Note

14 2 0
                                    

Note

"Riz, puwede ba kitang mahalin?" Iyan ang sinulat ko sa isang note na inipit ko sa kanyang notebook. Tapos, nag-CR ako. Pagbalik ko, nag-chorus ang mga kaklase namin, sa pangunguna at senyales ni Fatima. Namula ako sa hiya. Naging yelo ang buo kong katawan. Nakatitig sa akin si Riz na tila nagtatanong.

"Ang sweet naman ng loverboy," maarteng lumapit sa akin si Fatima. Inabot niya sa akin ang note ko.

"Paano napunta sa 'yo 'to?!" Pinilit kong maging galit ang aking boses.

"Ewan ko! Tanong mo sa kanila!" sagot niya. Tapos, gumiwang-giwang na naman ang puwet niya pabalik sa kanyang upuan.

Hindi ko maihakbang ang paa ko palapit kay Riz. Hindi na rin ako makatingin sa kanya. Gayunpaman, tahimik akong umupo sa tabi niya pagkatapos ng mahabang pakikipagbaka sa pakiramdam ng hiya at inis.

Nakatingin pa rin sa amin, lalo na sa akin ang mga kaklase naming parang mga asong ulol. Mabuti na lang at pumasok na ang aming professor. Saved by the bell.

Wala kaming imikan ni Riz habang nagle-lesson. Bumulong ako sa kanya ng salitang 'sorry'. Pero, naisip kong para saan? Inabot ko na lang sa kanya ang note.

"Puwede naman. Bakit ginawa mo pa ito?" sagot naman niya sa likod ng note.

Nagpaka-aktibo si Riz sa discussion hanggang hindi na kami nakapag-usap. Pero, after ng period na iyon ay nag-usap kami kung saan hindi kami makikita ng mga kaklase namin sa subject na iyon.

Ipinaliwanag niyang naagaw ni Fatima ang note. Nag-sorry siya sa akin.

"Okay lang. Sorry rin kasi... hindi ko na lang ginawang personal." Napakamot pa ako sa ulo ko, pero, at least, nabawasan na ang hiya ko sa kanya.

"Next time kasi iabot mo na lang sa akin o kaya sabihin na lang."

"Ibig nitong sabihin... may pag-asa ako?" Ngumiti pa ako.

"Hoy! Ang bilis, ha! Halika na nga, mali-late tayo kay Prof. San Miguel." Hinila na niya ako. Sana aware siya sa ginawa niyang iyon. Ang sweet, e.

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon