Na-miss

24 4 0
                                    

"Na-miss kita, Riz," pabulong kong sabi habang nasa library kami.

Mabilis niyang binawi ang tingin. Akala ko, hindi niya narinig, ngunit nang matapos ang klase namin at habang naghihintay kami ng dyip, tinanong niya ako. "Bakit mo ako na-miss?"

Natigalgal ako. Nakalimutan ko na kasi. Masyado nang late ang kanyang sagot, kaya hindi ko na halos maalala kung bakit siya nagtatanong ng ganoon.

"Kanina... Sa library... Sabi mo, na-miss mo ako. Bakit?" Sumilay ang matamis niyang ngiti.

Ginantihan ko siya ng mas matamis na ngiti, pero may kaunting hiya. Hindi ko kasi alam ang sagot. Bakit ko nga ba nasabi iyon?

"Iyan ang epekto ng kawa-wattpad mo. Kung ano-ano na lang ang lumalabas diyan sa bibig mo. Uy, parahin mo na."

Sumakay kami ng dyip na pinara ko, pero hindi kami magkatabi. Magkaharap kami. Hindi tuloy ako makatingin sa kanya.

Tinext niya pa ako pagdating niya sa bahay nila. Huwag daw akong gano'n.

Anong huwag gano'n? Ibig niyang sabihin, ayaw niyang name-miss ko siya? O ayaw niyang ligawan ko siya? Ang labo naman niya. Paano kung name-miss ko nga siya? Paano kung gusto ko siyang ligawan... ulit?

Sana puwede ko naman siyang gitarahan. Haranahan.

Pero, alam ko... sa ngiti pa lang niya kanina, alam kong kinilig siya.

BlurRedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon