Chapter 42

67.1K 4.4K 2.4K
                                    

PANGALAWANG BUHAY.


Sa pagkakaalam ko ay hindi man ako masamang tao ay hindi rin naman ako ubod ng buti. Hindi ko rin masasabing sakto lang. Pero sa pagkakataong ito, sinusubukan ko. Kasi kailangan kong maging magandang halimbawa. At bilang pasasalamat na rin. I knew that didn't deserve this life, but still the heavens granted me this precious second chance.


I MISS YOU.


Iyon ang note na nasa loob ng balik-bayan box. Bukod sa mga imported na sabon, lotion, chocolate, ay may mga damit din na kasama. Meron ding mga libro. Nauna pa ang kahon na ito na dumating dito kaysa sa akin. Nakikinita ko na ang nakangising mga labi ng sender nito.


Gusto talagang i-spoil kami. Kakapadala lang noong nakaraang buwan sa apartment ko sa Manila, may padala na naman ngayon na naka-address dito sa Cavite. Dinampot ko ang damit na halos puro kulay yellow lahat. Doon ako napangiti. Pero agad ding nabura ang aking ngiti nang mapatingin ulit sa mga chocolate. Kailangang maitago ko agad ang mga ito.


Hinila ko na ang kahon at inisa-isa ang mga laman paakyat sa itaas. Sinunod ko ang mga maleta na dinala sa kuwarto. Pagod na pagod at gutom na gutom ang pakiramdam ko. Hapon na pero ang huling kain ko pa ay kanina pa palang umaga. Gusto ko kasi na makatapos bago gumabi.


I looked at the time on my phone. 4:00 p.m. na pala. Kailangan ko nang magmadali. Hindi na ako makakakilos mamaya pagdating nila. Pinagsasalpak ko muna ang mga maleta sa isang sulok. Sa gabi ko na ililipat ang mga damit. Ang mga kahon naman na may lamang mga libro ay akin munang itinabi sa taas ng cabinet. Pagkatapos ay nag-mop ako ng sahig sa kuwarto at nilatag ang malapad na foam doon, para mamayang gabi ay hihiga na lang kami.


Bumaba ako sa sala. Sumubo muna ako ng tinapay na binili ko sa bakery sa katapat na subdivision ng Grand Riverside. Habang ngumunguya ay nagsaing na ako. Nakalimang tinapay ako. Ganoon talaga, lumakas ng kumain, e.


Wala naman naman na akong pakialam sa itsura ko. Pumayat man o maging chubby, ang importante ay healthy. Gusto ko na maging healthy dahil gusto ko pang mabuhay pa nang mas matagal. Gusto kong palaging malakas para makapagtrabaho at makapag-ipon ng pera. At higit sa lahat, hindi kasi ako maaaring magkasakit.


Pagkaubos sa tinapay ay nagwalis-walis ako at nagpunas-punas ng mga gamit para bawas kalat at alikabok. Nang makatapos ay mabilisan akong naligo. Nagsusuklay na ako ng buhok nang may kumatok. Nakaramdam ako ng pananabik. Nakabalik na ba sila?


Pagbukas ko ng pinto ay hindi sina Tita Judy ang nasa labas, kundi isang maputing babae na pustoryosa, nakakwintas ng gold, at banat na banat ang matapang na mukha. "Laila, nandito ka na pala."


Basta na lang itong pumasok kahit hindi ko pinapapasok. Dere-deretso sa loob habang binibistahan ang bawat kanto ng bahay. Sagad-sagaran naman ang pagtitimpi ko.


"Basta ka na lang umalis pagkalibing ni Madi. Pagpunta namin dito ay wala ka na at for rent na naman itong bahay." Hinarap ako nito. "Hindi naman makapal ang mukha mo, ano?"


"Medyo lang ho."


Lalong sumimangot ito at pinamulahan ng mukha. "Napakabastos mo! Lumabas na talaga mga tunay na kulay niyong mag-ina mula nang mamatay ang kapatid ko! Nasaan ang titulo nitong bahay? Di ba dapat ay isauli mo ito sa amin na mga tunay na kaanak ni Gil?!"


Nagtutule ako kahit hindi naman makati ang aking tainga.


"Namatay ang kapatid ko sa ibang bansa, pagdating ng katawan niya sa Pilipinas ay hindi man lang kayo nagpakitang mag-ina! Pero noong na-automatic fully paid itong bahay, saka niyo biglang inangkin! Ang kakapal niyo! Lalo ka na, Laila! Kung tutuusin ay wala kang karapatan! Hindi ka namin tunay na kamaganak dahil ampon ka lang!"


South Boys #5: Crazy StrangerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon