako ang unang nagising. Nakakapanibago rin na kumalma na rin ang paghihilik niya.
Madilim pa sa labas pero paunti-unti nang lumiliwanag ang langit. Banta ko bandang alas singko treinta na. Kumuha ako ng tuwalya at damit atsaka nauna nang maligo. Mamaya ko na siguro gisingin si Femie, o baka nga paglabas ko eh gising na siya.
Hindi rin naman ako nagkamali dahil paglabas ko ng banyo ay nakatayo na si Femie na magulo pa ang buhok. Kakagising lang ata at humihikab pa.
"Good morning, Ate..." Mahinang at medyo paos na sambit ni Femie kaya binati ko rin siya pabalik.
Naupo ako sa kama ko habang pinapatuyo ang buhok ko. Inabot ko ang supot ng chocolate na cookies na binili ni Armani sa'kin at inilahad ko kay Femie. "Gusto mo? Masarap 'to." Sambit ko.
"Lahat naman ng pinapakain mo sa'kin Ate eh masarap." Aniya at kumuha ng dalawa mula sa supot. Natawa naman ako ng kaunti. Totoo naman kasi ang sinabi niya.
Lahat ng binigay sa'kin ni Armani, masarap. Hindi ko pa nauubos, hindi pa nga nakakalahati eh, pero lahat ng natikman ko ay masarap. Pansin ko rin na halos lahat ay galing sa isang manufacturer lang galing. Avi Foods Corporation.
"Ate 'diba wala tayong trabaho ngayon?" Tanong niya at tumango naman ako.
"Bakit? May gagawin ka ba?" Tanong ko. Umiling naman siya at ngumiti ng malaki atsaka nag-inat.
"Wala lang! Masaya lang kasi may pahinga tayo. Nakakapagod din ang magbilad at magtrabaho sa bukid, Ate. Ang init-init." Sagot niya na sinang-ayunan ko.
'Di biro ang magtrabaho ng buong araw sa bukid. Lalo na't sobrang init ng panahon.
"Ligo lang ako, Ate. Hihintayin mo ba ako? O baka gusto mo nang mauna?" Ani Femie kaya tinapik ko ang kama.
"Hintayin na lang kita. Sabay na tayong pumunta sa dining." Sagot ko kaya tumango siya at nagmamadaling pumasok ng banyo at naligo.
'Di nagtagal si Femie kaya pag labas namin ng bahay ay may mga nakasabay pa kami papunta sa dining hall namin. Nang makita sila Flor ay nagpaalam si Femie sa'kin bago humiwalay at sumabay sa dalawa.
Nang makapasok sa dining ay ginawa ko na ang nakasanayang gawin. Pumila para sa pagkain, pagkatapos ay umupo sa puwesto namin. Nauna na roon ang tatlo kaya tumabi ako kay Femie. Maya-maya ay dumating na rin ang dalawa.
"Magandang magandang umaga, Ate Daisy!" Puno ng enerhiya na bati ni Nimfa sa'kin kaya binati ko rin siya pabalik.
Komportable na ako kay Nimfa. Madali kasi siyang pakisamahan at alam niya kung paano makipag-usap ng matino. 'Di tulad ng katabi niya na tahimik lang habang kumakain.
Itong si Rose kasi. Siya yung tipong tahimik lang. Pero pag nagsalita, ang lala. Kaya mas mabuti rin siguro na manahimik na lang siya. Kaya marami ang 'di komportable sakanya eh. Lalo na si Femie.
BINABASA MO ANG
Limos (Sumilao Series #2)
RomanceBagong mundo, bagong buhay. Yan ang tanging layunin ni Daisy nang bumaba siya mula sa kabundukang kinalakihan niya. Ngunit 'di niya naman inasahan na talagang babaliktad ang mundo niya. Sa rami ng engkwento na kanyang naranasan, 'di niya inakala na...