6-Utang na Loob 2

176 13 5
                                    


NANG lumipat si Janessa sa bahay ng Tita Loleng niya na nag-iisa na lang niyang kamag-anak, namulat siya sa realidad ng buhay. Maaga niyang nalaman ang katotohanan na kapag wala ka ng pakinabang sa iba ay mag-iiba na rin ang trato nila sa'yo. Ang dating mabait na asawa ng kanyang Tita ay nakaismid pa at nakakunot ang noo nang makita siya. Pagpasok pa lang niya ng pintuan ng isang bungalow sa Santa Ana, Maynila ay tanaw na niya ang pagkainis nito. Naabutan nila itong naka-upo sa sala at nanonood ng TV. Tumayo ito na hindi pa rin nawawala ang gusot ng mukha nang lumapit at magmano si Janessa.

Nagpalinga-linga si Janessa at tiningnan muli ang paligid. Mas maliit ang bahay na iyon kumpara sa bahay nila. Dalawang beses pa lamang siyang nakapunta roon pero alam niyang may ekstra silang silid dahil nag-iisa lang ang pinsan niya at tatlo ang kwarto sa bahay na iyon.

"Tara nga muna, mag-usap tayo," pagtawag ni Tito Dindo ni Janessa sa kaniyang tiyahin na agad namang sumunod patungong kusina kung saan nagpunta ang mister.

Nanatili si Janessa sa sala. Nanatili siyang nakatayo kahit na inilapag niya ang duffel bag niyang puno ng gamit sa center table ng sala.

"Bakit dinala mo rito 'yan? Kulang na nga ang sahod ko sa luho niyang anak mo, dinagdagan mo pa ang bubuhayin ko!" Mahina ang boses ni Dindo ngunit rinig iyon ni Janessa mula sa kinaroroonan niya. Pabulong din nang sumagot si Loleng.

"Hoy, Dindo! Baka nalimutan mo, ang kapatid ko ang nagpasok sa'yo diyan sa trabaho mo. Kaibigan niya ang may-ari ng kumpanyang 'yan. Ninong ni Janessa. Ilang buwan kang naghanap ng trabaho walang tumatanggap sa'yo bukod sa mga fast food chain na hindi kailangan na graduate ng kolehiyo! Kaya kahit na wala ka namang natapos ay ipinasok ka kahit na clerk man lang. Gusto mo bang kapag nalaman noon na pinabayaan natin ang bata, pati tayo madamay?"

Hindi maalala ni Janessa kung sinong Ninong ang sinasabi ni Loleng. Naging abala sa negosyo ang mga magulang kaya't hindi na ito nakikipagkita sa mga dating kaibigan.

"Sus, hindi naman na sila close ng kapatid mo bago ito namatay. Alam ko may utang na hindi nabayaran 'yang si Jeric sa mga amo ko kaya sila nagkasirang dalawa. Dalhin mo na lang sa bahay ampunan 'yang bata tutal katorse pa lang naman--" Napatingala si Janessa at napatingin sa kusina kung nasaan ang dalawa nang marinig ang salitang bahay ampunan. Hindi na naituloy ni Dindo ang sasabihin dahil tinakpan ni Loleng ang bibig nito.

"Tumahimik ka nga! Baka marinig ka ni Janessa. Wala siyang ibang mapupuntahan--"

Hindi nakatiis si Janessa. Lumapit siya sa mag-asawa. Nagulat pa ang dalawang nag-uusap sa loob nang makita siya sa may tarangkahan ng kusina.

"Salamat po sa pagpapatuloy ninyo sa akin dito. Sisikapin ko pong hindi maging pabigat. May scholarship naman ho ako. Kung kailangan kong magtrabaho para sa allowance ko gagawin ko po." Napatitig ng ilang segundo ang mag-asawa kay Janessa bago naka-recover si Loleng. Nag-iwas naman ng tingin si Dindo.

"Kita mo na, ikaw kasi!" Paninisi ni Loleng sa asawa na itinulak pa niya bago lumapit kay Janessa. Kapit ang dalawa niyang balikat ay nakangiting nagsalita ang kanyang tiyahin.

"Pasensya ka na hija, 'wag mo na intindihin ang pinag-usapan namin. Halika na sa kwarto mo. Hindi ko pa naayos pero pwede namang tulugan na."

Pagdating ni Janessa sa silid ay pinigilan niyang mapabuntonghininga. One fourth ng kwarto ay puro kahon na mukhang may lamang mga lumang gamit Natatakpan din nito ang bintana ng silid. May nakasupot din na mga damit na para bang dadalhin sa relief center operations na nakapatas sa tabi ng mga karton. Mayroong maliit na kutson sa sulok. Ang kutson ay mukhang nabasa ng tubig at doon na rin natuyo dahil sa malaking mapang kulay brown sa surface nito. Maalikabok din ang kwarto bukod sa maraming agiw sa apat na sulok ng silid. May isang bumbilya sa kisameng may mantsa din ng tubig. Naisip na kaagad ni Janessa ay marahil ay tumutulo sa kwartong iyon kapag umuulan.

Revenge of the VillainessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon