Self-Help Book

20 2 0
                                    

Self-Help Book

Nakahinga ako nang maluwag kahapon dahil absent si Fatima. Naging malaya kami ni Riz. Hindi ko nga lang alam kung bakit gusto kong i-drop ang subject kung saan kaklase namin siya. Iba ang takbo ng isip niya. Hindi siya normal magkagusto sa isang tao. Player siya. Kaya niyang paglaruan ang mga nasa palibot niya.

Ayaw naman ni Riz na i-drop ang subject. Sayang daw. E, 'di, hindi ko na rin ida-drop. Dapat kasama niya akong palagi.

Kaya nga, kagabi, isinama ko siya sa MusicStram. Ipinagpaalam ko muna siya sa kanyang mga magulang. Malaki raw ang tiwala nila sa akin, kaya pumayag sila agad.

Kinanta ko ang tatlong original compositions ko. Nagustuhan ni Riz lahat. Hindi niya alam na ang una ay ginawa ko para kay Dindee. Nagustuhan din ng ilang customer ang 'Problema Lang 'Yan'. Pero, si Boss Rey, hindi! Pinatawag niya ako kay Jeoffrey. Naiwan si Riz, kausap ni Jeoffrey.

"Epic fail na naman ang performances mo." Ang negative facial expression niya ay sapat na iparamdam niya ang bitterness niya.

Hindi ako kumibo.

"Hindi ka naman sikat na soloista para original composition lahat ang i-perform mo!" dagdag pa niya. "Ano na lang ang sasabihin ng mga parokyano natin? Oo! Magaling ang pagkakanta mo! Ang tanong, may naaliw ba? May naka-relate ba? Puro ka pag-ibig, e! Unahin muna ang trabaho. Negosyo ito, Red!"

Hindi ko napigilan ang sarili ko. "Nagagalit po ba kayo dahil ang mga kinanta ko original o dahil may kasama akong babae?" Tumayo na ako.

"Ano? Walkout mode ka na naman? Ganyan ka naman, e!" Tumayo rin siya at agad na humarang sa daraanan ko.

"Pera lang naman 'yan, Boss! Ayaw ko lang po ng minamaliit ang kakayahan ko. Wala naman sa kontrata na bawal kumanta ng 'di sikat na kanta..." Hinawi ko siya. Nahawakan niya ang braso ko.

Tiningnan ko iyon. Awkward.

Binitawan niya ako. "Ang hirap mong paamuin, Red! Lahat na, ginawa ko..." Nag-iba ang tono ni Boss Rey. "Lahat na lang ng diskarte ginawa ko na." Tapos, bumalik siya sa kanyang swivel habang ako ay 'di natinag sa kinatatayuan ko. "Pati si Jeoffrey, ginamit ko na... Tapos, ganyan lang!" Nagmura siya nang napakalutong.

"Hindi ko naman hiningi ang ganyang mga bagay mula sa inyo! Alam niyo rin po na hindi ako papatol!" May diin sa mga tinuran ko. "Sige po, hihintayin ko na lang na matapos ang kontrata na pinirmahan ko para makahanap na ako ng bagong employer na mas respeto sa empleyado. Goodnight!"

Nang tumalikod ako at aktong iikutin ko na ang door knob, tumama sa likod ko ang self-help book.

Pinulot ko ito. "How to Win a Man's Heart: the Bisexual Tips" ang title. Tiningnan ko siya. Inihulog ang aklat saka ko binuksan ang pinto.

Tahimik kong kinuha ang palad ni Riz at bahagyang hinila palabas ng bar.

"Red, uwi na kayo?" Narinig ko pang tanong ni Jeoffrey, pero wala akong sagot.

Hindi alam ni Riz ang tungkol sa kabaklaan ni Boss Rey. Sabi ko lang sa kanya, na minaliit niya ang mga kanta ko. Naawa siya sa akin. Kahit paano ay naibsan ang sama ng loob ko nang yakapin niya ang tagiliran ko habang naglalakad kami.

fd

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon