SURE.
Ang mga labi niya ay nakangiti, pero ang mga mata ay bagama't may kakaibang kislap na, ay nananatiling seryoso. Hindi ko na kayang salubungin ang tingin niyang nakakapaso kaya aking ibinaling na sa iba ang mga mata ko. "A-ano, tara na?"
"Lead the way."
Nauna na akong umakyat sa hagdan. Hindi ko magawang lumingon dahil sa lakas ng kabog ng aking dibdib, pero ramdam ko na nakasunod siya. Nang nasa tapat na ako ng pinto ng aking kuwarto ay doon ko siya nilingon. Nasa kalahati siya ng hagdan, nakapamulsa sa suot na jogger pants. Dahil walang ilaw sa gawing ito ay hindi ko mabanaag ang kanyang ekspresyon.
Hinarap ko na ang pinto at hinawakan ang doorknob. Bubuksan ko na iyon nang maalala kung ano ang itsura sa loob. Kung ang kuwarto ni Mama ay kahit paano'y nabilhan ko ng bedside table at double size bed frame, ang kuwarto ko naman ay nasa sahig pa rin ang foam. Walang ibang gamit maliban sa maliit na cabinet, lumang wall clock, at isang lumang desk fan na nasa sahig. Ang kuwarto ko lang din ang tanging parte ng bahay na hindi pa nare-retouch ng pintura.
Gusto kong pagsisihan ang pagyayaya kay Asher, nang may humawak sa kamay ko na nakahawak sa doorknob. Napaigtad ako at napatingala sa lalaking hindi ko namalayang nasa aking tabi na pala.
"Gusto mo bang may makakita pa?" tanong niya sa mahina at maaligasgas na boses, ang mainit at amoy mint niyang hininga ay tila kuryente na tumulay sa gilid ng aking leeg.
Nanigas ang katawan ko at hindi ako agad nakasagot. Narinig ko ang mahing pag-tsk niya. Siya ang pumihit sa doorknob habang ang kamay ko ay nasa ilalim ng mainit at malaking palad niya.
Pagbukas ng pinto ay siya na rin ang unang pumasok. Dahil para akong tuod sa bukana ng pinto ay siya na rin ang nagbukas ng ilaw. Nang bumaha ang liwanag sa paligid ay bumaha rin ang aking panliliit. Hindi lang basta masasabi na simple ang kuwarto ko, dahil ang itsura nito ay papasa nang isang bodega dahil sa kakaunting gamit, malabong dilaw na ilaw, at tuklap-tuklap na pintura. Ang bintana ay may kurtina nga pero halatang luma na.
Bumibili-bili naman ako ng mga gamit, pero hindi nga lang ang aking kuwarto ang inuuna ko, kundi ang kuwarto ni Mama at mga importanteng gamit dito sa bahay. Bukod sa okay naman na sa akin ang kuwarto ko, naka-budget na ang gastusin, at mas gusto kong ipunin na lang ang extrang pera.
Pero ibang usapan ang higaan ko. Walang maipipintas sa aking foam, unan, at mattress. Kahit simple lang ang design ay laging bagong laba ang mga ito, hindi mumurahin, at lahat ay sa mall ko binili. Dito ko hindi tinipid ang sarili. Pagod ako sa trabaho maghapon kaya gusto ko na komportable ang aking tulog sa gabi. Iyon lang ang pinaka-reward ko sa sarili at investment na rin sa aking kalusugan, ang masarap na pahinga.
Si Asher naman ay tahimik lang habang nagmamasid sa maliit kong kuwarto. Nang humarap siya sa akin ay wala naman siyang reaksyon. He was not judging me, and I appreciated that.
Isinara ko na ang pinto. Ini-lock. Hindi naman na kami mga bata para magkapaan pa kami kung ano ang gagawin namin dito. Nauna ako, sumunod siya. Pareho naming gusto.
Sumulyap ako sa oras. Umaandar ang bawat sandali. Mamaya lang ay magigising na si Mama. Yumukod ako upang buksan ang electricfan. Itinodo ko iyon sa number 3 at pinaikot. Nagkaroon ng background music. Parang elisi na anumang oras ay liliparin kami. Pero at least, malamig ang paligid.
Bumaling na ulit ako kay Asher na ngayon ay nakatingin sa aking single foam. Hindi naman siya kakikitaan ng disgusto o kahit gulat. Wala pa rin. Wala lang. Ibig sabihin ay ayos lang.
BINABASA MO ANG
South Boys #5: Crazy Stranger
RomanceAs far as she remembers, she's the obsessed one. Laila does some crazy things while secretly fangirling over the campus semi-cal cutie, Asher James Prudente, and that includes hardcore stalking. So how does Asher, who's totally not interested in a w...