Abala na ang lahat dahil ngayon na ang out of town trip namin. Isa-isa na rin silang nagsidating sa lobby ng hotel ko. Dito kasi namin napagusapan na magkita kita dahil nandito lahat ng pinamili namin.
Nag-rent kami ng shuttle bus para mas komportable kaming bumyahe lalo na't madami kami ngayon. Isinama nila Coreen ang driver nila para hindi na mapagod sila Jack magmaneho. Sa tabi ng driver ay nakaupo si Dexter habang sa loob naman kaming lahat pupwesto.
Nailagay na namin sa bandang likuran ang mga gamit para hindi na makaabala. Sila Vinz na lang ang hinihintay dahil nakarating na sila Paul. Nag-bless sa amin ang anak ni Paul na si Yuri at nakipagbeso naman sa amin ang asawa niyang si Bi.
"Ikaw si Shaira di ba?" Tumango ako. Nag-usap kami ni Bi habang hinihintay sila Vinz. Nagkwento si Bi ng mga kakulitan ni Yuri. Naibahagi na rin niya ang kagustuhan niyang bigyan na ng isa pang kapatid si Yuri para may kalaro. Kasalukuyan kasing nakikipaglaro si Yuri kela Wax kaya naikwento ito ni Bi.
"Ayan na sila Vinz! Sa wakas!" Patakbong lumapit sa akin si Andrei at sinalubong ko naman ito ng yakap. Pinaulanan ko siya ng mga halik bago ko siya bitawan. Hinayaan ko muna siyang lumapit sa iba pa naming kasama.
"Tagal niyo." Bulong ko kay Vinz na ngayon ay kayakap ko. Natawa lang siya.
"Hailey, si Shaira." Tinawag ni Vinz ang nanay ni Andrei para ipakilala ako. Nag-shake hands naman kami at nagbeso. Finally, makikilala ko na rin ang nanay ni Andrei.
"Tara na guys. Tatanghaliin na tayo." Isa-isa na kaming nagsisakay sa shuttle. Magkatabi si Coreen, Ayi at Ashton. Katapat naman nila ako. Sa likod nila si Vinz, Andrei at Hailey habang katapat nila si Wax at ang girlfriend nito. Sila Paul naman at ang pamilya niya ang nasa likuran nila Vinz at si Jack naman ang katapat nila.
"Charles dyan ka na lang umupo sa tabi ni Shaira. Puro gamit na kasi dito sa likod." Sigaw ni Jack. Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya. Bakit sa akin pa? Pwede namang iusog yung mga gamit sa likod.
"Di na aayusin ko na lang yung sa likod." Sagot ni Charles. Nakahinga naman ako ng malalim. Kahit na ilang beses na kaming nagkasama ay awkward pa rin para sa akin ang gusto nilang mangyari. Sigurado kasing aasarin nila kami.
Open na ang barkada sa ideyang magkabalikan kami ni Charles. Siguro dahil nagmature na rin ang lahat kaya napagtanto nila na wala ng masama kung maging kami ulit. Ang mahalaga lang ay pahalagahan namin ang tiwalang ibinigay nila sa amin.
"Lalayo pa. Dyan ka na lang wala kang katabi sa likod." Singit ni Wax. Napapayag din nila si Charles na tumabi sa akin. Ngayon na lang ata kami naging ganito kalapit sa isa't isa. Pang dalawang tao lang kasi ang inuupuan namin unlike kela Coreen na pang three seaters. Kaya medyo magkadikit talaga kami.
Hindi ko siya kinakausap. Ayokong magsinungaling sa nararamdaman ko. Nagtampo ako sa kanya noong umalis siya agad habang kumakain kami. Iniisip ko tuloy na mas mahalaga na siguro si Era sa kanya. Ako na lang siguro ang umaasa na may second chance kami.
Idinantay ko ang ulo ko sa bintana ng shuttle. Madilim pa nung umalis kami sa hotel kaya medyo inaantok pa ko. Hindi ko na rin pinigilang makatulog dahil mas mainam yun para di na rin niya ako kausapin. Maya maya pa ay napapikit na lang ako sa antok.
"We're here!" Nagising ko sa sigaw ng kung sino. Kinusot ko ang mata ko. Nahihirapan pa akong gumising ng tuluyan dahil medyo inaantok pa ko. Umayos ako ng upo at noon ko lang napansin na nakatulog pala ako sa balikat ni Charles.
"Ang sweet naman. Gisingin mo na yan." Pang-aasar sa akin ni Ashton. Isa-isa na silang nagsibaba sa shuttle pero hindi pa din nagigising itong si Charles. Kaming dalawa na lang ang nasa shuttle ngayon. Tinapik ko ng isang beses ang pisngi niya pero di pa din siya nagising.
Nagulat ako ng biglang mag-ring ang phone niya at agad naman itong nagising. Hinanap niya ito at sinagot ng di man lang tinitignan kung sino ang tumawag.
"Hey?" Bungad niya sa tumawag.
"Good morning Era." Kinusot niya ang mga mata niya at deretso ng bumaba sa shuttle. Ni hindi man lang ako inaya or what? Grabe talaga! Pag tumatawag si Era sa kanya, lagi na lang niya akong kinakalimutan.
"O nasaan na si Charles?" Nagtatakang tanong ni Coreen dahil hindi ko kasabay si Charles na pumasok sa loob. Nagkibit balikat na lang ako dahil ayokong i-explain sa kanila ang nangyari.
"Welcome to Liwayway Beach Resort ma'am, sir. How may I help you?" Bungad sa amin ng nasa front desk. Si Coreen at Dexter na ang lumapit para sa reservation namin. Umupo na lang ako sa sofa sa receiving area.
"Ang aga-aga, nakasimangot." Asar sa akin ni Ayi na ngayon ay umupo sa tabi ko. Hindi ko maiwasang hindi sumimangot dahil ilang beses na akong binabalewala ni Charles dahil doon kay Era.
"Si Charles kasi." Nanlaki ang mata niya sa sinabi ko. Hindi niya siguro akalaing si Charles ang rason kung bakit ako nagkakaganito. Nilibot niya pa ang paningin niya sa paligid para hanapin si Charles.
"O nasaan yun? Bumalik na sa kanila?" Umiling ako.
"Nasa labas, kausap yung Era." Sandaling tumahimik si Ayi bago tumawa ng malakas. Kumunot naman ang noo ko sa naging reaksyon niya. Dati rati pag binabanggit ko si Charles galit na galit yun. Ngayon heto tawang tawa!
"Si Era? Nagseselos ka ba kay Era?" Tanong niya sa akin. Nagtaka naman ako dahil parang kilala niya yung Era na tinutukoy ko.
"Kilala mo si Era?" Nang tanungin ko ito ay tumigil siya sa pagtawa.
"Hindi." Deretso niyang sagot. Tumayo na siya at nagpaalam ng pupuntahan si Ashton.
Nagseselos ba ako? Hindi naman di ba? Naiinis lang ako kasi lagi niya akong kinakalimutan pag si Era ang kausap niya. Simula noong umuwi ako dito lagi naman na kaming lumalabas na dalawa. Minsan magtetext siya kung ubra ba ako, ako naman si oo. Sweet siya sa akin, may kung anong epekto siyang hatid sa tuwing magkasama kami pero pag tumawag na yung si Era nawawala ang lahat. Laging si Era muna bago ako.
"Tara na doon sa rooms natin." Aya ni Coreen. Nauna na silang pumunta sa malapit sa elevator. Kasabay nilang sumakay sila Jack at Paul. Sumunod naman kami nila Vinz at Wax sa next elevator.
"Tita mami. You look tired?" Tanong sa akin ni Andrei. Binuhat ko siya at niyakap ng mahigpit.
"Tita's inaantok." Tumango naman si Andrei at mukhang inaantok pa din dahil kinusot kusot niya ang mata niya. Dumantay siya sa balikat ko habang buhat ko siya.
"Nasaan yung kasama mo Shai?" Tanong sa akin ni Wax. Lumingon pa silang lahat pati na ang nanay ni Andrei. Nagkibit balikat na lang ako dahil hindi ko naman talaga alam kung nasaan yun.
Bumukas na ang elevator sa floor namin. Inihatid ko muna si Andrei sa kwarto nila. Tulog na tulog habang inihihiga ko sa kama niya. Nang maihatid ko na si Andrei ay nagpaalam na akong pupunta sa kwarto ko. Nag-offer pa si Vinz na ihatid ako pero tinanggihan ko na. Magkatabi ang room namin ni Wax. Yung kay Wax kasi ay katapat ng kay Vinz.
"Kaya mo ba? Tulungan na kita." Kinuha ni Charles ang bag ko. Hindi na ako natanggi dahil nasa kanya na. Binuksan ko na ang kwarto ko pero hindi pa ako pumasok sa loob.
"Thanks." Kinuha ko sa kanya ang bag ko at pumasok mag-isa sa kwarto. Ayan na naman siya aastang napaka-concern pero pag tumawag si Era nawawala na ang lahat. Hindi ko na siya hinayaang pumasok dahil sinarado ko agad ang pinto. Wala ako sa mood ngayon kaya ayoko muna siyang pansinin.