Chapter 24

55.5K 3K 1K
                                    

NAKAYAKAP PA RIN SI ASHER SA AKIN.


Parang sawa na nakalingkis sa bewang ko habang matalim ang mga mata kay Rio. Pero lumalambing at umaamo ulit ang kislap ng mga mata kapag muling tumitingin sa akin.


"Alis na, Rio," utos ko sa lalaking pabangon na mula sa pagkakalugmok sa sahig. Gusto ko na magsilbing aral dito ang nangyari.


Duguan pa ang bibig ni Rio nang pagewang na tumayo. Ang mga mata ay puno ng pait habang nakatingin sa amin ni Asher. Lumabas ito ng aking kuwarto na hindi ko inaalala kung magsusumbong ito. Kilala ko ito. He would never do that.


Nang kami na lang ni Asher ay hinaplos ko ang kanyang ulo. "Good job." Nakangiti naman siya sa akin.


Gusto ko sana siyang pagalitan dahil nasobrahan ang ginawa niya kay Rio, pero hindi na lang. Huminto naman din siya agad nang pahintuin ko siya.


Humiwalay na ako sa kanya dahil kailangan kong punasan ng wipes ang dugo na nasa sahig. Galing iyon kay Rio nang mapadura ito ng dugo kanina matapos niyang sapakin. Habang nagpupunas ako sa sahig ay gumagala naman ang mga mata ni Asher sa kuwarto ko. Nang aking tingalain siya ay kitang-kita ko ang pagka-amaze sa inosenteng mukha niya.


"Wow, Lai, ito pala ang kuwarto mo!" bulalas niya na sa amazement, e akala mo namang napakalaki ng kuwarto ko.


Kumpara sa kuwarto niya, mas maliit pa nga ang kuwarto ko. Pero hangang-hanga na siya. Akala mo ay nasa museum siya dahil ingat na ingat pa siyang makatabig ng kahit ano.


"Wow, Lai, may relo ka sa pader o! Wow, may electricfan ka! Wow, Lai, may aircon ka rin! Wow, Lai, may basurahan ka rito sa gilid! Wow, Lai, meron ka ring cabinet!"


Seryoso talaga ang amazement ni Asher. Hindi pakita lang o gawa-gawa. Ganoon siya ka-transparent. Napahilamos pa siya sa kanyang mukha gamit ang malalaking palad na animo di pa rin makapaniwala.


"Dito ka natutulog at gumigising! Wow!" Sumunod siyang tiningnan ang kama ko. "Lai, kama mo ito, di ba? Dito ka humihiga! Tapos ito iyong unan mo! Ito iyong kumot mo pag nilalamig ka!"


Pati lights ko ay napansin niya. Bakit daw may Christmas lights ako kahit hindi Pasko. Magpapabili rin daw siya ng ganoon sa kanyang nanay para sa kuwarto niya.


Nang mag-ikot ulit siya ng paningin ay napatuon siya sa pader ko na may nakatakip na kurtina. "Bakit may kurtina ka sa pader? Uso ba iyan? Maglalagay rin ako sa kuwarto ko ng ganyan!"


"Ah, Asher, sandali—" Hindi ko na siya nahabol. Nahawi niya na ang kurtina sa aking pader!


Natigagal siya nang lumantad sa kanyang paningin ang mga nasa pader. Nahinto siya sa pagsasalita habang nakaharap sa mga photos na nakadikit doon. Mga photos na karamihan ay stolen niya mula pa noon!


Nanigas naman ako sa aking pagkakatayo. Bumaha ang takot sa dibdib ko. Nakita na ni Asher ang hindi niya dapat makita. Ano ang iisipin niya sa akin ngayon? Would he think of me as a creep?! Would he hate me for it?!

South Boys #5: Crazy StrangerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon