KABANATA 7

40 5 1
                                    

Daisy


Tumango-tango naman ako nang marinig ang pangalan ulit ng magandang babae. Siguro, malapit talaga si Armani kay Dana. Iba kasi ang ngiti niya pag nasasambit ang pangalan nito. Kahit naman siguro ako, mapapangiti. Ang ganda kasi ni Dana eh. Mukhang mabait at palangiti. 


"Take your rest, Daisy. Maaga pa tayo bukas. Good night." Aniya bago isinarado ang pinto. Muli akong napatingin sa damit na binigay sa'kin. Inamoy ko 'to at parang nasa langit ata ako. Ang presko ng amoy. Amoy bago. Amoy mahal. 


Lumapit ako sa salamin at sinukat ang damit. Nang masuot ito ay halos pumalakpak ako sa tuwa nang makitang sakto ito sa'kin. 


Ang ganda! 


Sa sobrang ganda parang nakakahiya nang suotin. Pero sabi kasi ni Armani ay ito ang gusto niyang suotin ko bukas. 


May babagay na pang baba kaya ako rito? 


Kinuha ko ang pantalon na ihinanda ko na. Nang isuot ko ito para tingnan kung bagay ay napabuga ako ng hangin. Hindi ako mapili sa damit pero nakakahiya kasing ipares ang pang ibaba ko sa blusa na binigay sa'kin. 


Muli kong hinalungkat ang naayos ko nang damit sa bag at may nakitang mahabang palda. Ito yung brown na palda ni Inang na ginagamit niya noong kaedaran ko siya. Binigay niya ito sa'kin pero ngayon ko lang ito ata masusuot. 

Isinukat ko ito at nahirapan pa akong isara ito kasi napakasikip! Maliban sa busog ako, mukhang maliit talaga ang beywang ni Inang dati. Pero nakaraos naman ako sa krisis at nasuot ko pa rin ito nang maayos.


Sulit na sulit naman ang paghihirap nang makita ko sa salamin ang resulta. Sa lahat ng damit na naisuot ko, ito na ata ang pinakamaayos at paborito ko. 


Umikot-ikot pa ako at tiningnan ang sarili ko sa iba't-ibang anggulo. Nang dumapo ang tingin ko sa mga paa ko ay naalala ko ang binili ni Armani na sapatos. Kinuha ko ito at isinuot at mas may ikamamangha pa pala ako. Bumagay ang puting sapatos sa damit ko. 


Ang ganda...


Parang ayaw ko pang hubarin ang damit pero ayaw ko namang marumihan ito o mapawisan, kaya naghubad na ako at nagpalit ng damit na pantulog. Inayos ko na rin ulit ang mga gamit ko atsaka nahiga. Hindi rin ako natagalan bago nakaramdam ng antok. Maya-maya ay pumikit na ako at kinonsumo ng panaginip.


Alas sais nang magising ako. Ang puso ko naman ay hindi makalma. Kinakabahan ako, na natutuwa. Kasi nga, babyahe na ako. Lalawak na naman ang mundo ko. Mapupunta na ako sa Bukidnon. Ni kahit kailan ay hindi ko naisip na makakalabas ako rito sa Iligan. 


Dala-dala ang tuwalya at pamalit ko ay lumabas na ako ng kwarto. Tahimik sa labas, pati ang kuwarto ni Armani kaya 'di ko alam kung gising na ba siya o tulog pa rin. Dumiretso na ako sa banyo at naligo. 


Gusto ko pa ngang magtagal at lasapin ang maligo rito kasi ito na ata ang huling beses na makakapasok ako rito. Pati na ang mababangong mga gamit ni Armani. Nilubos ko na ang pag shampoo, conditioner, tsaka sabon. Isa pa, gusto ko rin mag-amoy at magmukhang presentable roon sa pagtatrabahuan ko. Lalo na pag makakaharap at makikilala ko na sa personal yung si Miguel. Miguel Samson, ang magiging boss ko ayon kay Armani. 


Paglabas ko ng banyo ay sumalubong sa'kin ang mabangong amoy ng niluluto. Mukhang gising na si Armani. Bago umakyat ay sumilip ako sa kusina at nandoon nga siya. Nakatalikod sa'kin at abala sa pagluluto. Base sa suot niya ay mukhang 'di pa siya naligo. Mukhang kagigising niya nga lang ata talaga. 


Limos (Sumilao Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon