KABANATA 16

35 4 0
                                    

Daisy


Akala ko hanggang kainan at laro lang ang gagawin namin kaso nagulat ako nang may dumating ang lalaking ipinakilala ni Miguel na si Bon-bon. Kuya Bon-bon pala kasi mas matanda sa'kin ng dalawang taon.


Pansin kong may mga ilan sa mga kasamahan kong babae ang kinilig at interesado kay Kuya Bon. 'Di ko naman sila masisisi kasi una mong mapapansin sakaniya ay ang maamo niyang mukha. 'Di rin mapapalagpas ng mga mata ang hulmado niyang katawan.


"Bakit naparito ka, Bon?" Tanong ni Miguel at may ibinulong naman sakaniya ang lalaki. 


Naintriga ako nang makitang umangat ng kaunti ang gilid ng labi ni Miguel at tumango siya kay Kuya Bon. Umalis si Kuya Bon at pagbalik niya ay may mga dala na siyang botilya. Napahiyaw ang iba sa'min, karamihan mga matatanda, nang makita ang dala niya.


"Aba eh lambanog ba yan, toto?" Tanong ni Angkel Turo at tumango naman si Kuya Bon. Nang makumpirma ang kanilang suspisyon ay muli silang naghiyawan.


Lambanog? Sandali, nakatikim na ba ako ng lambanog? 


Bale may apat na malalaking bote na dala si Kuya Bon at inilapag ito sa pinakamalapit na lamesa. Ang apat na lambanog ay naging sampu kaya mas lalong nagdiwang ang mga tao lalo na ang mga matatandang mga lalaki.


"Naku maraming salamat dito, Bon. Kaya pala kanina pa nanunuyo ang lalamunan ko, naghahanap pala ng panipa." Ani Angkel Gabo.


Ang mga matatanda ay pumuwesto na sa bilog na lamesa. May mga baso na rin at ang iba ay kumuha ng ulam, gagawin atang pulutan.


Ako kasi hindi rin naman ako mahilig uminom. Kaya sinusubukan kong alalahanin kung nakatikim na ba ako ng lambanog kasi parang pamilyar sa'kin ang pangalan nito.


"Ate! Umiinom ka ng lambanog?" Tanong sa'kin ni Femie kaya umiling na lang ako dahil hindi rin naman ako sigurado. Baka kilala ko lang talaga sa pangalan.


"Ay sayang. Ako nakainom na ako pero depende pa rin sa lambanog eh. Subukan natin? Isang baso lang?" Pangumbinse niya sa'kin. 


Sino ba naman ako para tumanggi? At isa pa, araw 'to ng pagsasaya namin kaya tumango ako. 


"Isa lang ha." Paalala ko sakaniya kaya tumango siya. Kumuha siya ng isa pang baso dahil ibang baso ang gamit ng mga nakapuwesto na. Akala ko magpapasalin lang siya sa baso kaso nagulat ako nang hablutin niya ang isa sa mga bote.


"H-huy, bakit--" 


"'Wag kang mag-alala, Ate. Kasama naman sila Tine at Flor!" Aniya at umupo kami sa lamesa na inuupuan nila kanina. Habang inaaya ni Femie sila Flor at Tine ay napadaan ang tingin ko sa lamesa nila Armani. 


Nakito kong pinapainom ni Miguel si Dana ng lambanog ngunit iniiwasan siya ng babae. Dahil malayo sila ay hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila. Basta may sinasabi si Miguel kay Dana at bigla na lang siyang hinampas nito. Tumatawa pa si Miguel habang hawak ang baso na may lamang lambanog na ikinagulat ko pa.

Limos (Sumilao Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon