ALAS-TRES ng hapon nang may kumatok sa classroom. May sumilip na matangkad na estudyanteng naka-unipormeng puti at khaki sa pang-ibaba. Nakasuot ito ng makapal na salamin. Iyon ang student assistant sa opisina ng Principal.
"Ma'am Rivera, si Janessa De Luna, ipinapatawag po sa Principal's office."
Sabay-sabay na naglingunan ang mga kaklase ni Janessa nang marinig ang sinabi ng nakasilip sa may pintuan.
Agad na napatingala si Janessa mula sa kinauupuang desk sa may tapat ng guro. Dahil isang star student na pinaka-matalino sa buong klase, nagbulungan ang lahat dahil sa biglaang pagpapatawag sa kanya sa opisina ng principal.
Hindi na nagtanong ang titser nila sa Math kung bakit siya ipinapatawag.
"Hija, Nessa, sumama ka muna kay Dindo." Tumango si Janessa at saka marahang tumayo. HIndi siya nagdala ng kahit anong gamit. Nang palabas na siya ay sinabihan siya ni Dindo na bumalik sa loob.
"Nessa, dalhin mo na raw ang mga gamit mo, bilin ni Sir Pilonggo."
Nagtataka man ay tumango si Janessa at saka bumalik sa loob ng classroom. Habang nanonood ang mga kaklase ay inilagay niya lahat ng gamit sa kanyang itim na backpack. Pagkasara niya ng zipper ay isinukbit niya iyon sa kanyang balikat. May kabigatan ang dala niya dahil sa makapal na librong hiniram niya sa library. Sa gulang na katorse, nasa second year high school na si Nessa kaya't maghapon siyang nasa eskwelahan. Bitbit ang bag ay walang imik siyang lumabas ng classroom at sumunod kay Dindo papunta sa opisina ni Sir Pilonggo, ang principal ng Rivierra High School, isang private school kung saan siya nag-aaral simula elementarya.
Nang marating nila ang tapat ng Principal's Office ay hindi pumasok sa loob si Dindo. Ipinagbukas siya nito ng pintuan at saka sinenyasan siyang pumasok sa loob. Nagtaka siya dahil ang kadalasan ay nasa loob din si Dindo tuwing may estudyanteng ipinapatawag ang Principal.
Nakakunot ang noo at magkasalubong ang kilay na pumasok si Janessa sa opisina. Isinara ni Dindo ang pintuan. Paghakbang niya pa lang papasok ng opisina ay tumayo kaagad ang matangkad na gurong nakasalamin. Maputi na ang buhok ni Sir Pilonggo at may kalakihan ang tiyan nitong nakukublihan ng uniporme nitong Grey na Barong.
"Janessa, maupo ka muna, hija. May hinihintay lang tayo na susundo sa 'yo."
Marahan siyang naglakad palapit sa lamesa at naupo sa isang upuan sa tapat noon. Nabasa pa niya ang nameplate sa may gitna ng lamesa, Rodrigo Pilonggo, PhD. Principal. May ilang brown na envelopes at folders din sa ibabaw noon at patung-patong na mga papel.
Hindi alam ni Janessa kung anong nangyayari ngunit lumakas ang pagkabog sa kanyang dibdib nang magpalakad-lakad ang Principal at nahuhuli niyang minsan ay napapatingin ito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon makatingin ang Principal sa kanya. Para itong naiiyak at naaawa kay Janessa. Tumingin siya sa orasan, parating ngayon ang mga magulang niya galing sa biyahe nila sa Cebu. Ang narinig niya sa kanyang Tiyahin na nakatira sa kanilang bahay ay alas-diez raw lalapag ang eroplano. May Business Conference ang kanyang mga magulang sa Cebu. May pagawaan ang pamilya nila ng longganisa at tocino at sa Cebu ginanap ang conference ng mga Pilipinong Negosyante.
Napaisip tuloy si Janessa kung ang mga magulang niya ang dahilan kung bakit siya susunduin sa eskwelahan. Susundo ba siya sa airport kahit na bago mag-lunch pa ang dating nila?
"Sir, bakit po pala ako nandito? Sino po ang hinihintay ko?" Sumagi din sa isip niya na baka pupuntahan siya ng mga magulang at maaga silang uuwi kahit na dapat ay hanggang ala-singko pa siya ng hapon sa eskwela.
"Ang tiyahin mo na lang ang magpapaliwanag sa 'yo, hija." Malungkot ang boses na sagot ng principal.
Napabuntonghininga si Janessa at saka sumandal sa upuan. Dahil nasa likuran pa rin niya ang bag ay hindi siya makaupo ng maayos. Inalis muna niya ito at saka ipinatong sa kabilang silya. Ang Jansport bag na regalo sa kanya noong isang linggo ang pinakapaborito niyang gamit. Tuwing birthday ni Janessa ay lagi siyang pinagbibigyan ng mga magulang kung anong gusto niyang gamit na ipabili. Hindi man sila mayaman, nakakabili siya ng mga bagay na gusto niya tuwing may okasyon lalo na tuwing makakatanggap siya ng medalya at parangal sa eskwela.
"Sir, nandito na po ang hinihintay ninyo." Hindi na kumatok si Dindo, sumilip lang ito sa pintuan para bigyan ng babala si Sir Pilongo.
"Sige, papasukin mo na." Malalim ang buntonghiningang pinawalan ng principal matapos iyon sabihin.
Pagpasok ng taong hinihintay ni Janessa ay hindi niya alam kung anong unang mararamdaman.
"Tita Loleng, bakit po kayo umiiyak?" agad niyang tanong nang makita ang malayong pinsan ng kanyang ina na nakatira sa kanilang bahay.
"Nessa, ang mama at papa mo, patay na. Wala na sila---" Patayo na sana si Janessa ngunit napaupo siya muli nang marinig ang sinabi ng tiyahin. Literal siyang hinugutan ng lakas.
"Hindi! Hindi pwede! Tita, Sir? Hindi po magandang biro 'to!" Nanginginig ang buong katawan niya sa takot. Nauna ang takot. Nang makita niyang napapaluha na rin ang principal at humahagulgol na ang kaniyang Tiyahin ay muli pang nagsalita si Janessa.
"Hindi ako naniniwala. Baka iba ang sinasabi ninyo. Hindi ako iiwanan ng Mama at Papa ko. Hinding-hindi nila 'ko papabayaan mag-isa. Nagkakamali kayo. Hindi sila 'yon. Hindi sila--"
Walang luha ang mga mata. Walang pag-iyak na narinig mula kay Janessa sa lugar na iyon kung saan siya sinundo ng kanyang Tita Loleng para dalhin sa ospital kung nasaan ang kanyang mga magulang. Takot at galit ang nasa puso niya dahil hindi siya naniniwala.
"Hindi ko matatanggap. Buhay ang Mama at Papa ko. Mamaya lang ay uuwi na sila ng bahay."
Marahil ay hindi iyon ang inaasahan na reaksiyon ng Principal at ng kanyang tiyahin. Kahit ipinaliwanag pa kay Janessa ang nangyaring aksidente sa taksi na sinasakyan ng mga magulang noong mahulog ang ito sa railing ng mataas na flyover matapos ang isang banggaan, hindi pa rin siya naniwala. Bago sila paalisin ng eskwelahan ay ipinakausap pa si Janessa sa Guidance Counselor ng paaralan. Sinubukang ipaintindi sa kanya na pwede siyang magpakita ng kahinaan at sakit.
"Hija, sa nangyari sa mga magulang mo, pwede kang umiyak. Huwag mong kimkimin ang sakit sa puso mo, hindi yon makakabuti sa'yo." Mahinahon man ang paliwanag ni Mrs. Espiritu, walang pakialam si Janessa.
"Hindi nga totoo ang sinasabi nila. Hihintayin ko umuwi ang Mama at Papa ko. Baka nasa Cebu pa sila." Kahit anong yaya ng Tiya Loleng niyang magpunta ng ospital para makita ang mga magulang bago ito iembalsamo at dalhin sa Funeraria ay hindi pumayag si Janessa. Ang gusto lang niya ay umuwi ng bahay nila at hintaying umuwi ang Mama at Papa niya.
"The child may be experiencing shock or trauma from hearing what happened. Hindi pa maproseso ng isip niya na posibleng totoong wala na ang mga magulang--- Give her some time to process things and to mourn on her own way," Napairap pa si Janessa nang marinig niya ang paliwanag na ito ng Guidance Counselor sa kanyang Tiyahin at sa Principal.
Paulit-ulit na sinasabi ni Janessa noong hapon na iyon na buhay ang mga magulang. Pilit niyang kinukumbinsi ang mga tao sa paligid niya na iyon ang totoo at sila ang mali. Iyon ay hanggang sa mapagpasiyahan ng mga kaanak ni Janessa na sa bahay na lang iburol ang mga labi ng dalawa para na rin kay Janessa.
Ang sunod na nakita ni Janessa sa bangungot niya ay ang tagpong gusto niyang kalimutan.
BINABASA MO ANG
Revenge of the Villainess
RomanceROMANCE Janessa with her beauty and intelligence lived a happy life until her parents died when she was 14. When her adoptive mother died when she was 17, she knew that she had to turn her life around. With a goal to marry a rich man, she enrolled a...