SA fastfood malapit sa eskwelahan nagpunta si Janessa. Bitbit ang isang duffel bag ng natitira niyang gamit at ang school bag niya ay naupo siya sa isa sa mga pwesto roon. May mga estudyante pa sa loob ng restawran at ang usual niyang lamesa at upuan ay hindi bakante kaya't sa isang sulok na lang siya nagtungo.
Inilapag niya ang mga bag sa lamesa at saka napabuntonghininga ng malalim. Gusto niyang maiyak sa galit ngunit hindi niya iyon ginawa. Ang kailangan niya sa mga panahong iyon ay plano. Plano kung paano siya makakahanap ng tutuluyan. School ID lang ang mayroon siya at dahil ninakaw ng pinsan niya ang pera niyang naipon ay hindi na sapat ang panggastos niya. Kung kakalkulahin niya ang pera ay kahit isang beses isang araw lang siya kumain ay pang-pitong araw lang ang dala niya at hindi pa sapat iyon para pambayad ng tutuluyan.
Dahil hindi pa siya kumain maghapon at wala pa siyang tulog ay naisipan niyang bumili ng chicken rice at kanin. Kailangan niya ng lakas para mas makapagisip siya ng gagawin.
Tumayo siya mula sa kinauupuan. Palapit na siya sa counter dala ang dalawang bag niya nang may makabanggan siyang matangkad na tao.
"Sorry."
Pagharap ni Janessa ay agad siyang nginitian ng lalaki. Si Daryl pala ang nakabangga sa kanya. Nakacasual na suot na ito, maong na pantalon at polo shirt na itim. Mukhang bago rin ang suot nitong rubbershoes. May hawak itong tray na may two piece chicken at isang malaking burger. Mabuti na lang at wala itong softdrinks kung hindi ay baka natapon na ito sa banggaan nila.
"O, Nessa, ikaw pala 'yan. Kakain ka ba? Sakto mag-isa lang ako. Teka, libre na lang kita. Ito bitibin mo na lang ito sa lamesa. Ano bang order mo?"
Dahil kapos siya sa pera, hindi na siya tumanggi pa sa alok ni Daryl.
"Kagaya na lang ng sa'yo," nakangiti niyang sagot.
"Sige." Tumalikod na ito pagkaabot sa kanya ng tray.
Sa pinanggalinang lamesa nagtungo si Janessa. Iniayos niya ang pagkain ni Daryl at saka inilapag muli ang mga bag sa isa sa apat na upuan sa lamesang iyon.
Ilang minuto pa ay naroon na muli ang kaklase dala ang pagkaing inorder para kay Janessa. This time ay may dalawang large coke pa itong kasama na mayroon ng nakalagay na plastic na straw. Sa upuan sa harapan niya naupo si Daryl.
"Thank you sa libre. Bawi ako sa susunod."
"Wala 'yon. Ano ka ba? Tara, kain na," sabi nito habang inilalagay naman ang pagkain sa harapan ni Janessa, "magkikita kami ni Feliz pagkatapos ng Volleyball practice niya kaso nagugutom na 'ko. Babalik na lang ako sa school pagkakain."
Tumango si Janessa at nagsimula nang kumain. Maya-maya pa ay ubos na ng kaharap ang pagkain nito at umiinom na ng softdrinks.
"Ang bilis mo naman. Nagmamadali ka ba?" tanong niya sa kasama na umiling naman bilang sagot. Napansin niyang nakatingin si Daryl sa duffel bag ni Janessa.
"Naglayas ka ba? Bakit ang laki ng bag mo?" Nakakunot ang noo nitong tanong.
"Ha? Hindi--" magsisinungaling pa sana siya ngunit naisipan niyang mas mabuting may mapagsabihan siya na baka makatulong.
"Ang totoo niyan, pinalayas kasi ako ng Tita ko sa bahay nila. Mahabang istorya pero 'yon na ang summary," sagot niya na may pilit na ngiti. Hindi naman nawala ang pagkunot ng noo ng lalaking kaharap.
"Wala kang tutuluyan ngayon?"
Umiling si Janessa at napabuntonghininga. Mahirap magpakita ng kahinaan sa iba pero sa pagkakataong iyon wala siyang ibang maisagot kung hindi ang katotohanan.
BINABASA MO ANG
Revenge of the Villainess
RomansaROMANCE Janessa with her beauty and intelligence lived a happy life until her parents died when she was 14. When her adoptive mother died when she was 17, she knew that she had to turn her life around. With a goal to marry a rich man, she enrolled a...