Away-Bati

22 3 0
                                    

Nagkatampuhan talaga sina Mommy at Daddy kahapon, pero bago sila natulog ay magkabati na sila. Paano ba namang hindi, e, kinantahan ni Daddy si Mommy. Nagpatulong sa akin. Gitarahan ko raw siya.

"Hay, naku, kung hindi ka lang tinulungan ng anak mo, outside the kulambo ka ngayon!" biro ni Mommy, pero kilig na kilig.

Ganyan talaga marahil ang buhay may-asawa. Away-bati. Minsan nakakatulong naman ang tampuhan. Pinatatatag nito ang samahan o relasyon, pero, siyempre, dapat ay paminsan-minsan lang.

Kami nga ni Dindee, malabo na yatang magkabati. Hindi ko na nga yata kaya siyang suyuin. Andaming beses ko na rin kasing kinain ang pride ko. Tutal hindi naman kami mag-asawa, kaya okay lang na matuldukan na ang relasyon namin. Gayunpaman, umaasa akong isang araw ay mag-sosorry na siya. Ako naman ay mabilis lang lumambot ang puso. Gusto ko lang na siya naman ang humingi ng tawad, lagi na lang kasi ako.

Naniniwala akong magiging masaya ang buhay ko kahit wala siya sa buhay ko, lalo ngayon na buo na ang pamilya ko. Idagdag pa ang bagong level ng edukasyon na kailangan kong pag-igihan.

Wala na nga ang pangarap kong maging pari. Hindi na ito ang gusto ko. Makapagturo na ngayon ang hangad ko, gaya ng aking ina. Kaya nga, bukas, unang araw ng pasukan ay sisimulan kong buoin ang pangarap kong ito.

Bukas, tiyak na marami na naman akong magiging karanasan at kakilala. Sana lang ay maging mapayapa ang buhay ko. Ayaw ko na muling maranasan ang mga sakit, pambubugbog o aksidente. Sana ay puro masasaya at tagumpay ang aking tamuhin.

"Red, excited na ako bukas,"  text ni Riz.

Hindi ko lang siya na-reply-an dahil wala akong load. Ang totoo, pareho kaming excited.

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon