"Welcome home!" Nagulat kami sa biglaang pagsulpot ng mga tao sa bahay namin. So naghanda sila ng isang welcome party para sa amin. Sinilip ko si Andrei at mukhang nagulat din siya kasalukuyan siyang buhat ni Vinz.
Agad na lumapit si mama at papa kay Andrei at binuhat nito. Mukhang miss na miss nila ito kaya di ko na pinigilan. Si Vinz naman ay agad na nilapitan ang ibang bisita habang ako ay nag-check ng phone dahil nag-promise ako kay Ayi na babalitaan ko siya pag nakauwi na kami.
Nang makapagusap na kami ay plinano na namin ang get together ng barkada. Hindi naman nawala ang communication namin sa kanila dahil si Vinz ay madalas noon umuwi ng Pinas dahil sa trabaho. Kaya pag uwi niya ayun binabalitaan niya ako, minsan naman ay nagkakavideo chat kami ni Ayi. Nagset pa nga sila ng araw na sama sama sila sa isang lugar sa tuwing nagvi-video call ako para magkamustahan.
Ngayon na lang ako umuwi ulit dito dahil na rin sa request ni Andrei. Madalas akong ayain ni Vinz na umuwi pero never akong sumama dahil busy talaga ako sa trabaho noon. Mahirap talagang makipagsabayan sa industriyang tinahak ko kaya kailangan kong magsakripisyo. Dumating pa sa buhay namin si Andrei kaya mas nahati pa ang oras ko.
Kung tutuusin mas busy sa akin si Vinz, hindi niya araw araw naaalagaan si Andrei kaya madalas miss na miss siya ng bata. Kaya siguro panay ang bili niya ng mga laruan dito para makabawi. Ang mga magulang naman ni Vinz ay masyado ng matanda para mag alaga pa ng apo. Madalas silang dumalaw pero hindi na din sila ganun kalakas para bantayan ito. Lalo na ngayon na sobrang likot ni Andrei. Si Ate Unica naman ay abala na rin sa sarili niyang pamilya. Tapos nag migrate pa sila sa Australia kaya hindi din namin pwedeng hingan ng pabor sa pagbabantay kay Andrei.
Akala ko pa nga nung una ay walang kapatid si Vinz dahil hindi naman niya ito nababanggit. A month after nung graduation namin ay tinawagan niya ako para ipakilala si ate. Akala ko pa nga noong una ay girlfriend niya dahil hindi halatang magkapatid sila.
"You okay babe?" Tumango lang ako. Nakisalamuha na rin ako sa mga bisita. Nandoon ang mga pinsan ko sa both sides. Nagkamustahan at ng medyo maggagabi na ay nagpaalam na silang umuwi.
"Nakausap ko na si Ayi." Pag-open ko ng topic habang nagaayos kami ng mga gamit. Dito muna kami mag-i-stay ni Andrei pero si Vinz ay aalis din maya maya dahil kailangan niyang asikasuhin ang trabaho niya. May branch na rin kasi ang company nila dito sa Pinas kaya balak niyang doon muna pumasok habang nandito siya.
"Ano sabi?" Tinutulungan niya akong ilagay ang mga gamit namin ni Andrei sa cabinet.
"This Sunday daw available ang lahat." Tumango ito. Umupo siya sa tabi ko. Sandali niya akong tinignan at binawi na rin ulit. Huminga siya ng malalim at humiga sa kama. Tinignan ko siya ngunit sa malayo pa rin siya nakatingin.
"Ready ka na ba?" Matagal na akong nakapagpatawad. Masaya naman na ako sa buhay ko. Nandito si mama at papa, si Vinz, pati na si Andrei. Siguro naman oras na para magkaharap kami.
Tumango na lang ako. Bumangon siya at niyakap ako, niyakap ko rin naman siya ng mahigpit. Ito talaga ang ipinagpapasalamat ko. May maaasahan ako matapos ng nangyari sa akin. Inayos na lang muli namin ang mga gamit. Hindi na namin ito napagusapan pa ulit. Nang matapos ang pagaayos ay naging abala naman siya sa telepono. Palaging may tumatawag sa kaniya mula sa opisina.
"Baba lang ako." Paalam ko sa kanya at tumango lang ito. Nakita ko si Andrei na kumakain. Kasama niya sila mama at papa na tuwang tuwa habang pinagmamasdan si Andrei na kumain. Sumali na rin ako sa usapan nila mama at papa sa kusina. Si Andrei naman ay abala pa rin sa pagkain.
"Andrei say masarap." Sabi ni papa. Si Andrei naman ay sinusunod ito. Natatawa naman kami sa tuwing nagtatagalog ito dahil sobrang cute niya. Marunong naman siyang magtagalog pero hindi pa rin maikakaila na laking ibang bansa ito dahil sa accent niya.
"Tito, tita, I have to go." Bungad sa amin ni Vinz. Tumango sila mama at papa para asikasuhin si Vinz. Binuhat ko naman si Andrei at inilapit ito kay Vinz. Hinalikan niya ang anak niya na tila mamimiss niya ito ng sobra. Kita ko sa mga mata nito ang guilt dahil sa kailangan niya pa ring magtrabaho dito. Nagpabuhat si Andrei kay Vinz.
"Where are you going daddy?" Tanong ni Andrei sa tatay niya.
"Daddy's going to work." Hinalikan niya ito at niyakap.
"Kailangan ko ba talagang pumasok? Parang ayaw ka ng bitawan ng anak mo o." Tanong ni mama. Hindi naman kasi pwedeng hindi magtrabaho si Vinz. Siya na lang ang nagpapatakbo ng company nila since si tito ay nagretire na din gaya ni papa.
Tumango lang si Vinz at pinaulanan na naman ng halik si Andrei. Nang aalis na siya ay ibinigay niya na sa akin si Andrei.
"Behave ka dito Andrei. Don't be makulit to your lolo and lola. Always follow your Mama Shaira, okay?"
"Yes daddy."
"I'll be back tomorrow, what pasalubong do you want?" Nagisip naman si Andrei kung ano ang gusto niyang pasalubong. Pipigilan ko na sana kaso ay alam ko naman na talagang spoiled itong si Andrei sa daddy niya.
"I just want you to go home early daddy. Lets go out and play." Vinz patted Andrei's head. We really raised him well. Nagmano na si Vinz kela mama habang hinalikan at niyakap naman niya kami ni Andrei.
Kumaway siya habang nakasakay sa loob ng sasakyan at ng makaalis na ay pumasok na kami sa bahay. Iniupo ko si Andrei sa high chair para ipagpatuloy ang pagkain. Sila mama at papa naman ay bumalik na rin sa pwesto nila kanina.
"Sobrang busy ni Vinz." Saad ni mama.
"Oo nga po. Minsan nga po nag-aalala na ako dun e. Baka sobrang pinapagod ang sarili." Totoo naman iyon. Kung tutuusin hindi naman niya kailangan pang magpakasubsob sa trabaho. Siya lang ang may gusto na lahat ng bagay kailangan muna dumaan sa kanya. Masyado kasi siyang perfectionist pagdating sa trabaho.
"Nakikita ko sa batang yon na malayo pa ang mararating. Sobrang sipag na nga sobrang mapagmahal pa. Tignan mo nga itong si Andrei sobrang gwapo! Manang mana sa lolo." Nagtawanan naman kami sa sinabi ni papa dahil sa sobrang labo.
"Hay nako, wag kang masyadong bilib sa sarili mo. Tignan mo ngang kahulmang kahulma ni Vinz. Wala akong makitang parte ng mukha niya na namana sa nanay niya." Tumawa na lang kami.
"Meron naman siguro mama. Hindi lang siguro natin halata." Usal ko. Nagkwentuhan lang kami ng nagkwentuhan hanggang sa makaramdam na ng antok. Si Andrei ay nakatulog na sa kwarto habang ako naman ay pinagmamasdan lamang siya hanggang sa makatulog na rin.