KABANATA 24

116 8 3
                                    

Daisy


"'D-di ho magandang biro yan, Angkel..." Nanginginig ang boses kong saad.


Kahit anong hiling kong 'biro' lang sana ay sinasampal sa'kin ng nagdadalamhati niyang mga mata na purong katotohanan ang sinabi niya.


"Kung alam mo lang kung gaano ko ring hinihiling na sana ay biro lang ito, Isay. Masakit din sa'min ang biglaang pagkawala ng Inang mo..."


Ang mga luha kong kanina pang namumuo ay nagsibagsakan na. Maging ang tuhod ko ay nawalan na ng lakas kaya wala na akong magawa nang bumagsak ang katawan ko.


"Daisy!" Tawag ni Mak-mak at mabilis niya akong inalalayan.


Nanginginig kong pinigilan ang paghikbi ko sa pamamagitan ng pagtakip ko ng labi ko. Kahit malabo na ang paningin ay inilibot ko pa rin ang tingin ko sa paligid. Kahit alam kong imposible, hiniling ko pa rin na sana... sana ay makita ko si Inang.


Na kahit alam kong sobrang labo, hiniling ko pa rin na sana ay biro lang nga ito. Isang masamang biro...


"Inang..? Inang, 'di magandang biro 'to... Lu-lumabas na kayo, oh?" Basag na ang boses kong saad.


Sinubukan kong tumayo ngunit tinakasan na talaga ako ng natitirang lakas ko kaya't napasandal na ako nang tuluyan kay Mak-mak.


"Inang... Nandito na ang paborito mong apo. N-nagtatampo ka ba sa'kin k-kasi... Ang tagal kong di na-nakabisita? L-lumabas ka na, oh. Magpakita ka na sa'kin..."


Ngunit tulad ng inaasahan ay walang may sumagot. Walang lumabas na Inang. Kahit ilang beses kong tawagin ang pangalan niya, 'di ko narinig ang boses niya. Ang boses niya habang malambing na tinatawag ang pangalan ko.


"Daisy... Sorry..." Bulong ni Mak-mak at hinaplos ang buhok ko.


Hindi ko alam kung anong mayroon sa banayad niyang boses at haplos dahil ang kanina ko pang pinipigilan na hagulgol ay lumabas na.


"Mak-mak... Si Inang ko..." Nahihirapan kong sambit.


Baradong-barado na ang lalamunan at ilong ko. 'Di ko na naimuklat ng maayos ang mga mata ko dahil sa sobrang pag-iyak.


Nanatiling tahimik ang dalawa habang umaalingawngaw sa buong bahay ang pagtangis ko.


"I-inang... In-nang..." Napapaos kong tawag.


Ang sakit... Ang sakit dahil ang masakit na pagtangis ko ang nangingibabaw sa tahimik na lugar. Ang inaasahan kong marinig ay ang masayang tinig ni Inang kapag nakita ko. Kasiyahan dahil sa biglaan kong pagbisita.


'Di ko inakala na ako pala ang mabibigla. Na imbes na kasiyahan ay ang pag-iyak ko ang naririnig ko ngayon.


"Sorry, Daisy... Sana mas maaga akong bumisita sa'yo." Rinig kong sambit ni Mak-mak kaya kahit masakit na ang mga mata ay tumingin ako sakaniya.

Limos (Sumilao Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon