Paranoiac

20 2 0
                                    

Paranoiac

Nagparinig si Fatima. May mga kabataan daw ngayon na sira. Saka, hindi raw lahat ng magaslaw ay nagalaw na. Meron ngang mahinhin nga, mahihindutin naman.

Pinalakpakan pa siya ng mga kaklase namin. Ang mga kaibigan niya, tumingin pa kay Riz.

"Ano bang problema mo kay Riz!?" Nasaklot ko ang braso ni Fatima nang mag-dismiss na ng klase ang prof namin. Nasa may pinto pa kami, kaya nagtinginan ang mga kaklase namin. Agad ko siyang binitawan.

"Problema? Malay ko sa inyo! Huwag niyo nga akong idamay... Heller! Paranoiac." Ngumisi muna siya, saka sumenyas sa mga kaibigan, na sila ay umalis na.

Si Riz... nasa upuan pa rin. Nilapitan ko na siya't niyayang magmeryenda.

"Kapag 'di na ako nakapagtimpi... papatulan ko na siya." Noon lamang siya nagsalita simula nang nasa classroom kami.

"Hayaan mong tulungan kita."

"Marumi ba akong babae, Red?" mahinang tanong ni Riz. Nangingilid na ang luha niya.

Tumingin muna ako sa palibot, baka may makarinig. Wala. "Riz, wala silang karapatang husgahan ka. Hindi nila alam."

"Iyon nga, e! Ang sakit, Red." Yumuko na siya. Itinago na niya sa bag ang tira niyang sandwich.

Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya. Kaya nga ayaw ko nang sabihin sa kanya, na si Dindee ang may kasalanan niyon. Kung hindi niya sinabi kay Fatima, disin sana tahimik ang buhay niya.

Grabeng pagsubok ang nararanasan ni Riz. Pati nga si Boss Rey ay nangingialam na rin. Paano ko ba siya matutulungan kung ako nga mismo ang nagiging dahilan ng pinagdadaanan niya?

"Red, pakiusap... lumayo ka muna sa akin."

"Bakit?"

"May gusto sa 'yo si Fatima. Alam mo 'yan. Kanya ka na. Tama na muna. Parang 'di ko na kaya... Please..." Tumayo na siya. Umakma akong tumayo. "Huwag ka na munang sumunod sa akin. Pakiusap..."

Naiwan ako.

Hindi ko gustong lumayo sa kanya. Hindi ko kayang ilapit ang sarili ko kay Fatima para lamang itigil na niya ang panggugulo kay Riz, pero... pag-iisipan ko. 

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon