11-Nightmare 4

134 12 3
                                    



PAGPASOK ni Janessa ng bahay ay isang malakas na sampal ang sumalubong sa kanya. Napaatras siya hindi dahil sa lakas ng sampal nito kung hindi dahil sa nakita sa loob ng bahay. Kabaliktaran ng lagay noong nakaaraang gabi, nagliliwanag ang buong sala ng bahay.

"Ang kapal ng mukha mong bumalik pa rito matapos ang ginawa mo sa mukha ko!" nanggagalaiting sigaw ni Jen.

Hindi alam ni Janessa kung saan siya mas mabibigla. Sa namamaga at may sugat na mukha ni Jen o sa puting kabaong na nakahimlay sa loob ng bahay na iyon. Luminga-linga siya sa paligid at nakita ang pangalan ng Tiyuhin niya sa isa sa mga bulaklak na galing sa Funeral Service.

"Tita Loleng?" Hindi pinansin ni Janessa ang pinsan na nagmumura pa rin tungkol sa bangas niya sa mukha sa kabila ng paghagulgol ng ina nito sa tabi ng ataul ng kanyang ama.

Hindi siya pinansin ng Tiyahin. Ang pinsan naman niya ay hinila ang buhok niya at halos iuntog siya sa dingding. Walang ibang tao sa bahay na iyon kung hindi sila lang. Walang mga taong nakikiramay at walang ibang bisita.

"Lumayas ka na rito! Dahil sa 'yo namatay ang Tatay ko! Malas ka! Isa kang salot! Lahat na lang ng tao sa paligid mo namamatay! Hindi ba salot ang tawag sa ganyan!? Lumayas ka na bago pa pati kami ng Nanay ko mamatay ng dahil sa 'yo!"

Hindi makapaniwala si Janessa na patay na ang asawa ng Tiyahin niya. Mas hindi siya makapaniwala na sa kaniya isinisisi ang pagkamatay nito gayong wala naman siyang kinalaman dito. Ni hindi nga niya alam na may sakit pala iyon o naospital.

"Umalis ka na! Ngayon na! Laayaaas!" Namumula ang mukhang sigaw ng pinsan sa kanya.

"Tita Loleng, nakikiramay po ako," mahina niyang sabi. Hindi ulit siya pinansin ng kausap. Kabaliktaran naman ito ng anak na walang habas siyang sinasaktan at sinisigawan.

"'Wag mong kausapin ang nanay ko! Umalis ka na rito! Dalian mo na!" gigil na sabi ni Jen habang walang tigil ang paghampas sa likod ni Janessa.

Alam niyang kahit anong paliwanag niya ay hindi siya papakinggan. Pinilit niyang makapasok ng bahay. Sinusubukang ilagan ang pananakit ng pinsan para mapuntahan ang kwarto kung saan naroon ang iba niyang pag-aari. Pagpasok niya ng silid ay gulo-gulo ang mga gamit niya. Noon lang tumigil si Jen ng pagsugod sa kanya at akmang aalis. Agad na hinila ni Janessa ang buhok ng pinsan papasok ng kwarto at inilock ang pintuan ng kwarto. Sinipa niya ang monoblock chair sa loob para haranangan ang pinto. Alam niyang mahihirapan buksan ni Jen ang pintuan kung nakaharang iyon dahi masikip lang ang silid at maraming mga kahon. Pagkatapos ay pinuntahan niya ang nakakalat na unan kung saan nakatago sa loob noon ang alahas ng mga magulang at ang perang naipon niya. Kinapa niya ang loob ngunit wala siyang nakuha. Nakapardible doon ang lagayan niyang pula.

"Ninakaw mo ang pera at alahas ko?!" pagsigaw ni Janessa nang lumingon siya sa pinsan na nakapameywang sa may pintuan.

"Kinuha ko lang ang renta mo sa isang taon mong pagtira dito! Pinambayad ko ng kuryente saka ng funeral service! O bakit? Mali ba 'ko!?" Mas matinis ang boses na sigaw ni Jen na inaalis na ang silya at gusto nang lumabas ng kwartong iyon.

"Sa akin 'yon! Anong renta ang pinagsasabi mo?! Kinuha ninyo ang insurance premium na para sa'kin! Hindi ako nagsalita. Tapos pati ang inipon kong pera kinuha mo pa!? Pati alahas ng Mama at Papa ko!? Nanginginig ang katawan ni Janessa sa galit.

"Anong insurance ang pinagsasabi mo?!" Kahit pasigaw ang sagot ni Jen ay alam ni Janessa na natatakot na ito.

"Akala mo hindi ko alam? Akala ninyo hindi ko malalaman?! Nakita ko ang kaibigan nila Papa na kinuhanan nila ng insurance! May isang milyon dapat na mapupunta sa 'kin para sa pag-aaral ko pero hindi ko naman nakuha dahil sa nanay mo na executor ng proceeds!" Nakakapit ng mahigpit si Janessa sa unang hawak na para bang iniimagine na leeg ni Jen ang mahigpit niyang kapit.

"Hoy! Makabintang ka! Ngayon ka pa nagbintang may patay kami dito sa bahay! Gumalang ka naman, Janessa!" Nabuksan na ni Jen ang pintuan at unti-unti nang umaatras palayo sa kanya. Inihagis ni Janessa ang unan papunta kay Jen at saka dinampot ang duffel bag niya at isa-isang inilalagay ang mga nakakalat na gamit niya at damit. Mukhang napaginteresan din ni Jen ang ilang pantalon at t-shirt niya dahil kakaunti na lang ang nakuha niya sa sahig at sa maliit na kahon na lalagyan niya ng mga malinis na damit.

Nang matapos siyang magempake ng mga gamit niya ay saka siya muling lumabas at hinarap ang pinsang nakapameywang pa rin sa may pintuan ng bahay. Nadaanan niya ang Tita Loleng niyang tahimik na nakayuko sa tabi ng labi ng asawa. Hindi na naman siya pinansin nito.

Napalitan ng galit ang awang nararamdaman niya noong una niyang nakita ang Tiyahing umiiyak. Galit na kahit sa huling pagkakataon ay tinalikuran na naman siya nito. Tuwing sasaktan siya ng pinsan ay tumatalikod lang ito at hinahayaan sila. Tuwing sisigawan si Janessa ng tiyuhin dahil sa paggamit niya ng tubig sa paliligo at paglalaba ay tahimik lang din si Loleng. Simula nang tumuntong siya sa bahay na iyon halos isang taon na ang nakalipas ay dalawang beses pa lang siya nakikain at hindi na niya iyon inulit. Sa mga karinderya, convenience store at fast food chain siya kumakain kahit weekend. Paminsan ay tinapay lang at tubig kung wala pa siyang pera.

"Gumalang? Sino ba itong nagmumura pagpasok ko pa lang ng bahay kahit may nakahimlay dito sa sala? Gumalang? Sino ang nagnakaw ng pera ko, ng gamit ko?! Hindi ka pa nakuntento na sinasaktan mo 'ko?! Gusto mo pa magbayad ako ng renta!? Kada pasa at sabunot mo sa ulo ko, hindi ba sapat na bayad na 'yon sa araw-araw na paguwi ko sa impyernong bahay ninyo?! Renta? Nakikitulog lang ako, oo pero hindi nyo ko pinakain dito at bayad na bayad na ang bawat patak ng tubig na ginagamit ko sa paliligo, paglalaba ng damit ko, kuryenteng ginagamit ko sa ilang oras kong pagtulog sa malamok na kwarto ng isang milyong piso na ninakaw ng mga magulang mo mula sa'kin!"

"Janessa! Mahiya ka naman kay Nanay at sa labi ng Tatay!" Hindi pa rin tumigil sa kakapalan ng mukha niya si Jen kahit nasusukol na ito.

"Oo, sige mahihiya na 'ko kaya aalis na 'ko," patungo na siya ng pintuan kung saan nakaharang pa rin si Jen.

"Nay! Aalis na si Janessa! Pigilan mo! Sino na lang uutusan kong maghugas ng plato at maglaba ng damit ko!?" Nagpapapadyak pa si Jen at nagmamaktol na sinisigawan ang nanay. Parang props lang ang kabaong sa sala dahil sa inaasal ng anak ng namatay.

Nang magsalita si Loleng ay saka lang huminto sa paglalakad si Janessa.

"Pabayaan mo siya. Sige. Umalis ka na. Pinuputol ko na ang kahit anong kaugnayan natin."

Nilingon niya si Loleng na hindi pa rin inangat ang ulo para tingnan siya. Para itong estatwang walang emosyon kapag tungkol kay Janessa.

Walang kibo na siyang lumabas ng bahay. Sinubukan pa siyang hilahin ni Jen ngunit pinalis niya ang kamay nito.

"Nay! Sigurado ka ba?!"

Kahit ilang bahay na ang layo niya mula sa bahay ng Tiya ay tila naririnig pa rin niya ang boses ng pinsan niyang nagsisigaw na parang batang inagawan ng kendi. Sa bawat hakbang ni Janessa palayo ng lugar na iyon ay ang paggaan ng pakiramdam niya. Alam niyang panandalian lang ang pakiramdam na iyon dahil sa walang kasiguruhang landas na tatahakin niya ngunit pinangako niya sa sarili na kakayanin niya.

"Nessa, ikaw lang ang maaasahan mo. Walang iba. Sarili mo lang. Huwag na huwag mo iyong kakalimutan." 

Revenge of the VillainessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon