Empake

15 2 0
                                    

Hinintay ko kagabi ang kabanda ni Jeoffrey para personal ko rin siyang maipagpaalam. Ayaw ko kasi na ako pa ang maging dahilan ng kanilang pagdi-disband.

Asset si Jeoffrey sa kanilang banda, kaya ayaw siyang pakawalan. At, kaya nga, nang nagpaalam daw siya, nahirapan siyang magkumbinsi. Kailangan niya pang takutin silang tanggalin na siya, pero hindi iyon ang ginawa ng banda. Pinayagan na lang siya.

Napabilib nga ako ni Jeoffrey. Minsan, malakas din ang loob niya.

Nang naghihintay sila ng bayad ng performance nila, saka ako nagsalita. "Mga 'tol, sama ko si Jeoffrey sa Aklan... Sana ayos lang sa inyo. Mapilit, e." Ngumiti pa ako.

"Walang problema, Red," sagot ng vocalist. "Ang problema, walang pera 'yan." Itinuro pa si Joeffrey. Pagkatapos, nagtawanan ang mga kabanda niya.

"Si Kuya..." Napakamot ng ulo si Jeoff at napangiti pa. "Meron naman, kahit paano."

"Huwag kayong bahala. Maraming gawain do'n si Lolo," biro ko rin.

Nagtawanan na kaming lahat.

"Tama iyan! Paghugasin mo ng mga pinggan. Ang lakas kumain niyan, e," banat naman ng isa.

Naabutan kami ni Boss Rey na nagtatawanan. Nagtanong siya. Nagalit sa akin dahil promotor daw ako sa lakwatsa. Sino na naman daw ang tutugtog? Hindi na ako nagsalita. Dinaan ko na lang sa karisma.

"Si Boss naman, parang 'di naman dumaan sa pagka-teenager. Siyempre, gusto rin naming magliwaliw."

"Oo, pero paano ang negosyo ko?"

"Marami naman pong banda." Lumapit ako sa kanya. Inakbayan ko siya. "Ano'ng pasalubong po ang gusto n'yo?"

Nagtawanan sila. Natuwa rin si Boss. "Ayos ka rin, e. Sikmuraan kita d'yan, e."

Lumayo na ako, baka nga sikmuraan ako. Ayaw pa naman niya magpahalata na bading siya.

Lumipas ang ilang saglit, nagpaalam na kami. Pumayag na rin naman kasi si Boss.

Alas-otso pa lang, nasa bahay na si Jeoffrey. Excited masyado. Hindi pa nga ako nakapag-almusal at nakapag-empake, kaya nakatingin pa siya habang nag-aayos ako ng maleta ko.

"Ang suwerte mo talaga, Red," seryosong sabi ni Jeoff.

"Bakit naman?"

"Nagagawa mo lahat ng gusto mo. Malaya ka. Sarili mo ang kita mo.."

"Ah... Hindi naman."

"Alam mo... naiinggit ako sa 'yo."

"'Wag kang mainggit, kaya mo namang maabot ang mga naabot ko. May talent ka rin naman. Nagkataon lang na tumutulong ka sa iyong pamilya."

"Hindi lang naman iyon..."

Napamaang ako. "Ano pa?"

"Wala.. Basta!"

Natawa ako. "Ang labo mo!"

"Kasi... pati mga babae ay nagkakandarapa sa 'yo. Ang lakas ng dating mo sa kanila. Sabi nga ni Daniel Padilla, nasa 'yo na ang lahat!"

Tawa ako nang tawa. Ang lakas maka-emo ni Jeoffrey, hindi naman seryoso. Nakakatawa lang.

"Umayos ka nga Jeoff. Kaltukin kita, e. Andami mong drama."

"Oo na! Nagsasabi lang nang totoo, e."

"Totoo ba 'yon? E, kundi halos ako lagi ang humahabol sa mga babae. Kay Dindee, ako ang madalas na nanunuyo," paliwanag ko. Hindi kasi ako naniniwala sa sinasabi niya.

"Hindi rin. Iba pa rin..." May gusto siyang sabihin, pero 'di ko na pinakinggan. Maliligo na kasi ako.

Alas-diyes, nasa biyahe na kami papuntang Cubao, kung saan kami bibili ng tiket ng RORO bus.

Ang ingay ni Jeoffrey. Andaming tanong, andaming sinasabi. Kesyo, natatakot siyang lumubog ang barko. Hindi raw siya masyadong marunong lumangoy. Andami kong tawa. Ang sarap takutin.

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon