Dumeretso ako sa kusina habang pinaupo ko naman si Charles sa may sofa. Nagtimpla ako ng juice pero di pa rin mawala sa isip ko ang muntik ng mangyari sa amin kanina. Nararamdaman kong pinagmamasdan niya ako. Naiilang tuloy ako dahil hindi ako makakilos ng normal kapag nakatingin siya sa akin.
"Ang laki din nitong room mo." Sabi niya habang nililibot ang paningin aa buong kwarto. Inilapag ko ang pitsel ng juice sa lamesa sa harap niya at sinalinan ang baso niya. Umupo ako sa tapat niya at pinagmasdan lang siya habang abala sa kakalibot ng tingin.
"Ayoko nga sanang tumuloy dito kaso sayang naman. Napakatahimik tapos mag-isa pa ako." Inilipat niya na ang tingin niya sa akin. Kinuha niya ang baso ng juice at uminom dito. Pagkababa niya sa baso niya ay ako naman ang uminom.
"Gusto mo samahan kita?" Nabulunan ako sa sinabi niya. Nanlaki naman ang mata niya at tarantang lumapit sa akin. Kumuha siya ng tissue sa may kusina at ibinigay sa akin. Tinapik tapik niya pa ang likod ko para mahimasmasan ako.
"Sorry, nagbibiro lang naman ako." Halata sa boses niya na nag-alala siya. Pinunasan ko ang ilong ko dahil pakiramdam ko sinipon ako sa nangyari. Tumayo na ulit siya at bumalik sa pwesto niya. Ako naman ay umayos na ng upo.
"Hindi ka ba nagugutom?" Tanong ko dito.
"Parang gutom na nga ata ako." Nakangiti niyang sabi habang nakahawak sa tiyan niya. Tumayo naman ako para ipaghanda siya ng pagkain.
"Nuod ka muna." Bumalik ako sa sala para sana buksan ang TV.
"Wag na. Tutulungan na lang kitang magluto." Hinatak niya na ako papunta sa kusina. Natawa naman ako dahil pursigido nga siyang tumulong. Wala naman akong gaanong pagkain dito dahil panay take-outs lang ang kinakain ko.
Ininit ko lang yung pasta na hindi ko nakain tapos ay nagprito lang ako ng hotdog at itlog.
"Sorry, ito lang ang meron dito." Pagpapaliwanag ko. Natawa naman siya sa sinabi ko kaya nagtaka ako kung alin ang nakakatawa. Kumunot ang noo ko habang pinagmamasdan siyang tumawa.
"Kahit ano pa yan, kakainin ko pa rin. Espesyal yan kasi luto mo." Natulala naman ako sa kanya dahil sobrang candid ng ngiti niya sa akin. Yung tipong naningkit na ang mga mata niya dahil sa bigay todo niyang tingin. Hindi ko na tuloy maalis ang tingin ko sa kanya.
"Aray!" Nagulat ako ng biglang tumalsik ang mantika sa kamay ko. Nabitawan ko bigla ang sandok at napadaing na lang sa sakit.
"Ayos ka lang?" Hinawakan ni Charles ang kamay ko. Hinayaan ko lang siyang hawakan ito. Ginamit ko naman ang pagkakataon para titigan siya. Nakita ko na naman ang mga nag-aalala niyang mukha. Abala siya sa paghipan ng kamay ko hanggang sa magtama ang mga mata namin at bumalik na ako sa wisyo ko.
"Okay lang ako. Sige na umupo ka na dun. Maghahain na ako." Sumunod naman siya sa sinabi ko. Tumalikod ako sa kanya at huminga ako ng malalim.
"Shaira, wag ka masyadong halata! Parang ibinibigay mo na sarili mo e! Easy ka lang. Chill! Kaya mo to. Act normal!" Paulit ulit kong kinumbinsi ang sarili ko na hindi dapat ako masyadong nagmamadali. Tinitignan ko pa lang naman kung magwowork pa ba kami.
Dinala ko na ang mga niluto ko sa lamesa. Naabutan ko siyang abala sa harap ng cellphone niya kaya hindi niya ako napansin. Nang ilapag ko na ang mga pagkain ay noon niya lang ako nilingon at madali niyang itinago ang phone niya.
"Let's eat?" Anyaya ko sa kanya. Tumango naman ito at nauna ng kumuha ng kanin. Natuwa naman ako sa reaksyon niya dahil kahit hotdog at itlog lang ang inuulam niya ay mukha naman siyang nasasarapan.
"Dalawang linggo na lang babalik ka na sa states." Napabuntong hininga siya habang ino-open ang topic na ito. Hindi ko alam kung bakit niya ito biglang nabanggit.